Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 26, 2021): “Kulang-kulang, kayamot-yamot,” reaksyon sa imbestigasyon ng DOJ
Minaliit ng mga grupo ng mga nagtataguyod sa karapatang-tao at abugado ng mga biktima ng “gera sa droga” ng rehimeng Duterte ang inilabas ng Department of Justice na detalye ng pagrepaso nito sa 52 kaso ng pagpaslang na kinasangkutan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa Public Interest Law Center, bagamat maituturing ang pagrepaso sa naturang mga kaso na isang “simula,” ito ay “kulang-kulang at kayamot-yamot, laluna sa mga kaanak ng mga biktima ng ‘gera kontra droga’.”
Inilabas ng DOJ ang naturang ulat noong Oktubre 20 kaugnay sa mga “iregularidad” sa mga operasyong isinagawa ng PNP at pag-abuso nito kapangyarihan. Bahagi ng inisyal na ulat ang 27 kaso sa Calabarzon, siyam sa Caraga, apat sa Cagayan Valley, tigdalawa sa Metro Manila at Northern Mindanao (2), at tig-isa sa Zamboanga Peninsula, Ilocos, Mimaropa, Bicol, Davao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Minaliit ng PILC ang pagrepasong ito ng DOJ. “Una,” anito, “ang DOJ ay may akses lamang sa mga rekord ng pulis na nakalagak sa Internal Affairs Service (IAS) nito. Ikalawa, ang mga kasong ito ay maaaring sinala na, at posibleng isa-isa nang pinili.”
Kinwestyon ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ang naturang ulat dahil sa hindi pagsama sa mga kaso sa Central Luzon at pagrepaso lamang sa dalawang kaso sa Metro Manila kung saan pinakalaganap ang mga pagpaslang. Sa partikular, pinansin ng grupong Karapatan ang hindi pagrepaso ng DOJ sa mga kaso noong Agosot 15, 2016, ang tinaguriang “pinakamadugong araw” sa ilalim ng rehimeng Duterte kung saan 32 indibidwal ang pinaslang sa prubinsya ng Bulacan matapos umanong “manlaban” at 107 ang inaresto.
Ang naturang operasyon ay bahagi ng operasyong “Double Barrel” na sinimulan sa utos ng noo’y hepe ng PNP na si Gen. Bato dela Rosa. Ang operasyon sa Bulacan ay pinangunahan ni Brig. Gen. Romeo Caramat Jr. na nagsilbing hepe ng pulisya sa prubinsya na kalaunan ay pinabuyaan ni Rodrigo Duterte ng promosyon.
Ayon pa kay Neri Colmenares, tagapangulo ng National Union of Peoples Lawyers, ang 52 kasong ito ay maliit na bahagi lamang ng napakaraming kaso ng iregularidad sa mga operasyong kontra droga. Aniya, maraming pang insidente ang kailangang palalimin para magkaroon ng mas malakas na mga kaso sa korte.
Ayon sa konserbatibong taya ng Philippine Drug Enforcement Agency noong nakaraang buwan, umabot na sa 6,191 indibidwal ang pinaslang ng mga pulis sa mga “operasyong kontra droga,” mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 31, 2021, habang 307,521 naman ang inaresto. Hindi pa kasama dito ang pinaslang ng mga grupong vigilante at death squad ng rehimen. Sa kabuuan, tinatayang aabot sa mahigit 30,000 ang biktima na mga pamamaslang ng mga pulis at mga armadong grupong suportado ng estado.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/kulang-kulang-kayamot-yamot-reaksyon-sa-imbestigasyon-ng-doj/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.