Thursday, November 28, 2019

CPP/NPA-Bicol: Ibayong susulong ang digmang bayan upang biguin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte: Panawagan sa paggunita ng Araw ni Bonifacio

NPA-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 29, 2019): Ibayong susulong ang digmang bayan upang biguin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte: Panawagan sa paggunita ng Araw ni Bonifacio

NEW PEOPLE'S ARMY
RAYMUNDO BUENFUERZA
NPA-BICOL REGION
ROMULO JALLORES COMMAND

NOVEMBER 29, 2019

Nag-iilusyon si Duterte na magupo ang makatwiran at makatarungang digma ng mamamayan. Isinasademonyo niya ang pakikibaka ng mamamayan. Ipinipinta niya itong terorismo. Isinisisi niya rito ang bagal ng pag-unlad sa kanayunan. Pilit niyang hinihiwalay ang CPP-NPA-NDF sa mamamayan at ipinamaraling mga bandido at kriminal. Upang mapawi ang kahirapan at diumano’y makamit ang kapayapaan, ibinibigay niyang solusyon ang pasismo, ang sukdulang pandarahas at paghahasik ng kaguluhan ng AFP, PNP at CAFGU sa mga lungsod at baryo upang takutin, busalan at pahinain ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan.

Ngunit deliryong mangarap na isuko ng mamamayan ang kanilang natatanging armas: ang armadong pakikibaka laban sa pasismo at tiraniya. Mula sa mga tabak nina Bonifacio, hanggang sa mga baril ng HUKBALAHAP at NPA, walang yugto sa ksaysayang kusang binaba ng mamamayan ang kanilang armas upang sumuko at mangayupapa sa bulok at mapang-aping sistema. Para sa pumapasan ng paimbulong na krisis at pang-aapi ng estado at mga ahente nito, walang ibang makatwirang landas kundi ang pagrerebolusyon.

Mula nang maupo sa pwesto hanggang sa pag-atas at kasalukuyang pagpapatupad ng EO 70, higit lamang pinatingkad ni Duterte ang pasismo at terorismo ng estado. Pinatotohanan niyang bulok ang umiiral na sistema ng lipunan. Higit na tumingkad ang papel ng AFP, PNP at CAFGU bilang mga tagapagtanggol at tagapagtaguyod ng interes ng naghaharing-uri. Lantad na sa mamamayang Pilipino na lahat ng proyektong sosyo-ekonomiko ng gubyerno ay nagsisilbi sa mga layunin ng kampanyang kontra-insurhensya at pakinabang ng mga imperyalista.

Upang iligtas ang kanyang rehimen, dinadaan na lamang ni Duterte sa pandarahas at panloloko ang pag-aapula sa poot at galit ng mamamayan. Sa katunayan, itinatakwil ng mamamayan ang panloloko at pananakot ng rehimen. Higit sa lahat, kinukundena at kinasusuklaman nila ang pasismo. Sino namang masang anakpawis ang susuporta sa gubyernong nagwawaldas…

Sino namang masang anakpawis ang susuporta sa isang gubyernong nagwawaldas ng kabang-bayan sa walang kabuluhang gera habang tumitindi ang pang-ekonomyang krisis sa bansa? Walang patid na kinikitil ng AFP-PNP-CAFGU ang buhay ng mga sibiliyan at pinalalabas na NPA ang mga ito para lamang maiulat sa kanilang mga upisyal na umuusad ang mga operasyon. At kung hindi man nila pinagpapanggap, dinaraan nila sa pananakot, pambabanta at panlilinlang ang diumano’y pagpapasuko sa libu-libong sibilyan bilang NPA. Kabilang na rito ang 126 sibilyang pinasuko bilang NPA sa Cawayan, Masbate.

Pinipilit ng rehimeng US-Duterte ang mga LGU na ideklarang persona-non-grata ang CPP-NPA-NDFP sa kanilang mga komunidad. Ang katotohanan, ang presensya ng AFP-PNP-CAFGU sa mga baryo ang kinasusuklaman ng mamamayan dahil sa dulot nilang ligalig sa taumbaryo. Mismong mga militar at pulis ang nalululong sa droga o pinipili na lamang mag-AWOL dahil hindi na nila maatim ang kultura ng karahasang nakakintil sa kaibuturan ng AFP at PNP. Hindi na nila masikmura na ang kanilang pinapatay ay masang kapwa nila naghihirap at pinagsasamantalahan.

Walang sapat na pagsisinsin sa kampanyang kontrainsurhensya ang makagagapi sa umaabot na daang libo at patuloy pang dumaraming kasapi ng Partido at higit pang lumalawak na kilusang masa sa buong bansa. Sa pagtindi ng sosyoekonomikong krisis at panunupil, higit na lumalawak at lumalalim ang ugnayan ng NPA sa masang anakpawis. Matagumpay pa ring nakapag-oorganisa ng masa sa iba’t ibang antas at nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang NPA upang bigwasan ang AFP-PNP-CAFGU at makasamsam ng armas. Pawang mga suntok sa hangin ang operasyon ng kaaway laban sa Pulang Hukbo. Walang tagumpay na maaaring ipaghambog ang rehimeng US-Duterte. Ibayong itinutulak lamang ng hakbanging nito ang sanlaksang mamamayang mag-alsa at lumaban sa tiraniya.

Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa mamamayang Pilipino na puspusang lumaban at isulong ang digmang bayan upang tuluyan nang ibagsak ang rehimeng US-Duterte. Ilantad ang EO 70 bilang instrumento ng pasismo. Ipagbunyi ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan at palakasin ang hanay ng nagkakaisang mamamayan para sa tiyak na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Pabagsakin ang Rehimeng US-Duterte! Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan! Sumapi sa NPA!

https://cpp.ph/statement/ibayong-susulong-ang-digmang-bayan-upang-biguin-ang-pasismo-ng-rehimeng-us-duterte-panawagan-sa-paggunita-ng-araw-ni-bonifacio/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.