From the Philippine Information Agency (Nov 23, 2020): Tagalog News: Bagong Transient Building sa 203rd Infantry Brigade, pinasinayaan (By Dennis Nebrejo)
Sabay na binuksan nina Gob. Humerlito Dolor (kanan) at 2nd Infantry Division Commander, MGen Greg T. Almerol kasama ang kanyang may-bahay, ang marker ng bagong Transient Bldg. sa loob ng 203rd Infantry Brigade sa Bayan ng Bansud noong Nobyembre 20. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)
Bansud, Oriental Mindoro, Nob. 23 (PIA) -- Pinangunahan ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor ang pagpapasinaya ng bagong isang palapag na gusali sa loob ng kampo ng 203rd Infantry Brigade, ang Transient Building na ginanap noong Nobyembre 20.
Ayon sa gobernador, “handa kong suportahan ang mga pangangailangan ng kasundaluhan dahil kabilang sila sa mga nangangalaga ng katahimikan at kaayusan ng buong lalawigan at sa isla ng Mindoro na siyang lumalaban sa insurhensiya kung kaya pinagkalooban natin sila ng isang maliit na gusali na magsisilbing pahingahan at kanila din kailangan kapag mayroon silang mga panauhing pandangal o kapwa nila sundalo.”
Ang nasabing gusali ay nagkakahalaga isang milyong piso. Mayroon itong pitong silid, pitong double deck na kama at isang malaking kama gayundin ang mga palikuran. Nagtulong-tulong ang mga sundalo upang maitayo ang naturang gusali.
Lubos ang pasasalamat ni 203rd Brigade Cmdr. LtCol Jose Augusto Villareal sa gobernador dahil sa patuloy nitong pagsuporta sa kanilang hanay gayundin ang pagkakaloob ng kanilang mga pangangailangan sa loob ng kampo.
Bukod kay Dolor, naging panauhing pandangal din si MGen Greg T Almerol, commander ng 2nd Infantry Division na nakatalaga sa Tanay Rizal. (DN/PIA-OrMin)
https://pia.gov.ph/news/articles/1059793