Animo’y mga lintang sinisipsip ng dambuhalang pasistang makinarya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pondo ng bayan, hindi lamang para ipambili ng parami nang parami at palaki nang palaking mga armas at kagamitan, kundi pati para ipambayad sa pensyon ng mga berdugong elemento matapos ang kanilang “serbisyo.”
Sa nakaraang mga taon, umaabot sa ₱160 bilyon ang inilalaang badyet para sa pensyon ng mga retiradong sundalo at iba pang “unipormadong tauhan” ng estado. Para sa 2023, kinailangang maglaan ang Kongreso ng ₱273 bilyon para sa 137,649 pensyunadong sundalo at pulis.
Wala ni isang sentimo ang iniaambag ng sinuman sa burukrasyang militar, kombatant at di kombatant, sa kanilang pondong pampensyon. Buung-buo itong kinukuha sa pambansang badyet. Hiwalay pa ito sa alokasyon para sa aktibong mga elemento na kumakain din ng pinakamalaking bahagi ng badyet ng Department of National Defense. Kabaligtaran ang kaayusang ito sa pagkakaltas sa sahod at sweldo ng pampubliko at pribadong empleyado bilang “kontribusyon” sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).
Walang kaltas na buwis ang pensyon ng mga sundalo. Simula nila itong natatanggap sa edad 56, o siyam na taon na mas maaga sa edad sa pagreretiro ng ibang kawani. Mas mataas rin ng isang ranggo ang tinatanggap na pensyon ng isang retiradong sundalo. Itinutulak nito ang pagkakarerahan sa promosyon at pag-uunahan sa pwesto ng mga may ranggo, laluna ng mga heneral.
Malaking tagas sa pambansang badyet
Lumobo nang ilang ulit ang pangangailangang pensyon matapos doblehin ng nagdaang rehimeng Duterte ang base pay ng militar at pulis bilang suhol sa kanilang katapatan. Dumagdag sa palamunin ang ilanlibong bagong sundalo na bumuo sa itinayong mga batalyong pangkombat, pang-artileri at iba pa na narekrut ni Duterte sa pangako ng mataas na sweldo, espesyal na mga pribilehiyo at pensyon.
Sa kasalukuyan, ang pinakamababang upisyal (2nd Lt.) ay tumatanggap ng netong sweldo na ₱43,829 kada buwan. Malayong mas mababa ang netong sweldo ng bagong nars na ₱30,742.27, matapos ibawas ang rekisitong kontribusyon sa GSIS, Philhealth at Pag-ibig. Malayong mas mababa ang net pay ng isang guro na nasa ₱23,465.50. Mas mataas pa ang sweldong ₱29,668 ng bagong rekrut na sundalo na nagsanay lamang ng anim na buwan. (Kalunus-lunos naman kung isipin na ang sahod ng isang manggagawa ay karaniwang ₱8,902 lamang.)
Aminado ang mga upisyal ng reaksyunaryong estado na ang papalaking pondong pensyon ng AFP ay hindi kayang tustusan nang pangmatagalan. Sa isang pag-aaral ng GSIS, mangangailangan ng ₱9.6 trilyong pondo o ₱800 bilyon kada taon sa susunod na 20 taon para pondohan ang papalaking pangangailangang pensyon ng militar at iba pang unipormadong personel. Ayon sa Department of Finance, kakailanganin ng estado na mangutang nang dagdag na ₱3.43 trilyon hanggang 2030 o dagdag na 25% sa kasalukuyang antas para rito.
Mungkahi ng ahensya, kaltasan nang 5% hanggang 9% ang sahod ng mga sundalo, pulis, coast guard, tauhan sa mga bilangguan at eskwelahang pulis para pondohan ang sarili nilang pensyon. (Kumakaltas ang GSIS nang halos 10% sa gross pay ng lahat ng ibang kawani kada buwan, habang halos 5% naman ang kinakaltas ng SSS sa sumasahod ng mas mababa pa sa minimum.)
Mungkahi rin ng ahensya na tanggalin ang awtomatikong pag-angat ng isang ranggo ng mga nagreretiro at itaas nang isang taon ang edad ng pagreretiro. Sasaklawin nito ang lahat ng aktibo at papasok na unipormadong elemento.
Sa ngayon, ang pensyon ng pinakamababang ranggong sundalo ay ₱40,000 kada buwan. Tatlong beses ito na mas malaki sa ₱13,600 buwanang pensyon ng isang kawani ng gubyerno at siyam na beses na mas malaki sa tinatanggap ng isang manggagawa na ₱4,528.
Bantang paghuhuramentado ang sumalubong sa panukalang reporma sa pondong pensyon ng militar. Nangunguna sa pagtutol dito ang mga retiradong heneral na hindi saklaw ng panukala. Imbes na mag-ambag, panukala pa nilang itaas ang kanilang mga pensyon mula 85% tungong 90% ng base pay.
Wala pa rito ang iginagawad na suhol sa nagreretirong mga heneral sa ilalim ng sistemang “pasalubong” at mga maanomalyang kontratang militar na nakokopo ng kanilang mga pribadong kumpanya at hinahawakang mga sindikatong kriminal.
https://philippinerevolution.nu/2023/05/21/pensyon-ng-afp-pabigat-sa-bayan/