Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 18, 2021): World Food Day pero maraming walang makain
Nagprotesta ang mga magsasaka sa pangunguna ng Amihan National Federation of Peasant Women, Pamalakaya at Bantay Bigas noong Oktubre 16 sa harap ng Mega Q-Mart sa Quezon City bilang paggunita sa World Food Day na kanilang binansagang World Hunger Day (Araw ng Kagutuman). Ang naturang pagkilos ay bahagi ng “World Hunger Day Global Action,” isang pandaigdigang araw ng protesta na pinangunahan ng grupong People’s Coalition for Food Sovereignty (PCFS). Nanawagan sila para sa makatarungan, pantay, malusog at sustenableng sistema ng pagkain at hindi pandaigdigang imperyong ng mga korporasyon sa pagkain.
“World Food Day ngayon pero maraming walang makain, pati na rin ang lumilikha ng pagkain,” ani Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan. Nanawagan sila sa rehimeng Duterte na suportahan ang lokal na produksyon at itigil ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura, pangunahin na ng bigas, isda, gulay, at karneng baboy.
Ayon sa mga nagprotesta, dapat singilin si Duterte sa pagpatupad ng kontra-magsasakang mga patakaran gaya ng Rice Liberalization Law at Executive Order No. 134 (kautusan sa liberalisasyon sa pag-aangkat ng baboy). Pinababa ng mga patakarang ito ang taripa sa pag-aangkat ng naturang mga produkto na nagresulta sa pagbaha ng imported na bigas at karneng baboy sa lokal na mga pamilihan at pagkalugi ng lokal na mga magsasaka at magbababoy.
Inilahad ng Bantay Bigas ang partikular na epekto ng liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas sa kabuhayan ng mga magsasaka ng palay. Ayon sa grupo, bumagsak na ngayon tungong ₱9 kada kilo ang presyo sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka sa Iloilo, habang ₱10 naman sa Occidental Mindoro, at abereyds na ₱14 sa iba pang mga prubinsya. Ito ay habang naglalaro sa ₱38 hanggang ₱44 kada kilo ang tingiang presyo ng bigas sa Metro Manila. Kulang na kulang ang minimum na sahod na kinikita ng kalakhan ng mga manggagawa sa bansa para matiyak na sapat at masustansya ang kanilang nakakain, laluna sa harap ng paulit-ulit na pagpapataw ng rehimen ng mga lockdown na nagreresulta sa paghinto ng pagtatrabaho at pagkawala ng mga kabuhayan.
Hinamon nila ang mga kandidato sa halalan 2022 na gawing bahagi ng kanilang adyenda ay paglalatag ng “konkretong solusyon sa kronikong krisis sa pagkain at sektor ng agrikultura, na dapat ay nakabatay sa prinsipyo ng pang-ekonomyang kasarinlan at pag-asa sa sarili.”
Ayon sa isang pag-aaral noong 2020 ng Foodlink Advocacy Cooperative, tinatayang kinakailangan ng isang lima-kataong pamilyang Pilipino ng ₱14,368 kada buwan para sa sapat at masustansyang pagkain alinsunod sa itinakda ng Pinggang Pinoy. Ang Pinggang Pinoy ay binuo ng Food and Nutrition Research Institute na gabay sa mga pagkaing may sapat na enerhiya at nutrisyon ang katawan sa araw-araw. Tinatayang relatibong mas mataas pa ngayon ang halagang ito dahil sa pagtaas ng tantos ng implasyon mula ikalawang hati ng 2020.
Kulang na kulang ang ₱11,000 kada buwan (₱500 kada araw na minimum) na sinasahod ng kalakhan ng manggagawa sa National Capital Region (NCR) para ipantustos sa kinakailangang badyet para sa pagkain. Lalo pang kulang ang sinasahod ng mga nasa ibang rehiyon gaya ng Bicol Region (₱6,820 kada buwan o ₱310 kada araw na pinakamababa para sa mga manggagawa) at Ilocos Region (₱6,204 kada buwan o ₱282 kada araw na pinakamababa para sa mga manggagawang bukid).
Inilahad sa naturang pag-aaral na tinatayang 5% lamang ng mga pamilya sa NCR ang may sapat na impok para makabili ng sapat at masustansyang pagkain sa loob ng unang tatlong buwan ng lockdown noong nakaraang taon. Noong Abril 2020, iniulat ng rehimen na tinatayang 60% ng mga pamilya sa NCR ang nagbawas ng ginastos sa pagkain dulot ng pagkawala o pansamantalang pagkatigil ng kanilang mga kabuhayan.
Kahit bago pa magpademya, mababa na ang konsumo ng pagkain ng maraming pamilya sa bansa. Noong 2019, tinayang 26% sa pangkabuuang gastos sa pagkain ay mula lamang sa 7.6% pinakamayayamang pamilya o yaong kumikita ng ₱480,000-paitaas.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/world-food-day-pero-maraming-walang-makain/