Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 6, 2023):
Kalbaryo sa sambayanang Pilipino ang unang taon sa ilalim ng papet, pasista at pahirap na ilehitimong rehimeng US-Marcos II (The first year under the puppet, fascist and torturous illegitimate US-Marcos II regime was a calvary for the Filipino people)
Public Information Office
CPP Southern Tagalog Regional Committee
Communist Party of the Philippines
July 06, 2023
Walang napala ang sambayanang Pilipino sa unang taon ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II kundi ang papatinding kahirapan dulot ng ibayong pagka-agnas ng lipunang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na saklot ng pandaigdaigang krisis ng monopolyo kapitalismo.
Sagad-sagaran ang pagiging papet at tuta ng rehimeng Marcos II sa imperyalismong US sa walang patumanggang pangangayupapa nito sa hegemonikong interes ng huli, sukdulang ilagay nito sa tiyak at napipintong panganib ang buhay at kaligtasan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng tumitinding girian ng dalawang magkatunggaling imperyalistang kapangyarihan—ang US at ang China.
Iniresulta ng byahe ni Marcos sa US at pakikipagpulong kay President Biden ang pagsemento ng estratehiya ng US na gamitin ang Pilipinas bilang outpost sa Asia-Pacific upang palakasin ang hegemonya sa rehiyon sa pamamagitan ng presensyang militar. Pinagtibay nito ang mga tagibang na kasunduan na nilaman ng US-Defence Bilateral Guidelines na ibayo pang nagpatibay sa mga dating kasunduang militar laluna ang Mutual Defence Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), at Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA). Hudyat ito ng ibayong kontrol at dominasyon ng US sa Pilipinas at lantarang pagtraydor ng rehimeng US-Marcos II sa kasarinlan at soberanya ng bansa. Bago pa man ang byahe ni Marcos sa US ay nauna na itong nagbigay-laya sa pagtatayo ng mga karagdagang EDCA sites ng US sa mga estratehikong bahagi ng bansa na nakaumang sa katunggaling China, isa na rito ang matatagpuan sa isla ng Balabac, Palawan sa Timog Katagalugan, gayundin ang paglulunsad ng serye ng Balikatan Exercises. Kapalit nito, tumanggap si Marcos ng $100 milyong tulong-militar mula sa US na tiyak na gagamitin laban sa mamamayan.
Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, nagpapatuloy at higit pang pinatindi ang bangis ng pasistang pang-aatake sa mamamayan. Sa unang taon pa lamang nito ay may naitala ng 97 biktima ng pamamaslang sa buong bansa kabilang dito ang dalawang pinaslang ng militar sa Batangas na sina Kyllene Casao, 9 na taong bata at Maximino Digno, magsasakang maysakit sa pag-iisip; isang katutubong Mangyan sa Occidental Mindoro na si Dante Yumanao, at isa pang menor de edad sa Oriental Mindoro. Napaulat din ang paglobo ng mga napapatay sa gyera kontra-droga sa ilalim ng rehimen. Ayon sa ulat ng Dahas project ng UP Diliman’s Third World Study Center umabot na sa 309 ang biktima mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 31, 2023. Ayon pa sa ulat, 134 nito ay naganap mula Enero hanggang Mayo lamang nitong taon. Pinakamataas nitong Mayo na umabot sa 37 biktima sa loob lamang ng isang buwan.
Liban pa ito sa samu’t saring paglabag sa mga karapatang pantao gaya ng pambobomba at banta ng pambobomba, pagdukot, pagtortyur, pekeng pagpapasuko, iligal na pang-aaresto, panggigipit sa mga pamilya ng mga rebolusyonaryo at marami pang iba. Matatandaang walang habas na binomba ang mga bayan sa Mindoro nito lamang taon. Unang binomba ang kabundukan sa hangganan ng Roxas at Mansalay noong Abril 29, 2023 na bumiktima sa kabuuang 10,870 residenteng naninirahan sa Brgy. San Vicente, Roxas at karatig na Brgy. Balugo at Waygan, Mansalay. Biktima rin ng pambobomba ang 1,459 residente ng Barangay Tawas, Bongabong, at 1,932 residente ng Barangay Malo, Bansud nitong Mayo 8. Nagkaroon din ng banta ng pambobomba sa Montalban, Rizal na nagdulot ng takot at ligalig sa mga residente at napilitang lumikas ang 250 pamilya.
Mahaba ang listahan ng mga paglabag ang naitala sa unang taon pa lamang ng rehimen. Tampok dito ang karumal-dumal na pagpatay sa walang kalaban-laban na mag-asawang Ka Benito at Ka Wilma Tiamzon at walo pang kasamahan nila. Lumaki din ang biktima ng sapilitang pagwala na umabot na sa walo o 45% kumpara sa anim na taon ng sinundang rehimen. Lima sa mga ito ang naganap sa buwan lamang ng Abril ngayong taon. Sa rehiyon, dinukot ang mga magsasakang kasapi ng samahang Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) na sina Alfredo Manalo at Lloyd Descallar at tubero na si Angelito Balitostos. Iligal ding inaresto sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado. Hinatulan rin ng habambuhay na pagkakakulong si Alexa Pacalda batay sa mga gawa-gawang kaso. Patuloy pa ring nakakulong ang NDFP consultant na si Ernesto Lorenzo at mahigit pang 700 bilanggong pulitikal.
