Thursday, August 24, 2023

CPP/Cagayan Valley ROC: SBDP: Gatasan ng 5ID Philippine Army

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 21, 2023): SBDP: Gatasan ng 5ID Philippine Army (Milking of the SBDP by the 5ID Philippine Army)
 


Elias Almazan
Political Officer
Cagayan Valley Regional Operational Command (Fortunato Camus Command)
New People's Army

August 21, 2023

Patapos na ang taon ngunit hindi pa rin tapos ang ilang proyekto ng Support Barangay Development Program-End Local Communist Armed Conflict (SBDP-ELCAC) na sinimulan noong 2021. Tatlong taon na itong ginagawang gatasan ng mga heneral at upisyal ng 5th Infantry Division Philippine Army at mga kasapakat na lokal na burukrata. Nasa papel pa lamang ang mga inendorsong baryo ng 2023 na walang malinaw na detalye kung anu-anong mga proyekto ito at walang indikasyon ng pagpapatupad o implementasyon. Kaya, nasaan na nga ba ang ₱112.3 milyong pondo ng SBDP para sa taong ito? Anyare sa ₱328 milyong inilaan sa Cagayan Valley noong nakaraang taon?
Kurapsyon, Kickback at Pork Barrel ng mga heneral

Sa rehiyon lamang ng Cagayan Valley, umabot na sa halos kalahating bilyong piso o ₱560.3 milyon mula sa buwis ng taumbayan ang inilaang pork barrel ng 5th Infantry Division (5ID) sa tabing ng SBDP sa loob ng tatlong taon mula 2021-2023. Sa kabuuang halaga na ito, ang lalawigan ng Cagayan ang may pinakamalaking bahagi at taun-taon na binubuhusan ng badyet. Simula 2021 hanggang 2023, umabot na sa ₱304.3 milyon para sa 41 baryo ang inilaan sa nasabing prubinsya. Samantalang noong 2022 lamang nagkaroon ng endorsed barangays ang iba pang lalawigan ng rehiyon tulad ng Isabela, Quirino at Nueva Viscaya. Ang prubinsya ng Isabela ay may pondong ₱168 milyon para sa 42 barangay, ₱68 milyon sa Quirino na sumaklaw ng 17 baryo habang ₱20 milyon naman sa Nueva Viscaya na nagtukoy ng limang baryo.

Sa 100 barangay sa rehiyon na benepisyaryo ng nasabing programa, nasa 20 baryo lang may umuusad nang mga proyekto. Kabilang dito ang napakamahal na solar dryer at farm shed sa Anurturu sa bayan ng Rizal at mga baryo ng Apayao at Villa Reyno sa bayan ng Piat na nagkakahalaga ng ₱20 milyon bawat isa. Samantala, walang bago, bagkus ay pawang rehabilitation at upgrading lang ang kalakhan sa sinasabing mga proyektong farm-to-market roads sa kanayunan.

Magkaiba pa ang mga pahayag ng Department of Interior and Local Government Region II at Department of Budget and Management sa naturang programa. Ayon sa pinakahuling ulat ng DBM, mayroong listahan ng mga prubinsya, bayan at baryo ngunit walang partikular na detalye sa kung anu-anong mga imprastraktura ang itatayo sa nasabing mga lugar. Sa kabilang banda, ang ulat naman ng DILG-II ay mga planong proyekto pero hindi hinimay saang mga lugar iyon itatayo.

Ayon sa ulat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong Agosto 2022, nasa 74% pa lang ang natapos sa mga proyekto ng 2021. Samantala, partial at paisa-isang proyekto lang ang inuulat mula sa mga target noong 2022. Para naman sa taong kasalukuyan, walang detalye kung anong mga proyekto ang itatayo para sa 17 endorsed baryo.

Hindi na nakapagtataka kung nababalot sa katiwalian ang ganitong mga programa. Mula’t sapul, taliwas na sa ipinapangalandakan ng AFP na ang pagsasailalim sa Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga influenced-threatened barangay ang batayan ng pagdedeklara bilang mga “insurgency free/cleared barangays” mula sa presensya at impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, sa 41 inendorsong baryo sa Cagayan, 37 dito ay mga barangay na hindi dumaan sa RCSP. Ibig sabihin, arbitraryo, kasinungalingan at hungkag ang mga deklarasyon ng 5ID.

Hindi ordinaryong mamamayang Cagayano, bagkus ang mga kasapakat, kroni at kontraktor ang tunay na makikinabang sa programang ito. Sa katunayan, inilagak ang mga proyekto sa mga bayan na hawak ng mga despotikong panginoon maylupa at sagadsaring kontra-rebolusyonaryong burukrata at dinastiya (Piat, Sto. Nino, Tuao, Rizal) at sa mga may headquarters at kampo ng militar at pulis (Bangag sa Lallo; Casambalangan sa Sta Ana; Virgina at Balanni sa Sto Nino; at Sto Domingo sa Piat). Samantala, nakuha naman ng pinuno ng RTF-ELCAC ang kanyang pabuya sa pagiging sund-sunuran at tuta ng 5ID nang inalaanan ang balwarte niya, ang bayan ng Tuao sa Cagayan, ng ₱26.4 milyon.

Habang lugmok sa kahirapan ang mamamayang Cagayano, pakuya-kuyakoy lang sina dating 5ID Commander MGen Laurence Mina at MGen Audrey Pasia na siyang kasalukuyang Division Commander, sa tigas-mukhang paglustay sa pera ng bayan na dapat sana’y pinakikinabangan ng mamamayan.
Huwad na kaunlaran, pantapal sa pasismo ng estado

Serbisyong panlipunan na sana’y libre at maluwag na tinatamasa ng mamamayan ang dekalidad, abot-kamay at abot-kayang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, gayundin ang pagkakaroon ng subsidyo at mga pasilidad para sa mga magsasaka sa kanayunan. Hindi ito reward o consolation para sa mga peke-pwersadong pagpapasurender, paghahasik ng teroristang lagim at pagpapataw ng batas militar sa pamamagitan ng RCSP bago “ihatid” ang mga serbisyong ito.

