Thursday, August 24, 2023

CPP/Ang Bayan: Koresponsal: Ang paghasa sa talino’t galing ng pambansang minorya sa loob ng BHB

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 21, 2023): Koresponsal: Ang paghasa sa talino’t galing ng pambansang minorya sa loob ng BHB (Correspondent: The sharpening of the wisdom and talent of the national minority within the NPA)
 




August 21, 2023

Patung-patong na pang-aapi at pagsasamantala ang kinakaharap ng mga pambansang minorya sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Salat sila sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan dahil sa pagpapabaya ng reaksyunaryong estado.

Sa halip na mga guro at duktor, mga armadong sundalo ang inihaharap ng estado sa katutubong mga pamayanan upang supilin ang kanilang karapatan, laluna ang karapatan sa lupang ninuno. Bukod dito, pinahihirapan pa sila ng umiiral na sobinismo at diskriminasyon.

Ang dinanas na kahirapan at pang-aapi ang nagmulat sa kabataang katutubo na sina Ka Lubid, Ka Ran at Ka Jana. Ang mga ito ang nagdala sa kanila sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sumapi sila sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Pulang kumander

“Mahirap pala mamuno sa Hukbo. Napakaraming kailangang isipin at gawin pero hindi ko ito uurungan. Sa ating mga kasama, lahat ay kayang gawin basta nagtutulungan,” pagbabahagi ni Ka Lubid, bagong-talagang kumander ng isang yunit ng BHB sa Mindoro. Malugod niyang tinanggap ang hamon anuman ang kalagayan, dahil sapul nang sumapi sa BHB ay naghanda siyang maging Pulang kumander.

Hinarap ng yunit ni Ka Lubid sa nakaraang taon ang pinasinsin at matinding pang-aatake ng kaaway. Sa mahigpit na pagtangan sa disiplinang militar at linyang masa, nagtagumpay ang yunit na biguin ang imbing plano ng mga pasista.

Bentahe ang pagkabisa ni Ka Lubid sa tereyn at malalim na pagsapul sa kalagayan ng masa para sa wastong maniobra ng yunit. Sa tuwing may kalapit na kaaway, kalmado siya sa paghahanda para lumaban.

Bago naging kumander ng yunit ay ilang taon siyang nagsanay sa iba’t ibang tipo ng rebolusyonaryong gawain. Ika niya: “Ibinigay ko na ang buhay ko sa rebolusyon kaya’t gagawin ko ang lahat para magtagumpay ito.”
Artista ng bayan

Isang kabataang Dumagat na punung-puno ng sigla at talino si Ka Ran, upisyal pangkultura sa sangay ng Partido sa isang yunit ng BHB sa Quezon. Isa siyang manunulat at myembro ng Pulang Bandila, ang pangkulturang bisig ng BHB. Pinangungunahan niya ang mga pangkulturang aktibidad ng kanilang yunit at paglikha ng mga akdang pampanitikan, partikular na ang mga tula at dula.

Bata pa lamang ay nagpamalas na si Ka Ran ng dedikasyon sa pagsusulat. Mahilig din siyang gumawa ng liham para sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Pero dahil palipat-lipat ng tirahan at laging nagtatago ang kanyang pamilya, hindi na niya nagawang makapagtapos ng elementarya.

Bago sumapi sa BHB ay katuwang na si Ka Ran sa gawaing propaganda-kultura sa kanyang komunidad. Sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, lalong nahasa ang kanyang galing sa pagsusulat at iba pang talento. Mula sa pagsusulat ng tula, lumahok siya sa paglikha ng mga pyesa ng awit-galaw at nagdirehe na rin ng mga dula.

“Gusto kong ipakita sa sining ang kawastuhan ng pagsusulong ng rebolusyon para mahimok ang mamamayan na lumahok sa digmang bayan,” ani Ka Ran.
Duktor, dentista, akupangturista

Mapalad ang tingin ni Ka Jana sa sarili dahil sa lahat ng kabataan sa kanilang pamayanan, siya lamang ang nakatuntong ng kolehiyo. Ang bilin sa kanya ng matatanda, bumalik sa kanilang tribu para doon magserbisyo.

Tinupad ni Ka Jana ang tagubilin. Nagtapos siya ng kursong medikal, hindi sa burgis na paaralan, kundi sa Pulang paaralan ng BHB. Ngayon, buong panahon siyang naglilingkod bilang duktor, dentista at akupangturista sa kapwa niya katutubo at mamamayan sa eryang saklaw ng kanilang yunit.

“Malaki ang potensyal ni Ka Jana sa gawaing medikal. Mahusay ang kontrol niya sa kamay, magaan ngunit turol ang mga punto sa akyu at presiso sa pag-oopera. Talagang pinagkakatiwalaan siya ng mga pasyente,” ani Ka Maru, instruktor sa pagsasanay medikal nina Ka Jana.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/21/ang-paghasa-sa-talinot-galing-ng-pambansang-minorya-sa-loob-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.