Nakangingitngit din ang pagpapawalang-sala ng Department of Justice (DOJ) sa unang kwarto ng taon sa mga pulis na may kinalaman sa pagpatay kina Manny Asuncion at mag-asawang Chai at Ariel Evangelista na kabilang sa siyam na biktima ng Bloody Sunday Massacre sa Timog Katagalugan noong Marso 7, 2021. Walang duda ang pag-iinstitusyunalisa ng rehimeng Marcos sa impyunidad sa patuloy nitong pagkibit-balikat at hindi pakikipagtulungan sa International Criminal Court sa pag-uusig sa kapwa pasistang si Rodrigo Duterte sa kaso nito laban sa sangkatauhan batay sa libu-libong pinatay ng kanyang hangal na gyerang kontra-droga.
Ang pasismo sa ilalim ni Marcos II ay katulad ng pasistang paghahari ng kanyang amang diktador na si Marcos Sr na masugid na sinusuportahan ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga tulong militar at suportang mga kagamitang pandigma laban sa mamamayan. Nagkukumahog ang rehimen sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at AFP-PNP na ideklarang “insurgency free” ang mga lalawigan sa rehiyon na sinasang-ayunan naman ng mga lokal na gubyerno para makopo ang mga proyektong kontra-insurhensya na pagmumulan ng mas malaking korapsyon. Subalit hungkag ito sa mata ng mga mamamayang patuloy na pinahihirapan ng kawalan ng lupa at kabuhayan.
Kaalinsabay ng pasistang pang-aatake ang ibayong paglala ng kahirapan ng mamamayan dulot ng kawalan ng hanapbuhay, mababang kita, mababang sahod, mababang presyo ng mga produktong bukid, habang patuloy namang sumisirit ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa ilalim ng pahirap, palpak at inutil na rehimen.
Para pabanguhin ang sarili, direktang hinawakan ni Marcos Jr ang pangangalihim sa Department of Agriculture at nangakong ibabangon ang sektor ng agrikultura, pabubutihin ang buhay ng mga magsasaka at titiyakin ang seguridad sa pagkain. Partikular ang buladas niyang gagawing ₱20 na presyo ng bigas na makalipas ang isang taon ay nanatiling suntok sa buwan. Ginagamit nitong modelo ang iskemang “Masagana ’99”, gayong ang mga palpak at pahirap na programa at patakaran ito ng kanyang ama at niya mismo ay lalung maglulugmok sa agrikultura at ekonomya ng bansa na tiyak na magbubunga ng pagkawasak, pagkabangkarote, pagkaatrasado at krisis. Nangako rin siya para sa kapakanan ng mga magsasaka sa niyugan pero paimbabaw lamang at walang malinaw na plano kundi ang gasgas na programa para sa modernisasyon ng industriya.
Habang nangungunyapit sa pagiging kalihim ng departamento, ilang ulit na itong nasadlak sa krisis at kontrobersya. Tumaas ang presyo ng asukal, sibuyas at itlog na nabunyag sa mga pagdinig sa Senado na resulta ng pamamayagpag ng kartel sa industriya, hoarding, gayundin ang ismagling. Subalit higit pa rito ang maanomalyang labis na importasyon na nagiging lehitimo dahil sa patuloy na pagtataguyod ng rehimen sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomya ng dikta ng US sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon.
Katulad ng kanyang ama, wala rin siyang plano para sa tunay na reporma sa lupa, bagkus ang ibayong pagkontrol ng mga panginoong maylupa sa malalawak na lupain at rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng mga bagong-tipong panginoong maylupa at mga burgesyang kumprador. Mapanlinlang itong nagdedeklara ng pagbubura ng utang ng mga di nakapagbayad ng amortisasyon ng mga agrarian reform beneficiary (ARB’s), para lamang mapadali ang pag-akumula ng lupa mula sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng mas madaling proseso na maibenta ang mga lupang may CLT at CLOA. Nililinlang din niya ang magsasaka na lalaki ang ani at kita sa pamamagitan ng pagkokonsolida ng lupa sa pamamagitan ng mega farms na kokontrolin ng mga panginoong maylupa at malalaking korporasyong agro-business.
