Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 21, 2019):
Wakasan ang batas militar at pandarambong sa Mindanao at buong bansa
Sawang-sawa na ang mamamayan ng Mindanao na mabuhay sa ilalim ng paghahari-hariang militar at terorismo ng estado. Sa loob ng halos tatlong taon, araw-araw nilang pinagdurusahan ang mga pagpatay, pagdakip at pagkukulong, paninindak, pagmamanman at iba pang mga abusong militar. Pinagkaitan sila ng puwang na magpahayag ng kanilang hinaing o magpamalas ng kanilang protesta laban sa dinaranas nilang hirap at kaapihan. Ang sinumang magbuka ng bibig ay agad tinatatakang komunista at sinusupil.
Pakitang-tao lamang ang pahayag kamakailan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaaring hindi na palawigin sa susunod na taon ang batas militar sa Mindanao. Sinasabi lamang ito ni Lorenzana dahil batid niyang kahit wala na ang batas militar, mananatili ang mga itinatag na istruktura at sistema ng paghaharing militar, hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong bansa. Kung hindi babaklasin ang mga ito, alisin man ang paskil, mananatili pa rin sa esensya ang batas militar.
Upang tunay na tapusin ang paghaharing militar sa Mindanao, hinihingi ng taumbayan na isagawa ang sumusunod na demokratikong hakbang:
(a) pahintulutang makauwi ang ilampung libong naninirahan sa Marawi City sa kanilang mga bahay at lupa at bayaran ang danyos-perwisyos sa idinulot na pinsala ng malawakang pambobomba sa syudad noong 2017
(b) alisin ang lahat ng abusadong yunit militar na nakapakat sa gitna ng mga komunidad sa tabing ng “peace and development;”
(k) lusawin ang lahat ng yunit ng CAFGU at iba pang grupong paramilitar at baklasin ang mga detatsment ng mga ito sa loob at paligid ng mga baryo;
(d) itigil ang arbitraryong pagsasakdal ng AFP sa sibilyan bilang mga “rebelde” para pwersahin silang “sumurender” kahit pa wala kasong nakasampa laban sa kanila;
(e) itigil ang paghuhulog ng bomba o aerial bombing at istraping na nagsasapeligro sa buhay ng mga residente sa bukid at kabundukan;
(g) itigil ang “Red tagging” o pagbabansag na mga “komunistang prente” o “taga-rekrut ng NPA” sa mga organisasyon at aktibistang makamasa na idinahilan para sila’y isailalim sa pagmamanmang militar at iba pang hakbanging mapanupil.
(h) palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal at itigil ang pagsasampa ng gawa-gawang kasong kriminal at pagtatanim ng mga ebidensya.
Lagpas sa Mindanao, ang batas militar at tiraniya ni Duterte ay nakapataw sa buong bansa sa pamamagitan ng Executive Order 70 (EO 70) at ng idineklara nitong programang “kontra-insurhensiya” para tapusin ang armadong rebolusyon sa bansa. Dagdag pa ito sa Memorandum Order 32 (MO 32) na nagpataw ng paghaharing militar sa Samar, Negros at Bicol.
Sa pamamagitan ng EO 70, ipinailalim ni Duterte ang buong Pilipinas sa kapangyarihan ng tinaguriang National Task Force (NTF) na pinamumunuan ni Duterte at pinaghaharian ng mga upisyal-militar. Mayroon itong mga rehiyunal at prubinsyal na mga upisina na kumukubabaw sa iba’t ibang ahensya ng burukrasyang sibil upang pagsilbihin ang mga ito sa layuning “kontra-insurhensiya.”
Pinakikialaman at tinatakdaan ng AFP ang programa ng lahat ng ahensya ng gubyerno. Pinanghihimasukan nito maging ang mga patakaran sa ekonomya at serbisyong panlipunan na pawang walang kinalaman sa mga usaping militar. Ang mga halal na upisyal sa mga lokal na gubyerno ay walang kalayaan sa pamamalakad sa kanilang saklaw dahil sa pagmamanman ng AFP. Ang kongreso at senado ay malaking palamuti lamang. Ang hindi sumunod sa programang itinakda ng AFP at ng NTF ay iniipit sa pamamagitan ng pagbansag sa kanila na “tagasuporta” ng BHB o pagdawit sa kanila sa mga sindikato sa pagbebenta ng iligal na droga.
Pinakamabagsik ang paghaharing militar sa mga bukid at kabundukan. Tahasan ang presensya ng mga pasistang tropang militar sa mga baryo at komunidad. Ang mga upisyal ng barangay ay ginagawang tau-tauhan; ang mga tumatanggi ay ginigipit o sinusupil. Hindi iilan ang pinaslang. Sa Mindanao, ilang mga huwad na lider ang itinalaga ng AFP bilang mga “datu” para linlangin at hati-hatiin ang masang Lumad.
