Hindi malilimutan ng mga taga-Bulacan ang isang malagim na insidente noong gabi ng Hunyo 21, 1982, 40 taon na ang nakalipas. Dinukot ng mga tropa ng 175th Company ng Philippine Constabulary (PC) ang limang kabataang myembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) na nagpupulong sa isang barangay sa Pulilan at dinala sa Barangay Pulo sa bayan ng San Rafael.
Kinabukasan, nagimbal na lamang ang mga residente ng poblacion ng San Rafael nang makita nila sa gilid ng gusali ng munisipyo ang limang duguang bangkay ng mga kabataan. Tadtad ng bala ang kanilang mga katawan. Napansin din ng mga residente na may tama ng bala sa likod ng mga ulo ng mga biktima.
Ayon sa pulis, lampas hatinggabi nang dumating sa munisipyo ng bayan ang mga berdugong PC na pinamunuan ni Maj. Bartolome Baluyot, punong paniktik ng Bulacan noon, at Capt. Danilo Mangila. Sa kwento ng mga PC, naengkwentro at napatay daw nila ang “bandidong grupo” ng Bagong Hukbong Bayan.
Di pagrespeto sa mga bangkay
“Hayun! Patay lahat ang mga bandido!” buong yabang na nagbabala sa publiko ang notoryus na mga tropa ng PC.
“Huwag n’yo silang tularan!” babala ng mga elemento ng PC sa mga residente ng San Rafael. Pinabayabaan nila na langawin at putaktehin ng uod ang mga bangkay ng mga aktbista.
Hindi nagpasindak ang mamamayan. Sa halip na matakot sa brutalidad ng mga pasista, nagtulung-tulong sila para bigyan ng disenteng libing ang mga biktima. Nag-ambag ng pondo pati ang alkalde ng bayan at mga empleyado ng munisipyo para ibili ang lima ng damit pamburol at mga kabaong. Bago magtakipsilim, inilibing ng mga sundalo ang limang biktima sa mababaw na mga hukay sa San Rafael Public Cemetery.
Mga bulaklak ng Inang bayan
Hindi masasamang tao ang limang biktima, sabi ng kanilang mga pamilya, kaibigan at kakilala. Sa katunayan sila ay mga organisador na kaanib ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL). Bilang parangal, kolektibong tinatawag silang mga “Martir ng Bulacan” at mga “Bulaklak ng Inang Bayan” dahil isinakripisyo nila ang kanilang panahon, kaginhawaan at kanilang mga buhay alang-alang sa kagalingan at mga karapatan ng mga magsasaka sa Central Luzon.
Isa sa kanila si Teresita Llorente, ang nag-iisang babae sa limang aktibistang pinaslang. Siya ay tubong Meycauayan City sa Bulacan. Tumutulong siya sa kanyang mga magulang sa maliit nilang restawran bago maging aktibista. Kasapi siya ng pangkat ng mga kantora ng lokal na parokya at kasapi ng Pamparokyang Kilusang Kabataang Kristiyano (PKKK). Tin-edyer pa lamang ay namulat na siya sa mga problema ng kanilang komunidad at ng bayan sa kabuuan. Naging masigasig siya makaraang sumama sa mga nagpoprotestang mga manggagawa ng isang pabrika ng tela.
Kababayan din ni Llorente si Danilo Aguirre, na kagaya niya, ay kasapi rin ng PKKK. Kung hindi abala sa simbahan, tumulong siya sa pamilya bilang isang manininda sa pamilihan ng Meycauayan. Kahit hayskul lamang ang kanyang tinapos, tumutulong din siya sa idinadaos na mga talakayang pang-edukasyon para malaman ng mamamayan ang kanilang mga karapatan at kung papaano silang sinusupil ng diktadurang Marcos. Noong kunwa’y binaklas ang martial law, aktibo siyang sumali sa mga rali at nagboluntaryo bilang isang watcher para sa eleksyon noong 1981.
Taga-syudad ng Malolos naman si Edwin Borlongan na isa sa mga katekista ng Pamparokyang Samahan ng mga Katekista (PASKA). Nakatapos siya ng kursong automative servicing sa Samson Technical School sa Maynila at naging isang drayber at mekaniko sa Tondo. Nakatapos siya ng elementarya at hayskul bilang isang working student. Noong 1978, namulat siya sa mga problema ng bayan nang sumali siya sa noise barrage sa buong Metro Manila upang ipahayag ang pagtutol sa pekeng eleksyon ng Interim Batasang Pambansa. Naging aktibo siya mula noon sa mga kampanya laluna sa pakikibaka ng mga estudyante para sa kanilang mga karapatan at kagalingan.
