Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolutionary Web Central (PRWC) news room blog site (Mar 7, 2022):
Pagmomodyul, estilong-BHB (Modeling, NPA-style)
Binalikat ng maraming Pulang mandirigma ang pagtuturo sa mga bata sa kanayunan nang ipatupad ng Department of Education ang “blended learning” simula 2020. Isa sa mga sumalo sa pagtuturo si Ka Agnes, isang guro at kasapi ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Tagalog.
“Noong bata pa ako, humanga ako sa mga guro ko na dala-dalawang baitang ang tinuturuan,” aniya. “Hindi ko akalaing magiging katulad nila ako.” Sa kanyang nilulubugang erya, tinuturuan ni Ka Agnes ang mga mag-aaral sa apat na magkakaibang baitang “sa lahat ng asignatura, sa anumang baitang, sa lahat ng paksa.”
Maraming magulang ang walang panahon, pasensya o kaalaman para magturo. Himutok ng mga nanay sa kanya, kung hindi nakalimot na sa mga aralin, ay abala sa trabaho at walang oras magturo. “Hindi ako nakapagtapos,” sabi sa kanya ng isang nanay. “Kaya nga pinag-aaral ko ang mga bata.”
Salaysay ni Ka Agnes, noong hindi pa nakararating ang kanilang yunit sa erya at wala pang mga kasamang nagtuturo, sa isang app kumukuha ng sagot sa modyul ang mga bata. “Laking gulat ko nang mabasa ko ang mga sagot,” kwento niya. “Hindi naman lahat ay tama! Bukod pa, ang sagot lang mismo ang hinahanap ng mga bata, hindi ang pamamaraan o solusyon kung paano ito sinagutan. Kopya lang nang kopya.”
Malaking kapunahan ang nakita ni Ka Agnes sa mga modyul at kahit sa mga tanong ng lingguhang pagsusulit. “Maalinman ito sa mali ang mga baybay ng salita, mali ang nakasaad sa panuto, mali ang mismong mga salitang ginamit, mali ang ginamit na halimbawa,” himutok niya. “At ang pinakamalala ay mali ang mismong itinuturo!”
Bilang guro, batid ni Ka Agnes ang hirap na dinadaanan ng mga gurong tinambakan ng sobra-sobrang trabaho sa ilalim ng blended learning. Kumpara sa pagdaraos ng mga leksyon sa klasrum, alam niya ang hirap at gastos sa paghahanda ng mga modyul, pagpapa-print sa mga ito, pagtse-tsek sa bumabalik na santambak na mga modyul na hindi alam kung ang bata ang sumagot o ang kanyang magulang. “Mahirap na hindi mo harapang nakakausap ang iyong estudyante at hindi maayos na natataya ang kanilang antas ng kaalaman,” aniya. “Hindi mo malalaman kung sino nga ba ang dapat na makatanggap ng Unang Karangalan sa matataas na marka, ang estudyante o ang nanay?”
Sa karanasan niya, palpak at di masasalba ng anumang pagsisikap ang blended learning. “Kung tatanungin ako kung epektibo bang natuto ang mga bata rito, ang sagot ko ay hindi.”
Ang mga bahay sa kanayunan ay komportable hindi para sa pag-aaral kundi para gawin ang ibang bagay. “Ibang-iba ang set-up sa bahay—animo’y walang presyur, relaks lang ang buhay.” Kwento niya na noong bukas ang mga eskwelahan, laging hinihiling ng mga estudyante na sana mag-Biyernes na, para wala nang pasok. “Ngayon, hiling nila na ‘wag munang mag-Biyernes dahil pasahan na ng modyul at hindi pa nila natatapos ang mga ito kahit isang linggo nang ipinagagawa sa kanila.”
Dahil hindi pisikal na pumapasok sa paaralan, nawala sa mga bata ang pagiging mulat sa oras—mula sa paggising at paghahanda hanggang sa oras-oras na pagpapalit ng mga asignatura na nagkukundisyon sa kanila na makinig sa guro sa isang takdang panahon. Sa kaayusang pisikal, kahit ang mga pagsusulit ay may itinatakdang oras.
“Hindi nahuhubog sa kanila ang disiplina sa pag-aaral na magmumula sa disiplina sa oras,” ani Ka Agnes.
Marami ring mga batang pinipiling magtrabaho kaysa mag-aral. “Yung estudyante ko na si Momoy, Grade 9, mas ginusto niyang mag-arawan sa gawaan ng mwebles kaysa magmodyul.” Hindi niya masisisi ang bata dahil kailangang-kailangan ng pamilya nito ang dagdag na kita.
Marami pang ibang pwedeng gumambala sa pagmomodyul. “Malingat lang sila at mapatutok sa kanilang selpong Android, tiyak maghapon na nilang hawak ito,” aniya. “Ang mga modyul? Mag-iipon na lang ng alikabok sa isang tabi.”
Ang malala, pag-obserba ni Ka Agnes, nilikha ng blended learning ang mga kundisyon para mabulok ang kaisipan ng mga bata sa mga laro at gawaing online. Resulta ito ng walang pangangasiwang pagbababad sa internet, na sa nakaraan ay limitado dahil nasa loob sila ng mga paaralan.
“Mas hinahabol pa nila ang mataas na ranggo sa online games kaysa mataas na karangalan sa pag-aaral.”
Binago ng walang regulasyon na paglalaro online ang pisikal at sosyal na kapaligiran ng mga bata. Madalas, napababayaan nila ang kanilang kalusugan sa kalalaro online. Hindi na sila lumalabas ng bahay para makipaglaro at nagbago na ang batayan ng kanilang pakikipagkaibigan. Nawasak ang kanilang emosyonal at mental na kalusugan. “Lagi nang nag-iisa sa kwarto at iba’t iba na ang nararamdaman sa nakikita at nararanasan sa mundo ng cyberspace.”
Batid ni Ka Agnes na may mahalagang papel ang mga magulang at iba pang kasama sa bahay ng mag-aaral upang matutukan sila at madisiplina sa paggamit ng gadyet. Pero sa maraming kaso, abalang-abala ang mga nakatatanda sa paghahanapbuhay para may maipantawid-gutom ang pamilya sa gitna ng pagkawasak ng kabuhayan dulot ng palpak na tugon ng estado sa pandemya.
“Sa kadulu-duluhan, babalik pa rin tayo sa palpak na sistemang malakolonyal at malapyudal,” paliwanag ni Ka Agnes. “Sa ganito kabulok na sistema, nabubulok din ang kaisipan ng kabataan. Ito ang nilalabanan at iwinawaksi ng inilulunsad na demokratikong rebolusyong bayan.”
Balak niyang ibahin naman ang leksyon matapos masagutan ng mga bata ang mga modyul nila sa kasalukuyang kwarto. “Mag-iiskedyul na ako ng pagtuturo ng MKLRP (Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino) sa mga estudyante ko,” aniya.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2022/03/07/pagmomodyul-estilong-bhb/