Sa unang taon pa lamang ng rehimen, pangita na ang walang kahihiyang kasibaan nito na makakopo ng yaman ng bayan. Katuwang ang rubberstamp na Kongreso at Senado niratsada ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund (MIF), kahit taliwas maging sa burges na batas at panuntunan sa ekonomiks. Tiyak na ang pagkakaapruba nito bago ang SONA ni Marcos ngayong naisumite na ito sa Malacanang. Ginamit pang tuntungan ng MIF na ang Pilipinas umano ay “Rising Star of Asia”, gayong ang bansa pa rin ang may pinakamababang income per capita in gross domestic product (GDP) at hawak pa nito ang korona sa may pinakamataas na implasyon sa ASEAN kung saan pinakamataas sa nakalipas na 14 taon. Sumirit din ang utang ng Pilipinas sa unang taon pa lamang ng rehimeng Marcos Jr na umabot sa ₱1.11T na higit na nagpalaki sa kabuuang utang ng bansa na umabot na ngayon sa ₱13.91 trilyon. Hindi pa rito kasabay ang panibagong uutangin ni Marcos na ₱33.6 bilyon sa World Bank para umano paunlarin ang kanayunan sa kaniyang ambisyosong programang Philippine Rural Development Project Scale Up na nakatakdang popondohan ng ₱45.01 bilyon.
Manhid din ang rehimen sa kadusta-dustang dinaranas ng mga manggagawang sahuran na nananawagan para sa nakabubuhay na sahod sa gitna ng mataas na gastusin sa pagkain at iba pang batayang pangangailangan ng pamilya para mabuhay. Isang malaking insulto sa kanila ang kakarampot na ₱40 na dagdag na sahod na inaprubahan sa NCR, na malayong-malayo sa kinakailangang ₱1,160 family living wage. Aasahan na mas mababa pa rito ang maaaprubahang umento sa sahod, kung sakali, sa mga rehiyon dahil sa pag-iral at manipulasyon ng mga regional wage board.
Imbes na resolbahin ang krisis sa edukasyon (education poverty) at pagtugon sa kahilingang itaas ang sahod ng mga guro mas pinagkakaabalahan ng rehimen ang profiling ng mga guro na kasapi ng mga progresibong organisasyon na pinangangambahang ikasapapanganib ng kanilang mga buhay dahil sa malinaw itong red-tagging. Prayoridad din ng rehimen na isabatas ang MROTC para ikintal ang doktrinang pasista sa mga kabataan.
Pinagkakaabalahan ngayon ng rehimen ang bogus na pabahay at iba pang imprastraktura na pawang artipisyal na magreresolba sa tunay na problema at pangangailagan ng malawak na mamamayan. Pinapasan ng sambayanan ang magastos na mga byahe at pagliliwaliw ng ilehitimong pangulo kasama ng kanyang pamilya at mga kroni. Muling nanumbalik sa alaala ng sambayanan ang magarbong buhay ng pamilya Marcos sa gitna ng labis na paghihirap ng bayan. Ngayon palang ay litaw na ang mga bitak sa pulitika sa hanay ng naghaharing-uri na manipestasyon ng paglalim sa krisis sa ekonomya ng bansa. Nangangarap din ito ng pagpapalawig sa poder at higit na pagbubukas ng yaman at ekonomya ng bansa sa mga dayuhan sa pakanang pag-amyenda sa konstitusyong 1987 o cha-cha. Dismayado rin ang sambayanan sa pinakahuling desisyon ng ikalawang dibisyon ng Sandiganbayan sa pagwawalang-sala sa pamilya Marcos sa kaso ng pandarambong.
Sa pagtatalaga ni Marcos sa kapwa niya pasista at militaristang si Gilbert “Gibo” Teodoro bilang kalihim Department of National Defence, matigas na nagsasara ang huli sa peace talks upang lutasin ang ugat ng armadong tunggalian. Buong pagmamayabang itong nagdeklara na napahina na umano ang rebolusyonaryong kilusan kaya ang panlabas na depensa na ang kanyang prayoridad. Kung susuriin pagpapagamit lamang ito sa US bilang piyon sa pakikipaggirian nito sa Tsina. Sa kabila ito ng walang seryosong pagtugon sa hinaing ng malawak na nagdurusang mamamayan na binabayo ng krisis sa pagkabulok ng lipunang pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Malinaw na walang mahihita ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II kundi ang ibayong paghihirap sa labis na pagpapakatuta sa imperyalismong US, pasista, palpak at pahirap na rehimen. Nanawagan ang PKP-TK sa mga mamamayan sa Timog Katagalugan na palakasin ang kanilang hanay, palawakin ang pagkakaisa at puspusang makibaka para sa kanilang lehitimong mga karapatan at interes sa pulitika at ekonomya at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya. Magpunyagi sa armadong pakikibaka at paigtingin ang digmang bayan. Ang higit na paglalim ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino ang nagpapatunay ng kawastuhan ng pambansa-demokratikong rebolusyon at ang katiyakan ng pagtatagumpay nito. ###
https://philippinerevolution.nu/statements/kalbaryo-sa-sambayanang-pilipino-ang-unang-taon-sa-ilalim-ng-papet-pasista-at-pahirap-na-ilehitimong-rehimeng-us-marcos-ii/