Gradweyt ng hayskul ang taga-Hagonoy ang mangingisdang si Constantino Medina. Bunga ng hilig sa pagbabasa, napag-aralan niya ang mga batayang problema ng bayan. Naging instrumento ang sinalihan niyang progresibong grupo ng mga artista, ang Galian sa Arte at Tula (GAT), na nagdadala ng mga tao mula sa kanilang komunidad para manood ng mga dulang itinatanghal ng Philippine Educational Theatre Association (PETA). Liban sa kanyang ambisyong maging makata, ninais din niyang maging mahusay na abugado.
Magtatapos na sa kursong mechanical engineering mula sa FEATI University sa Maynila si Renato Manimbo nang siya ay mamulat. Masigasig siyang kasapi ng konseho ng estudyante ng FEATI noong katapusan ng dekada 1970 at dalawang beses na naging presidente nito. Noong panahon na iyon, mainit na isyu ang mga karapatan ng mga mag-aaral at ang matataas na bayaran sa matrikula. Bilang lider estudyante, nagsasalita siya sa mga rali at isa sa mga tagapagtatag na kasapi ng League of Filipino Students. Isa siya sa nagdala ng mga banner na nagbabatikos sa mapaniil na paghahari ng rehimeng Marcos nang bumisita si Pope John Paul II sa bansa noong Pebrero 17, 1981.
Bago pa man dumalaw ang Santo Papa sa Pilipinas, pakitang-tao nang binaklas ni Marcos Sr ang Batas Militar sa buong bansa noong Enero 1981. Nagbigay daan ito para magpalawak ang AMGL ng kanilang kasapian sa lalawigan ng Bulacan. Iba’t iba man ang uring pinagmulan ng limang kabataang nabanggit, pinagbuklod sila ng pagmamahal sa bayan at hustisya sosyal. Naging magkaibigan sila. Sumapi sila sa AMGL nang manawagan ito na dapat labanan ang pang-aapi at pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa abang mga magsasaka. Panawagan noon ang pagsusulong sa tunay na reporma sa lupa, laluna sa Bulacan na matindi ang problemang agraryo.
Araw ng kabayanihan
Sa araw na dinukot ang lima ng mga pasista, nagdaraos sila noon ng pulong para magtasa sa kanilang gawain at magplano ng mga aktibidad hanggang 1982.
Habang nagpupulong, nagsalit-salitan sila sa pagsilip sa mga bintana ng bahay dahil nagkakahulan ang mga aso. Wala silang ginawang hakbang dahil wala namang kaduda-duda sa paligid. Nagpatuloy sila sa kanilang pulong. Ngunit hindi nagtagal nang pwersahang binuksan ang bintana ng mga putok ng awtomatikong riple. Kasabay nito nakarinig sila ng malakas na utos:
“Walang kikilos!”
“Dapa!!! Dapa!!!”
Pinaligiran ang bahay ng humigit-kumulang 40 sundalo ng 175th PC Company. Dinakip nila ang mga kabataan ngunit may nakalusot na isa sa kanila. Lumabas siya sa bintana, umakyat sa bubong at doon nagtago hanggang makaalis ang mga armadong kaaway lulan ng sasakyang militar. Ikinwento niya ang buong pangyayari sa mga pamilya ng limang biktima.
Hindi armado ang grupo ng mga organisador. Pero ayon sa ulat ng PC, nakuha umano nila sa “grupong NPA” ang dalawang karbin, isang pistola, apat na mga granada, ilang mga bala at mga subersibong dokumento. Sa loob ng dalawang araw, ibinandera ang bulaang naratibong ito ng 175th PC Company ng mga pahayagang kontrolado ng mga Marcos, Romualdez at kroni nitong si Gen. Hanz Menzi.
Pinabulaan ito ng kalahok sa pulong na nag-iisang nakaligtas sa reyd.#
https://cpp.ph/angbayan/ang-mga-bulaklak-ng-inang-bayan/