Pinarangalan ng Southern Mindanao Regional Committee ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan, si Rendell Ryan Cagula, kilala bilang Ka Lucas ng libu-libong mamamayang pinagsilbihan niya sa kanayunan. Kabilang si Ka Lucas sa mga Pulang mandirigmang napatay noong Nobyembre 4 sa pakikipaglaban sa mga pasistang tropa ng 27th IB sa Maasim, Sarangani. Kasama ring napatay sa labanan sina Ka Payat, Ka Doming at Ka Jappie.
Si Ka Lucas, 23, ay isang kilalang lider-estudyante sa Southern Mindanao. Ipinanganak siya noong Pebrero 24, 1991 sa isang panggitnang-uring pamilya. Namulat siya sa kalagayan ng lipunang Pilipino nang maging mag-aaral siya ng Anthropology sa University of the Philippines (UP)-Mindanao.
Naging aktibo siya sa kampus. Nahalal siyang kinatawan ng kolehiyo at kalauna’y presidente ng konseho ng mga mag-aaral ng unibersidad. Nahalal din siyang bise-presidente ng Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP), ang pambansang alyansa ng mga student council ng lahat ng mga sangay ng UP.
Dagdag dito, myembro siya ng Pi Sigma Fraternity, Anak UP Min at Dugong Antro. Sumapi siya sa League of Filipino Students at nagsilbing panrehiyong tagapagsalita nito. Naging panrehiyong koordinador din siya ng Kabataan Partylist sa Southern Mindanao.
Nagpasyang sumapi si Ka Lucas sa Bagong Hukbong Bayan noong Disyembre 2013 at naitalaga siya sa isang yunit sa Far South Mindanao Region. Kinilala at iginalang ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanyang kakayahang mamuno, talas ng pag-iisip at kapasyahan. Una siyang nagsanay bilang medik at sumama sa mga klinikang bayan na idinaos ng kanyang yunit. Isinagawa niya at ng kanyang yunit ang kanilang mga tungkulin sa pag-oorganisa sa malawak na hanay ng magsasaka sa kanilang erya, pagbibigay ng pag-aaral at paglahok sa produksyon.
Dahil sa ipinakita niyang kasigasigan at tatag, itinalaga si Ka Lucas bilang upisyal sa pulitika ng platun sa Larangang Gerilya 73 nang wala pang isang taon. Naging mahirap ang gawaing pag-oorganisa sa eryang binabawi pa lamang, pero nagpursige sina Ka Lucas at kanyang mga kasamahan. Para maging mas epektibo sa kanyang mga tungkulin sa kanilang erya kung saan mayorya ay mga Lumad, nagpursige siyang matuto ng hanggang apat na magkakaibang dialekto.
Wala siyang pagod sa panghihikayat sa mga kasama na maging matatag sa harap ng walang katapusang mga operasyong kombat ng AFP at serye ng mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at kanilang yunit. Sa isa sa mga engkwentrong ito napaslang sina Ka Lucas at tatlo pang mandirigma, habang nakikipagpalitan ng putok sa kaaway.
Dinala ang mga labi ni Ka Lucas sa UP-Mindanao, kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay pinarangalan sa loob ng kampus ang isang Pulang mandirigma. Bumuhos ang pakikiramay at parangal kay Ka Lucas mula sa kanyang mga guro, kaibigan at kapwa mga aktibista sa sektor ng kabataan. Nagpadala ng mga mensahe ng paghanga ang kanyang mga kapwa lider-estudyante sa mga konsehong hindi pa nagtatagal niyang iniwan.
Inalala ng kanyang kapwa mga aktibista ang kanyang buhay at pakikibaka, gayon din ang mga buhay at pakikibaka ng katulad niyang mga kabataang nagpasyang magsilbi bilang mandirigma sa kanayunan. Kabilang dito sina Rhaim Buanjug (Ka Jack), na namatay mula sa kumplikasyon ng sakit na malarya noong Setyembre 22 at Recca Noelle Monte na pinahirapan at pinatay ng mga tauhan ng 56th IB sa Lacub, Abra noong Setyembre 4.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist
Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central
Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis
of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is
published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20141121/ka-lucas-lider-estudyante-pulang-mandirigma
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.