Editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019):
Dapat labanan ng kabataang Pilipino ang pasistang rehimeng US-Duterte at igiit ang pagwawakas ng imperyalistang pandarambong at panggagahis
Mensahe ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa Kabataang Makabayan sa ika-55 anibersaryo nito at sa ika-156 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.
Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mainit na pagbati sa pamunuan at kasapian ng Kabataang Makabayan (KM) sa okasyon ng ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Ngayon rin ang ika-156 anibersaryo ng kapanganakan ng Pilipinong bayani ng uring manggagawa na si Andres Bonifacio.
Ang Kabataang Makabayan ay gumampan ng mahalagang papel sa iba’t ibang yugto ng rebolusyonaryong kasaysayan ng bansa sa loob ng mahigit limang dekada. Talagang pinatunayan ng KM na isa ito sa pinakamaaasahang katuwang ng Partido sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa.
Naging kaagapay ng Partido ang Kabataang Makabayan sa maagang yugto ng Marxista-Leninistang pakikipagtunggalian sa ideolohiya, pagwawasto, pagtatayo ng organisasyon, pagpopropaganda at pagpapakilos sa masa at pagbubuo ng Bagong Hukbong bayan (BHB). Tinulungan nito ang pagtatayo ng Partido sa buong bansa at pagpapalaganap ng digmang bayan sa buong arkipelago. Gumampan ito ng mahahalagang papel sa propagandang lihim at pag-oorganisa sa hanay ng kabataan at manggagawa sa panahon ng batas militar ni Marcos na paglaon ay magpapasigla sa ligal na kilusang protesta noong dekada 1970. Nagsumikap ito sa rebolusyonaryong kilusang lihim bilang isa sa matatatag na kasapi ng National Democratic Front (NDF) kung saan kinatawan nito ang kabataang Pilipino at ang kanilang kahilingan para sa pambansa-demokratikong pagbabago.
Ang kabataang aktibista at intelekwal na kasapian nito ang nagsilbing malalim na bukal para magsanay ng mga rebolusyonaryong kadreng proletaryado at sa pagrerekluta ng mga kasapi ng Partido. Sa mga nagdaang taon, ang mga kadreng nagmula sa hanay ng KM ay naitalaga sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Higit sa lahat, marami ang intelektwal at manggagawang aktibista na kasapi na ngayon ng BHB at nagsisilbi bilang upisyal pampulitika at mga kumander, katuwang ang mga Pulang mandirigma at mga kadre mula sa mga magsasaka at masang minorya.
Itinuturing ng Partido ang KM bilang mahalagang katuwang nito sa gawaing pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanang Pilipino. Sa ilalim ng lantarang pasistang tiraniya at terorismo ng estado ng rehimeng US-Duterte, tinatawagan ito ngayon na magsilbi bilang rebolusyonaryong bag-as ng demokratikong paglaban ng mamamayan.
Kinakailangang sagpangin ng Kabataang Makabayan ang umuusbong na oportunidad mula sa mabilis na papalalang kundisyon ng bansa na kinatatampukan ng kawalan ng edukasyon, malawakang kawalan ng hanapbuhay sa hanay ng kabataan, kawalan ng pag-asa at pagdausdos ng kultura. Dapat nitong mulatin ang puu-puong libo ng kabataang Pilipino.
Kailangang magpunyagi ang KM na dalhin ang pambansa-demokratikong propaganda sa hanay ng kabataang intelektwal at mga masang anakpawis. Dapat nitong punitin ang pasistang kasinungalingan ng rehimeng Duterte at ilantad ang imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo bilang saligang mga suliraning nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Kailangan nitong ituro ang patuloy na pangangailangan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka upang wakasan ang atrasado, mapang-api at mapagsamantalang malapyudal at malakolonyal na lipunan.
Kapanabayang itinatag ang KM sa kapanganakan ni Andres Bonifacio na matagumpay na namuno sa mamamayang Pilipino sa paglulunsad ng armadong rebolusyon laban sa kolonyalismong Espanyol. Isinagawa ito upang bigyang-diin ang patriyotikong laman ng pambansa-demokratikong programa, na siyang nananatiling susi sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Kinakailangang ipagpatuloy ng Kabataang Makabayan ang anti-imperyalistang propaganda at higit pang papag-alabin ang pagiging makabayan ng kabataang Pilipino. Tulad ni Bonifacio, dapat tumayo ang kasalukuyang salinlahi ng mga kabataang Pilipino sa unahan ng paggigiit ng mamamayang Pilipino para sa tunay na pambansang paglaya.
