Thursday, June 29, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Lider-katutubo ng Cordillera, nagsampa ng kaso kontra PNP

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 25, 2023): Lider-katutubo ng Cordillera, nagsampa ng kaso kontra PNP (Indigenous leaders of the Cordillera, filed a case against the PNP)
 





June 25, 2023

Nagsampa ng kaso si Windel Bolinget, tagapangulo ng Cordillera Peoples Alliance (CPA), kasama ang iba pang mga kasapi ng organisasyon laban sa mga upisyal ng Philippine National Police (PNP) noong Hunyo 23 sa La Trinidad Municipal Court. Isinampa niya ang kontra-asunto kaugnay ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanya at iba pa noong 2020 sa Tagum City, Davao Del Norte.

Partikular na inihain ng grupo ang Complaint for Moral, Actual and Exemplary Damages at paglabag sa Artikulo 19, 20, 21, at 32 ng Civil Code. Ayon sa grupo, nakaranas ng matinding pagmamanman at pagtugis sina Bolinget at ibang lider ng CPA.

Tinukoy ng reklamo na pangunahing sangkot sina PMaj. Ruth Dizon, dating hepe ng Kapalong Municipal Police Station sa Davao Del Norte, Ranel Tibog Vender, at PBGen R’Win Pagkalinawan na naglabas ng atas na “shoot to kill” noong Enero 2021 laban kay Bolinget.

“Dapat mabigyan ng hustisya ang hindi makatarungang pagkulong at malupit na mga atake laban sa aking organisayson, pamilya at sa akin mismo na resulta ng naturang kaso,” ayon kay Bolinget.

Dati na ring ginipit ng mga pwersa ng estado si Bolinget at idinawit sa samutsaring mga gawa-gawang kaso. Noong 2018, kasama siya sa higit 600 pinangalanang aktibista, mga progresibo at rebolusyonaryo sa kaso ng teroristang proskripsyon ng Department of Justice laban sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.

Idinawit din siya sa isang kaso ng rebelyon noong Enero lamang, kasama ang anim pang iba. Kinilala sila bilang Northern Luzon 7, at kamakailan lamang ay ipinawalambisa ang mandamyento de aresto na ginamit sa kanila dahil sa mga anomalya.

“Dapat mapanagot ang mga tauhan ng estado na sangkot sa pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso at iba pang paglabag sa karapatang-tao, lampas pa sa pagbabayad ng danyos-perwisyo, dapat silang tanggalin sa kanilang pusisyon dahil nilalabag nila ang konstitusyunal na karapatan sa tamang proseso at iba pang sibil na kalayaan,” giit ni Bolinget.

Nananawagan ang CPA na ihinto na ang paggamit ng estado sa batas na sandata laban sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo at mga aktibista sa buong bansa. Anang grupo, ang pagsasampa nila ng kontra-asunto ay isa sa maraming paraan na isasagawa nila para labanan ang pag-atake ng estado.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/lider-katutubo-ng-cordillera-nagsampa-ng-kaso-kontra-pnp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.