Sa apat na rehiyon lamang sa Mindanao, tadtad nang hindi bababa sa 549 mga detatsment ng AFP at CAFGU ang mga baryo: 217 sa Southern Mindanao (noong 2018), 139 sa North Central Mindanao (kabilang ang 105 detatsment ng CAFGU), mahigit 100 sa Northeast Mindanao (hindi pa kabilang ang mga pwersang SCAA na itinayo ng mga kumpanya sa pagmimina); at 93 sa Far South Mindanao. Nakalatag ang karamihan sa mga ito sa mga lugar na target ng mga operasyong mina at mga mapanalasang proyektong pang-imprastruktura. Sa Southern Mindanao, 64% o 137 detatsment ng CAFGU ay nakatayo sa 43 bayan at syudad na may umiiral o planong palawaking mga operasyong mina.
Ang pagpataw ng di deklaradong batas militar sa porma ng EO 70 sa buong bansa, at laluna ang tahasang batas militar sa Mindanao, ay mahigpit na nakaugnay sa pagsusulong ng pang-ekonomikong interes ng malalaking dayuhang kumpanya, mga kasosyo nilang malalaking negosyante at panginoong maylupa.
Kailangan ang pasismo upang supilin ang lahat ng anyo ng paglaban sa pagpasok ng mapangwasak na mina, pagpapalawak ng mga plantasyon ng palm oil, rubber, pinya at iba pa, mga proyektong panturismo, pang-enerhiya at iba pang imprastrukturang may pondong dayuhan. Mula 2017, sumidhi ang panunupil at mga operasyong militar sa mga eryang target na sakupin ng mga operasyong mina sa Andap Valley, gayundin sa lugar na planong saklawin ng mga plantasyon ng palm oil sa kabundukan ng Pantaron sa hangganan ng Davao del Norte at Bukidnon, at sa planong palawakin na mga plantasyon at operasyong pagtotroso sa kabundukan ng Daguma. Kasama rin ang malalaking operasyong militar sa mga planong itayong mga dam kabilang ang Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga, ang proyektong Kaliwa Dam sa Rizal at Laguna, at ang Pulangi 5 Hydro Power Project sa Bukidnon, gayundin sa mga proyektong ekoturismo sa Masbate.
Sa ilalim ng di deklaradong batas militar, malala at sentralisado kay Duterte at sa mga upisyal ng AFP at PNP ang korapsyon sa anyo ng suhol at lagay mula sa malalaking kumpanya at mga proyektong pang-imprastruktura, sa pagbubulsa sa sweldo ng mga sundalo at paramilitar at sa pondo para sa mga operasyong militar.
Sa madaling salita, ang batas militar at pasismo ng rehimeng US-Duterte ay kakambal ng dayong pandarambong sa patrimonya ng Pilipinas, pagwasak sa kapaligiran, korapsyon, pagsasamantala sa masang anakpawis at lalong paghihirap ng sambayanang Pilipino.
Dapat patuloy na palakasin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para sa demokrasya at ipagtanggol ang patrimonya ng bansa laban sa dayong pandarambong. Dapat itong kasabay sa kanilang paglaban sa pasismo at tiraniya ng rehimeng US-Duterte.
Puspusang ilantad at labanan ang mga dayuhang kumpanya, ang pandarambong sa yaman ng bansa, paghuthot ng malaking tubo at pagwasak sa kapaligiran. Magkaisa at militanteng labanan ang mga ito sa pangangamkam sa lupang ninuno ng mga minorya at lupang binubungkal ng mga magsasaka. Ilantad ang ipinagmamalaki ni Duterte na huwad na reporma sa lupa na nagsisilbi lamang sa pagpapabilis ng pagpapalit-gamit ng lupa at agawin ang mga ito sa mga magsasaka.
Tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ipagtanggol ang panlipunan at pang-ekonomyang interes ng mamamayan laban sa dayong kapitalistang mandarambong. Dapat mahigpit na ipatupad ng BHB ang mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan para sa pagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan ng masa at papanagutin ang mapangwasak na operasyon ng mga dayong kumpanya at lokal na malalaking kapitalista. Dapat ubos-kayang pukawin at pakilusin ang malawak na masang magsasaka para isulong ang mga pakikibaka para sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sa lupa at ipatupad ang rebolusyonaryong programa para sa tunay na reporma sa lupa.
Palakasin ang sigaw para ibasura ang batas militar, EO 70, MO 32 at lansagin ang mga istruktura ng pasistang paghahari ni Duterte. Buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para isulong ang pakikibaka para sa demokrasya, labanan ang paghaharing militar at wakasan ang tiraniya at terorismo ni Duterte.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]https://cpp.ph/2019/11/21/wakasan-ang-batas-militar-at-pandarambong-sa-mindanao-at-buong-bansa/