Kinakailangan ilantad ng Kabataang Makabayan ang ugnayan ng malalaking dayuhang kapitalistang interes at ang kabangisan ng pasistang rehimeng Duterte at kampanyang panunupil. Dapat ilantad ang mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina, plantasyon, enerhiya, turismo at ibang proyektong pang-imprastruktura, maging ang malalaking dayuhang mga bangkong nangangapital at nakikinabang sa paghaharing teror ni Duterte. Kailangang ilantad kung paanong kinakamkam ng malalaking dayuhang korporasyon at malalaking panginoong maylupa ang mga lupang agrikultural ng mga magsasaka at mga lupang ninuno. Dapat ilantad nito ang mapanlinlang na reporma sa lupa ni Duterte na walang ibang layon kundi padaliin ang pagkamkam sa lupa ng mga magsasaka.
Nararapat na pagkaisahin ng KM ang mamamayan at pakilusin sila upang ipanawagan ang pagpapatigil sa pandarambong sa pambansang patrimonya at sa kalikasan, ang panggagahis sa kabundukan, mga ilog at dagat. Kailangang makipagkaisa sila sa malawak na masa upang ipatigil ang malalaking operasyong mina, plantasyon at batbat ng kurapsyong mga proyektong imprastruktura. Kailangang ilantad ang panghihimasok militar ng US at kanilang presensya at kung paano nito idinidirihe ang AFP at PNP sa kontrainsurhensyang operasyon upang supilin ang patriyotiko at demokratikong pwersa sa bansa.
Dapat higit pang palakasin ng Kabataang Makabayan at ng kilusang estudyante at kabataan ang pambansa-demokratikong kilusang propaganda. Dapat pagplanuhan ang pagpaparami ng puo-puong libo ang pahayagan ng Partido na Ang Bayan, at ang sarili nitong dyaryo na Kalayaan at mapamahagi ito sa pinakamaraming posibleng bilang ng mamamayan sa mga kampus, pabrika, mga komunidad sa kalunsuran at sa mga baryo. Ang Kabataang Makabayan at mga tsapter nito ay kailangang regular na maglabas ng mga pahayag sa mga nagbabagang mga isyung pambansa at lokal at ilimbag ito at ipamahagi sa masa. Dapat pangunahan ng KM ang libu-libong mga grupong talakayan at pulong pag-aaral, kapwa sa hayag at lihim na pamamaraan. Kailangang ma-institusyonalisa ang iba’t ibang anyo ng pangmasang propaganda na makararating sa masa tulad ng mga film showing, mga naglalakbay na mga kulturang pagtatanghal at iba pa.
Dapat tuloy-tuloy na tulungan ng mga aktibista nito ang pagpapasigla ng pambansa-demokratikong kilusang pangkultura sa pamamagitan ng paglikha ng mga tula, awit, pagtatanghal sa lansangan, paglikha ng mga bidyo at iba pa. Kailangang gamitin ng mga aktibista ng KM ang social media para mapalaganap ang pambansa-demokratikong linya habang nilalabanan ang mapanganib na ultrademokratikong hatak nito na nagpapalaganap ng indibidwalismo at disorganisasyon.
Kailangang mag-aral ang mga aktibista at kadre ng KM, itaguyod at ikintal ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at isapraktika at paunlarin pa ito sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawaing naaabot nito, kasama na rito ang panlipunang pagsisiyasat sa hanay ng masa. Dapat mailimbag at mapalaganap ang mga pag-aaral bilang daluyan ng Marismo-Leninismo. Dapat ring mahikayat nila ang mga iskolar na ilapat ang Marxismo-Leninismo sa kani-kanilang mga larangang akademiko bilang paglaban sa burges at petiburges na repormistang impluwensiya sa ideolohiya sa tabing ng postmodernismo at iba pa.
Sa buong mundo, muling pinatutunayan ng kabataan na sila ang dambuhalang pwersa ng progresibo at demokratikong pagbabago sa paglahok ng malaki nilang bilang laban sa mapagsamantalang mga patakarang neoliberal at katiwalian sa gubyerno na nagpapalala sa mahirap na kalagayan ng mamamayan.
Sa Pilipinas, kung saan mabilis na lumalala ang kalagayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, panawagan sa mga rebolusyonaryong aktibista na pataasin ang militansya ng kabataang Pilipino at ipagkaisa sila sa masa tungong malakas na pwersa para sa panlipunang rebolusyon.
Wakasan ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Wakasan ang imperyalistang pandarambong at panggagahis!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]