Isinapubliko kahapon, Araw ng Kalayaan, ang ulat ng delegasyon ng isang fact-finding mission na nagsagawa ng tatlong-linggong pagsisiyasat sa mga komunidad sa paligid ng mga base militar ng US, o tinaguriang “EDCA site” at mga pinagdausan ng katatapos lamang na Balikatan war games. Natuklasan nila ang laganap na kapabayaan, disimpormasyon at panggigipit sa mga lugar na ito. Ang delegasyon ay pinamunuan ng Bayan-USA at PINAS Peace Mission.
Isinagawa ang pagsisiyasat sa loob ng isang “EDCA site” sa Cagayan Valley; sa mga dating baseng militar ng US sa Central Luzon; Ilocos Norte, kung saan isinagawa ang pinakahuling pagsasanay sa Balikatan; at sa Marawi City, kung saan itinatayo sa “ground zero” ang isang kampo militar gamit ang pondo ng EDCA.
Ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay kasunduan ng gubyerno ng US at Pilipinas na pinirmahan noong 2014 na nagpapahintulot sa US na magtayo ng mga base o pasilidad sa loob ng “agreed location” o pinagkaisahang lugar sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa ngayon, mayroong hindi bababa sa siyam na lugar na may pasilidad ang US sa ilalim ng EDCA. Liban dito, sinasabing may hindi bababa sa walo pang base o pasilidad militar ang US sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
“Ngayong Araw ng Kalayaan, giit namin na maging malaya ang mamamayang Pilipino para tumindig sa kanilang sariling paa at magpasya sa sarili ang direksyon ng ating hinaharap, nang walang dayuhang kapangyarihan na nakapagliligaw (ng direksyon),” pahayag ng mga kinatawan ng delegasyon. “Iginigiit namin na harapin at panagutin ang mga gubyerno ng Pilipinas at US sa pinsala ng militarismo sa pinakamahihirap (na sektor). Iginigiit namin (sa mga ito) ang sagot sa mga katanungan kaugnay sa tunay na saklaw ng konstruksyon ng mga base at pasilidad ng US sa bansa, lalupa’t ang isinasapubliko sa mga balita ay taliwas sa katotohanan.”
Kabilang sa mga natuklasan ng delegasyon ang sumusunod, alinsunod sa kanilang inilabas na pahayag:
1) Mga paglabag sa EDCA Agreement sa Cagayan Valley. Inatasan ng militar ang mga residente malapit sa base militar na mag-imbak ng mga gamit labas sa tinukoy na “EDCA site,” labag sa kasunduan mismo na nagbabawal dito. Hindi rin pinaalam sa mga residente ang layunin ng pag-iimbak. Sa hinuha nila, ang mga ipinaimbak ay mga armas, taliwas sa sinasabi ng US at AFP na ang mga gamit dito ay para lamang sa “humanitarian aid.”
2) Pagsasamantala ng mga tropang US sa mga komunidad at kanilang mga rekurso: Sa Cagayan Valley, inupahan ng mga tropang Amerikano ang mga bangka ng mga mangingisda para sa war games. Sa Ilocos Norte, pinagbawalan ang mga residente na maglayag at ipinagkait ang kanilang kabuhayan. Kulang na kulang ang ibinigay na danyos sa kanila.
3) Mahigpit na sabwatan ng pribadong sektor at militar: Sa Cagayan Valley, napag-alaman ng delegasyon ang balak ng US na magtayo ng mga “EDCA site” malapit sa mga espesyal na economic zone. Dalawa sa umiiral na base ay katabi ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
4) Walang pabatid sa mga komunidad na ginawang lokasyon ng war games. Sa Santa Ana, Cagayan, walang ibinigay na paliwanag sa mga residente kaugnay sa US-PH military exercises, bago at pagkatapos nito. Walang ipinaalam sa kanila, at binalewala ang kanilang mga boses at kapakanan. Mula Nobyembre 2023, naging sanhi ng panic ng mga katutubong komunidad sa isla ng Palaui ang dalawang beses na paglipad nang mababa ng mga helikopter ng US. Nangamba sila sa gera at para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
5) Disimpormasyon at di pagsasabi ng totoo sa mga ulat ng gubyerno: Sa Marawi City, batid ng mga lider ng komunidad ang pagtatayo ng isang base militar gamit ang pondo ng EDCA sa “ground zero,” pero hindi ito isinasapubliko ng gubyerno. Iniulat din ng naturang mga lider ang balak na magtayo ng espesyal na sonang pang-ekonomya sa naturang lugar. Sa Ilocos Norte, may mga komundad na hindi direktang pinaabutan ng gubyerno kaugnay sa Balikatan exercises. Inulat rin ng mga residente ang kanilang pagkagulantang dulot ng malalakas na putok na umuga sa kanilang mga bahay.
6) Panggigipit at Red-tagging ng estado: Laganap ang Red-tagging sa mga residente na nag-ulat ng militarisasyon, laluna yaong nagpahayag ng pangangailangan sa pagpapaunlad ng kabuhayan sa mga komunidad.
7) Kapabayaan ng gubyerno: Sa Marawi City, nananatili sa mga sentro ng ebakwasyon ang residenteng apektado ng pang-aatake ng AFP noong 2017. Wala o sira ang mga batayang yutilidad tulad ng kuryente, tubig, at sanitasyon, sa mga lugar na ito. Marami sa kanila ang hindi pa rin nakatatanggap ng kumpensasyon o oportunidad na makabalik sa kanilang mga lupa.
Balak ng mga myembro at alyado ng Bayan-USA na dalhin ang laban sa militarismo ng US sa Pilipinas sa gaganaping people’s summit at pagkilos ng kampanyang Cancel Rim of the Pacific Games (RIMPAC) sa San Diego, California sa Hunyo 29-30; sa summit at pagkilos sa Washington D.C. sa Hulyo 6-7; sa mga pambansang convention ng mga partidong Republican at Democrat sa Hulyo-Agosto; at sa Kongreso ng US para labanan ang Philippines Enhanced Resilience Act (PERA) at para sa pagpasa ng Philippine Human Rights Act; at sa People’s SONA sa pagtatalumpati ni Ferdinand Marcos sa darating na Hulyo.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/banta-sa-kalayaan-kongklusyon-ng-mga-nagsiyasat-sa-mga-base-militar-ng-us-sa-pilipinas/