Saturday, July 8, 2023

CPP/Ang Bayan: Militarista sa kagawaran ng edukasyon

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 7, 2023): Militarista sa kagawaran ng edukasyon (Militarist in the department of education)
 





July 07, 2023

Mula’t sapul, tutol ang mga guro sa pagtatalaga kay Sara Duterte, ilehitimong bise presidente, bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). Anila, walang puwang sa kagawaran ang isang militarista, ignorante sa kasaysayan at lutang sa katotohanang katulad ni Duterte. Wala rin siyang bakgrawnd o kasanayan para pamunuan ito.

Matapos ang halos isang taong panunungkulan, litaw ang militaristang pag-iisip ni Duterte sa kanyang walang humpay na retorikang anti-komunista at pang-aatake sa mga guro. Ginamit niyang entablado ang DepEd para umaktong tagapagsalita ng militar, sa kaayusang hindi siya itinalaga sa pinaglawayan niyang Department of National Defense.

Ipinagpipilitan niya ang kanyang sarili bilang hepe ng reaksyunaryong hukbo bilang bahagi ng kanyang pagpupostura para sa susunod na eleksyong presidensyal. Ikinagalak niya ang pagtatalaga sa kanya bilang co-vice chairperson sa National Task Force-Elcac noong Mayo na ginawa bilang pagkilala sa kanyang todo-todong suporta sa layunin ng ahensya.

Higit sa pagiging red-tagger, dala-dala ni Duterte sa kagawaran ang kunwa’y tagumpay ng “lokal na kapayapaan” sa Davao City, na nakamit sa pamamagitan ng brutal na kampanyang panunupil na kinatangian ng mga masaker, pamamaslang, pang-aaresto, pwersahang pagpapasuko at pagpapailalim sa buu-buong mga komunidad sa paghaharing militar.

Habang abala sa mga militaristang tunguhin, bigo si Duterte na harapin ang krisis sa pagkakatuto na pinalala ng maling mga patakaran ng kanyang amang si Rodrigo Duterte noong panahon ng pandemya. Bigo rin siyang tugunan ang hinaing ng mga guro para sa disenteng sweldo, maayos na kundisyon sa paggawa, seguridad sa trabaho at pagbibigay ng mga benepisyo sa takdang panahon. Kahihiyan ang dala niya sa kagawarang hindi makapagbigay ng matinong alawans, tulad na lamang sa mabaho at di makaing bigas na isinauli ng mga guro noong Hunyo.

Nananatiling balakid sa dekalidad na edukasyon ang kakulangan sa personel, klasrum, libro at iba pang matatagal nang usapin sa sektor. Malaking kapalpakan ang pagdaraos ng mga klase sa nagdaang tag-init dulot ng siksikan at maiinit na mga klasrum.

Tulad ng kanyang ama, pinagtatakpan ni Duterte ang kanyang mga kapalpakan sa paulit-ulit na paninira sa progresibong mga organisasyon, pangunahin sa unyon ng mga guro.

Noong Marso, red-tagging ang itinugon niya sa paggigiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na pag-eempleyo ng dagdag na 30,000 guro at paglalaan ng ₱100 bilyon kada taon sa susunod na anim na taon para abutin ang sukat ng klase na may 35 mag-aaral kada isang guro. Sinabi niyang “di reyalistiko at imposible” ang mungkahi, at inatake ang mga gurong nagpapahayag ng lehitimong hinaing.

Ginamit niya ang pwesto para patahimikin ang unyon ng mga guro. Noong Hunyo, naglabas siya ng memorandum para likumin at isumite sa sentral na pamunuan ng ahensya ang pangalan ng mga myembro ng ACT. Labag ito sa ginagarantiyahang karapatan sa pribasiya ng mga guro, karapatan nilang mag-unyon at magpahayag ng saloobin. Katulad lamang ito sa naunang iskema ng profiling na isinagawa ng Philippine National Police noong 2019. Ang profiling na ito ay nagbunga sa mga “pagbisita” ng pulis sa mga eskwelahan at bahay ng mga myembro ng ACT, at interogasyon at sarbeylans sa kanila.
Mapanganib sa bata

Noong Hunyo, nabalita na ginantimpalaan ni Duterte ang retiradong heneral na tapat sa dinastiya ng kanyang pamilya ng susing mga pusisyon sa DepEd. Itinalaga niyang undersecretary at assistant secretary sina Ret. Maj Gen. Nolasco Mempin at Ret. Brig. Gen. Noel Baluyan sa kabila ng kawalan nila ng bakgrawnd o kasanayan sa edukasyon.

Si Mempin ay nagsilbing kumander ng Task Force Davao at 10th ID. Responsable siya sa pwersahang pagpapasurender ng mga sibilyan sa rehiyon ng Davao noong 2022. Si Baluyan, sa kabilang banda, ay nagsilbing upisyal sa Task Force Cebu at Assistant Division Commander ng 3rd ID. Ang dibisyon na ito ng AFP ang responsable sa napakaraming karumaldumal na krimen sa isla ng Negros, kung saan kabilang sa kanyang mga biktima ay mga bata.

Sa ilalim ni Duterte, nagtuluy-tuloy ang pwersahang pagpapadalo ng mga menor-de-edad na nasa Grade 11 at 12 sa mga lektura at simposiya ng NTF-Elcac at AFP. Dito, sinisikil ng mga sundalo ang karapatan ng mga estudyante na magpahayag ng saloobin at sumali sa gusto nilang mga organisasyon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/07/07/militarista-sa-kagawaran-ng-edukasyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.