Propaganda article from the Tagalog language edition of
the CPP online publication Ang Bayan (Nov 21):
Editorial: Kabataan, lumahok sa digmang bayan! (Youth, participated in people's war)
Gugunitain ng buong sambayanang Pilipino ang ika-50 anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM) sa Nobyembre 30. Kinikilala ng buong sambayanan, laluna ng masang manggagawa at magsasaka, ang malaking papel ng KM nitong nagdaang 50 taon sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan at ang mahalagang papel na gagampanan pa nito sa hinaharap.
Parangalan natin ang lahat ng mga kabataang nag-alay ng kanilang buhay sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, laluna sa larangan ng armadong pakikibaka. Bigyang-pugay natin ang mga kabataang bumubuo ng pinakamalaking hanay ng mga Pulang mandirigma sa buong bansa. Binabagtas nila ang landas ng armadong rebolusyon para sa pambansa at panlipunang paglaya na unang hinawan ng mga kabataang anak ng bayan na pinangunahan ni Andres Bonifacio.
Nitong nagdaang apat at kalahating dekada ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan, ang Kabataang Makabayan ay nagsilbing di natutuyong balon ng bagong mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan at mga kasapi at kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Dahil tuluy-tuloy na sumisibol ang mga kabataang rebolusyonaryo, laging nananatiling masigla ang Partido at
BHB at walang takot na nagsasabalikat ng mabibigat na tungkulin sa pagsusulong ng rebolusyon.
Malaki ang pasasalamat ng sambayanang Pilipino sa Kabataang Makabayan sa malaking ambag nito nitong nagdaang kalahating siglo sa pagsusulong ng kanilang pambansa-demokratikong pakikibaka. Nitong nagdaang 50 taon, ang KM ay naging katuwang ng Partido sa pagpapakilos sa mga kabataan sa mga pakikibakang masa at pagsasanay sa kanila sa pagsusulong ng kilusang propaganda at rebolusyong pangkultura, pagpapasigla ng demokratikong pakikibaka ng masang anakpawis, pagbubuo ng nagkakaisang prente at pagsusulong ng armadong pakikibaka.
Batid ng Partido at Kabataang Makabayan ang pangunahing mga problema at usaping panlipunan na kinakaharap ng mga kabataang Pilipino. Ang patuloy na lumalalang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay lalong nagpapalala sa kalagayan ng milyun-milyong kabataang manggagawa, magsasaka at petiburges.
Nitong nagdaang dekada, dumoble ang bilang ng mga kabataang hindi nakapag-aaral dahil sa lumalalang komersyalisasyon ng edukasyon. Tuluy-tuloy na tumataas ang singil na matrikula, iba’t ibang bayarin at mga gastusin sa eskwelahan. Patuloy na kinakaltasan ng reaksyunaryong gubyerno ang gastusing panlipunan nito, kabilang ang alokasyon sa edukasyon, habang patuloy na pinalalakas ang papel ng malalaking kumprador sa edukasyong publiko.
Kaakibat ng komersyalisasyon ng edukasyon ang pagtindi ng panunupil sa loob ng mga kampus. Ipinatutupad ng mga kapitalistang may-ari ng mga eskwelahan, kasabwat ang mga ahensyang panseguridad ng estado, ang paghihigpit laban sa pamamahayag, pagbabawal ng mga organisasyon at iba pang karapatan. Layunin nitong supilin ang kolektibong paghamon ng mga estudyante sa mga patakarang nakatuon sa pagkakamal ng papalaking tubo.
Sa pagtupad ng programang K-12, ang edukasyon sa Pilipinas ay lalong nakatuon sa pagsasanay ng murang lakas-paggawa para ieksport o para dumagdag sa lokal na hukbo ng walang hanapbuhay. Kalahati ng kabuuang bilang ng mga wala o kulang ang hanapbuhay ay nagmumula sa kabataan. Hindi lumilikha ng sapat na bilang ng hanapbuhay ang ekonomyang walang baseng industriyal, nakasalalay sa dayuhang puhunan at pautang at dinadambong ng malalaking dayuhang kapitalista. Napipilitan ang mga kabataang mag-aplay sa mga “call center” at dumanas ng matinding pang-aapi at malupit na kundisyon sa paggawa.
Bilang katuwang ng Partido, inaabot ng mga kadre at kasapi ng Kabataang Makabayan ang malawak na bilang ng mga kabataang Pilipino sa mga kolehiyo at hayskul. Pinupukaw at pinakikilos sila sa batayan ng kanilang mga kinakaharap na problema sa araw-araw at minumulat sila sa pinag-uugatan nitong saligang mga suliranin ng sambayanang Pilipino. Binibigyan sila ng pampulitikang edukasyon upang pag-alabin ang kanilang diwang progresibo at patriyotiko.
Sa pamamagitan ng KM, patuloy na malalim na nakauugat ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa hanay ng mga kabataan-estudyante at napakikilos sila sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Inaabot nila ang mga kabataan at mamamayan sa mga komunidad, pabrika at mga tanggapan.
Umiiral ang kundisyon para sa muling pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusan ng kabataan-estudyante. Dapat walang sawa, walang pagod at ubos-kaya silang pukawin, mulatin, abutin, organisahin at pakilusin para isulong ang kanilang demokratikong kapakanan at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan.
Ang panibagong makasaysayang paghugos ng kabataan sa lansangan at kanayunan ay sadyang magiging kaakibat ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan tungo sa susunod na yugto ng estratehikong pagkapatas. Ang malawakang pag-anib ng kabataan mula sa kalunsuran sa Bagong Hukbong Bayan ay malaking ambag sa ibayong pagpapasigla ng armadong pakikibaka sa kanayunan.
Ang alingawngaw ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng
BHB sa kanayunan ay nagbibigay-inspirasyon sa kabataan at mamamayan sa kalunsuran. Sa kabilang panig, ang malalawak na pakikibakang masa at lumalaking mga demonstrasyon sa lansangan ay nakapagbibigay-sigla sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan.
Ang tuluy-tuloy na pag-usbong ng bagong henerasyon ng kabataang proletaryong rebolusyonaryo ang isang salik kung bakit laging masigla at optimistiko ang Partido Komunista ng Pilipinas. Isinasalin nila, hindi lamang ang bagong pisikal na lakas, kundi maging ang sariwang determinasyon at perspektiba sa paglulutas ng mga problema at pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan. Natututo sila at humahalaw ng inspirasyon sa nakatatandang mga kadre sa paggampan ng mabibigat ng tungkulin.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist
Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central
Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis
of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is
published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141121/kabataan-lumahok-sa-digmang-bayan