Leona Paragua
Matapos ang isang taon ng kawalan ng hustisya, naninindigan ang NDFPalawan, sampu ng buong rebolusyonaryong kilusan sa bansa at sambayanang Pilipino, na dapat tuluy-tuloy na singilin at pagbayarin nang mahal ang buong pasistang rehimeng US-Marcos II at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang brutal na pagpaslang kina Benito “Ka Laan” Tiamzon, tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral (KTKS), Wilma “Ka Bagong-Tao” Austria Tiamzon, pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Kasama nilang pinaslang ang walo pang mga kasamang sina Joel “Ka Divino” Arceo, kalihim ng isang komiteng subrehiyon sa Eastern Visayas, si Ka Yen, Ka Jaja, Ka Matt, Ka Ash, Ka Delfin, Ka Lupe, at Ka Butig. Matapos madakip sa proseso ng byahe, sila ay pinahirapan, tinortyur saka brutal at di-makataong pinaslang. Hindi pa nasiyahan, isinakay ang kanilang mga bangkay sa bangka at pinasabog pagdating sa laot.
Partikular na dapat panagutin at isakdal sa hukumang bayan sa kanilang pagmasaker sa Catbalogan 10 sina Ferdinand Marcos Jr, commander-in-chief ng AFP, Lt. Gen. Bartolome Bacarro, noo’y chief of staff ng AFP, Gen. Edgardo de Leon, noo’y pinuno ng Joint Task Force (JTF) – Storm at ng 8th Infantry Division, Brig. Gen. Marceliano Teofilo, pinuno ng Intelligence Service ng AFP, at ang Joint Special Operations Task Force Trident, isang yunit na tuwirang hawak ng US.
Hanggang sa kasalukuyan, napakailap pa rin ng katarungan sa mga biktima, gayundin sa mga pamilya at kaibigan nito sa pagkakait sa kanila sa bangkay ng kanilang nasawing kamag-anak, at sa napakabagal na proseso ng imbestigasyon at pag-DNA test sa pagkakakilanlan ng mga narekober na bangkay. Magpahanggang ngayon, ni walang naiburol na bangkay ang mga kapamilya ng mga kasamang pinaslang.
Sa kabila ng malakas na panawagan ng mga kamag-anak ng biktima, demokratikong grupo, abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao, wala pa ring ginawang hakbangin ang rehimeng US-Marcos II upang papanagutin ang mga maysala. Kahit ang naunang ipinangako ng Commission on Human Rights na hiwalay na imbestigasyon ay pabalat-bunga at manipestasyon lamang ng pagtatakip sa malagim na krimen ng reaksyunaryong estado.
Pinaslang sina Ka Laan at Ka Bagong-Tao kahit pa sila ay mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines para sa usapang pangkapayapaan. Sila at ang walo pang mga kasama ay mga di armado at malinaw na walang kakayahang depensahan ang kanilang mga sarili noong araw na iyon. Ang lahat ng mga ginawang ito ng berdugong AFP ay malalalang paglabag sa internasyunal na makataong batas, tampok ang mga nakasaad sa Article 4, Part II at Article 7, Part III ng Protocol 2 ng Geneva Conventions ng 1949 at sa Article 2, Part IV ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at kung gayo’y malinaw na patungpatong na mga krimen sa digma.
Sa kabila ng mga karumal-dumal na krimen na ito, hindi man lamang nangilabot ang mga berdugo kung saan pinagpyestahan at itinuring na tropeyo sa diumano’y pagpugot sa ulo ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa. Lahat ng ito ay upang pagtakpan ang kanilang krimen at sapawan ang lumalakas na panawagan ng paghahanap at paniningil ng sambayanan.
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, patuloy na lumulubha ang impyunidad at tahasang pagyurak sa karapatang-tao ng mamamayan. Wala silang pagtatangi sa mga papaslangin at bibiktimahin: sibilyan man o mga progresibong indibidwal o grupo at kahit ang mga myembro ng armadong grupo na kalahok sa armadong tunggalian at wala nang kapasidad na lumaban. Sa unang taon pa lang ng rehimen, 97 na ang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang ng pasistateroristang AFP tulad ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, sadyang pagpatay at pagmasaker. Sa inilulunsad nitong kampanya kontra-“terorismo”, patuloy nitong pinalalabo ang pagkakaiba ng armadong tunggalian sa terorismo, itinutulak ang arbitraryong pagbabansag sa mga kalahok sa armadong tunggalian bilang mga terorista, at lubusang hindi pagkilala sa mga proteksyon sa mga hors de combat, bihag ng digma at mga protektadong indibidwal alinsunod sa mga batas ng digma.
Walang anumang aasahang katarungang panlipunan na makakamit lalo’t mismong ang pasismo at terorismo ang kasangkapan ng papet na estado upang makapaghari sa bayang malakolonyal at malapyudal. Ang tunay na hustisya ay makakamit lamang sa pagpapatuloy ng makatarungang digmang pinasimulan nina Ka Laan, Ka Bagong-Tao at iba pang mga martir ng rebolusyon. Mahaba ang kamay ng rebolusyonaryong hustisya na maggagawad ng kaparusahan sa mga sagad-saring kriminal at berdugong may inutang na dugo sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Habang patuloy na pinagpupugayan ang kadakilaan nina Ka Laan, Ka Bagong-Tao at iba pang kapita-pitagang lider ng PKP na namartir, nananawagan ang NDF-Palawan na palakasin at pag-ibayuhin ang armadong paglaban upang ibagsak ang mapanupil na pasista-teroristang rehimen. Sa pamumuno ng PKP, dapat na paigtingin ang demokratikong rebolusyong bayan, palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at palawakin ang nagkakaisang hanay ng sambayanang Pilipino upang hawanin ang landas tungong lipunang makatarungan. Sa pamamagitan lamang ng pagtatagumpay ng digmang bayan at pagkakamit ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya malulutas ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
https://philippinerevolution.nu/statements/sa-unang-taon-ng-brutal-na-pagpaslang-sa-mag-asawang-tiamzon-at-8-pang-kasama-singilin-at-pagbayarin-nang-mahal-ang-rehimeng-us-marcos-ii/