Ang mga katulad ng Zinundungan Valley na lang halimbawa, na ilang ulit nang pinaluhod ng militaristang paninibasib upang pahupain ang militanteng paglaban ng mga Malaweg at katutubong Agay laban sa pang-aagaw ng lupa, pagpapataas ng presyo ng produkto at pagpapababa sa interes ng pautang ay hindi na lamang iilang beses na ipinasailalim sa iba’t ibang kontra-mamamayang programa sa balangkas ng “kontra-insurhensiya.” Ngayon sa ilalim ng SBDP, pinagmumukha ng estado na utang na loob ng mga residente ang mga serbisyong panlipunan na sa katunaya’y karapatang dapat matagal na nilang tinatamasa.

Hindi malilinlang ng AFP ang mga taga-Zinundungan at kailanma’y hindi mabubura sa alaala ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa maraming magsasaka kabilang na sina Ambot Asucena at Ronnie Beran, iligal na pag-aresto at patuloy na pagpiit kina Mendo Bisiotan, Marlon Baganay, Lenor Danao at ang matanda at sakitin na si Orlando Duruin, pagpapasurender sa daang magsasaka at paghahamlet sa kanila.

Nasa rurok ng kaipokrituhan ang 5ID na matapos nitong bombahin ang mga sakahan at kagubatan ng Bagsang sa Sta. Clara at sa pagitan ng Cabayu at Campo sa Sto. Nino, pampalubag-loob na magtatayo ito ng mga imprastraktura. Para bagang batang matapos mong paluin at umiyak ay bibigyan ng kendi para tumahan.

Kung tutuusin, hindi pangunahing pangangailangan ng taumbaryo ang mga laan na proyektong imprastraktura na inilalako ng SBDP—barangay shed, street lights installation, electric post relocation at mga katulad. Ang kailangan nila ay magkaroon ng sariling lupa, maibaba ang interes ng pautang, maitaas ang presyo ng kanilang mga produkto, mapababa ang gastos sa produksyon, magkaroon ng libre at sapat na irigasyon ang kanilang mga palayan at mga pasilidad para sa kanilang ani (post-harvest).
Badyet para sa papatinding terorismo

Bagamat sinasabi ng AFP na dalawa na lang ang aktibong larangang gerilya sa buong bansa, umaabot pa rin sa halos P9 bilyon ang kabuuang badyet para SBDP-ELCAC na hinihingi nito sa DBM para sa susunod na taon. Katumbas ito ng P10 milyon sa bawat inendorsong barangay, mas malaki ng ₱4 milyon kumpara sa ₱6.6 milyong pondo sa taong kasaluyan.

Sa harap ng lumulubhang krisis sosyo-ekonomiko, kibit-balikat ang rehimen sa pagtugon sa mga hinaing ng karaniwang Pilipino, habang tahasang kinukurakot kasama ang kaniyang mga alipures at kroni ang pera ng mamamayan.

Sa papalaki nang papalaking badyet para sa militarisasyon at pasismo, tiyak na magpapatuloy at sasahol ang paglabag sa mga karapatang-tao, magiging mas garapalan ang pambobomba sa kanayunan at titindi ang teroristang pagtugis sa mga ligal at demokratikong organisasyon.
Kabiguan ng SBDP-ELCAC at whole-of-nation approach sa paglutas sa ugat ng armadong tunggalian

Dahil sa likas na katangin ng AFP—pasista, mersenaryo at bulok sa kaibuturan—walang ibang patutunguhan ang SBDP-ELCAC kundi ang tiyak na pagkabigo. Ang mabuway na hanay ng AFP na niyayanig ng talamak na kurapsyon at laganap na katiwalaan sa loob nito ang sasagka sa pagpapatupad ng mga pakitang-tao at repormistang programa.

Hindi ang inilalakong bulok at mapanlinlang na amnesty program at E-CLIP ang magpapahina sa kapasyahan ng NPA na ibayong isulong at ipagtagumpay ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Nagkakamali ang AFP sa pag-aakala nitong mapapahupa nito ang paglaban ng mamamayan sa marumi nitong gera at mabangis na Anti-Terror Law na tumatarget sa mga sibilyan.

Lampas sa kakayahan at kagustuhan ng tao ang batas ng kasaysayan. Hanggat walang sariling lupa ang mga nagbubungkal na magsasaka, aliping sahuran ang mga manggagawa, walang trabaho at oportunidad para sa malaking hukbo ng reserbang paggawa, barat na barat ang sahod ng mga manggagawa, malaganap ang panunupil at teroristang atake sa mamamayan, sumasahol ang kultura ng kawalang-pananagutan (impunity), at sunud-sunuran sa dikta ng dayuhan at imperyalista ang estado, imposibleng makamit ang tunay na kapayaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Matabang lupa para sa rebolusyon ang pagsidhi ng krisis panlipunan at pasismo ng estado. Minumulat nito ang mamamayan sa kawastuhan at pangangailangang wakasan ang malakolonyal sistema at ibagsak ang malapyudal na estado at itinutulak silang maglunsad at magpakahusay sa iba’t ibang porma ng paglaban—hayag at lihim, ligal at iligal, armado at di-armado.

https://philippinerevolution.nu/statements/sbdp-gatasan-ng-5id-philippine-army/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.