Monday, October 18, 2021

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Mga pasista’t pahirap sa masa sa Quezon at Rizal, binigwasan ng NPA

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 18, 2021): Mga pasista’t pahirap sa masa sa Quezon at Rizal, binigwasan ng NPA

Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

October 18, 2021



Taas kamaong binabati ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog ang mga Pulang mandirigma at kumander ng mga yunit ng NPA sa Quezon at Rizal na nagsagawa ng matutunog na aksyong militar nitong Setyembre. Alay ito sa mamamayan ng Timog Katagalugan na nagpupunyagi sa pambansa demokratikong pakikibaka sa kabila ng papatinding terorismo ng estado.

Sa Rizal, dalawang opensiba laban sa mga kaaway sa uri at mersenaryong hukbo ang naganap sa huling linggo ng Setyembre. Ipinagbunyi ng mamamayan ang reyd ng Narciso Antazo Aramil Command – NPA Rizal sa kuta ng mga goons ng mangangamkam na PML na si Arturo Robes sa Brgy. San Isidro, Rodriguez noong Setyembre 27. Winasak rin ng BHB ang mga kagamitang pangdemolis ng bahay at kinumpiska ang mga armas na panakot ng goons sa mga magsasaka.

Tugon ang reyd sa pagbabanta at pagpapalayas ni Robes sa 150 pamilya ng maralitang magsasaka na mapayapang nananahanan sa Bundok Balagbag. Aalisan ng lupa’t kabuhayan ang mga residente para sa proyektong ekoturismo ng ganid na PML.

Noong Setyembre 30, 6:40 ng umaga, inambus ng isa pang yunit ng NAAC ang nag-ooperasyong 80th IBPA sa Sityo Ilas, Brgy. Puray, Rodriguez. Dalawa ang naiulat na patay sa AFP kabilang si Private First Class Warren Fold Montebon.

Samantala, mahusay na nagdepensa ang isang yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon na inatake ng mga tropa ng 85th IBPA sa ilalim ng 201st Brigade noon ding Setyembre 27, alas-11 ng umaga, sa Sitio Hagakhak, Barangay Malaya, General Luna. Dalawang sundalo ang nasawi sa 10-minutong engkwentro.

Sa pahayag ng AMC, hindi kagyat na pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang kaaway dahil tusong pumwesto ang mga sundalo sa direksyong maaaring mahagip ng bala ang mga sibilyan. Saka na lamang gumanti ng putok ang NPA nang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Mariing kinundena ng AMC ang pandarahas sa mga residente ng Sitio Hagakhak matapos ang labanan. Dinakip sina Reagan Avila at mag-asawang Leonina Ilag at Poli Naval na pawang nakatira malapit sa pinangyarihan ng engkwentro. Dinala sila sa kampo ng sundalo para imbestigahan.

Ipinakikita ng matatagumpay na bigwas sa mga pasistang kaaway na tapat ang NPA sa panata nitong itaguyod ang interes at karapatan ng masang anakpawis. Sinumang nagnanais na maging tagapagtanggol ng mamamayan ay inaanyayahang sumapi sa NPA at magsulong ng makatarungang digma laban sa pang-aapi’t pagsasamantala.###

https://cpp.ph/statements/mga-pasistat-pahirap-sa-masa-sa-quezon-at-rizal-binigwasan-ng-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.