Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 26, 2021): Bakit nagkakapit-tuko ang mga Duterte sa Davao?
Lahat ng nakatatandang anak ni Rodrigo Duterte ay tumatakbo para maging upisyal ng Davao City sa eleksyong 2022. Mistulang ipinagpapalit ni Sara Duterte ang pagkakataong maging presidente para manatiling meyor ng syudad (bagaman inaabangan pa ang madramang pagbabagong-isip niya sa Nobyembre 15). Katambal niya ang isa niyang kapatid bilang bise, habang ang isa pa niyang kapatid ay tumatakbo pagkakongresista.
Sa nagdaang tatlo’t kalahating dekada, hari ng Davao City ang mga Duterte. At kung sila ang masusunod, hindi nila kailanman isusuko ang kanilang trono. Lalo na ngayon, sa harap ng pagbaha ng bilyun-bilyong pisong pondong bumubuhos sa Davao, asahan nang ito’y ipakikipagpatayan (o marami ang mamamatay sa utos) ng mga Duterte.
Mayor na bahagi nito ang bilyun-bilyong inilalaan at nakatakdang ilaan sa mga proyektong pang-imprastruktura na sinimulan sa ilalim pa ng kanilang amang si Rodrigo Duterte, at ang mas malalaki pang sisimulan sa susunod na mga taon.
Pinakamalaki sa mga ito ang Mindanao Railway Phase 1 na nagkakahalaga ng ₱82 bilyon. Maglalatag ang proyektong ito ng 105-kilometrong riles ng tren mula Tagum City sa Davao del Norte tungong Digos City sa Davao del Sur. Magkakaroon ito ng mga istasyon sa Carmen, Panabo Sta, Cruz at tatlo pa sa Davao City. Dalawampu’t dalawang barangay sa Davao City sa kabuuang 44 barangay sa anim na bayan ang masasagasaan ng proyekto.
Noong Setyembre 30, sinabi ng isang kinatawan ng Department of Transportation (DoTr) sa isang pagdinig sa Senado na walang pondo ang proyekto dahil hindi inaprubahan ng Department of Budget Management ang badyet para rito. Ayon naman sa isang upisyal ng DBM, nasa punto pa lamang ang proyekto ng paglilinis sa mga dadaanang komunidad o pagtatakda ng “right of way.” Ibig sabihin hindi pa napalalayas ang mga residente sa mga lupang target latagan ng riles at mga istasyon. “Slow moving” o mabagal umusad ang proyekto, ayon sa naturang upisyal.
Kagulat-gulat na sa kabila ng kawalan ng pondo, biglang inianunsyo noong Oktubre 20 ni Arthur Tugade, kalihim ng DoTr, ang pagbibigay ng ₱3 bilyong kontrata sa pagdidisenyo nito sa China Railway Design Corporation (CRDC). Ang CRDC ay isang kumpanya na nakaugnay sa China National Railways na isa namang ahensya ng gubyernong Chinese. Iginawad ang kontrata sa CRDC bilang “management consultant.” Ayon sa DoTr, buong popondohan ng utang mula sa gubyerno ng China ang kontrata ng CRDC. Nakataon ang pagpapautang sa panahong nagsisimula na ang kampanyang pang-eleksyon.
Bukod sa riles, nakatakda rin ang paglalatag ng isang dambuhalang haywey, ang 60-kilometrong Davao-Digos Expressway, sa halos parehong ruta. Mayroon namang hiwalay na proyekto ng pagtatayo ng tulay mula Davao patungo sa Samal Island na tinatayang magkakahalaga ng ₱23 bilyon. Parehong popondohan ng utang mula sa China at gagawin ng mga kumpanyang Chinese ang mga proyekto.
Dagdag sa dalawa, nasa proreso ng pagtatapos o katatapos lamang ang sumusunod na proyekto:
1) 2.3-kilometrong Davao City Bypass Construction Project na nagkakahalaga ng ₱28.26 bilyon. Sa kasalukuyan, pinopondohan ng ₱13.23 bilyong utang mula sa gubyerno ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency.
2) 18-21 kilometrong Davao City Coastal Road na nagkakahalaga ng ₱19.8 bilyon.
3) 55-kilometrong Davao City Metropolitan Bike Lane Network na nagkakahalaga ng ₱145.3 milyon o ₱2.6 milyon kada kilometro. Batay sa ulat ng Philippine News Agency, mas mahal ito nang mahigit ₱80,000 kada kilometro kumpara sa dalawa pang bike lane na itinayo sa parehong panahon (isa sa Metro Manila, isa sa Metro Cebu.)
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/bakit-nagkakapit-tuko-ang-mga-duterte-sa-davao/