Thursday, August 24, 2023

CPP/Ang Bayan: Pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos sa tabing ng pambansang seguridad

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 21, 2023): Pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos sa tabing ng pambansang seguridad (Fascist terrorism of the US-Marcos regime under the guise of national security)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




August 21, 2023

Lalo pang pagsidhi ng pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imperyalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko ang itinakdang direksyon ng bagong inilabas na “patakaran sa pambansang seguridad” (NSP o National Security Policy) ng rehimeng US-Marcos. Ipinaiilalim nito ang lahat ng aspeto ng lipunan—mula ekonomya hanggang kalikasan—sa balangkas ng “pambansang seguridad” na ibayong nagpapalaki sa papel ng militar at mga upisyal panseguridad sa pagpapatakbo ng estado.

Hungkag at huwad ang matatayog na deklarasyon ng NSP na “matatag, maginhawa at panatag na buhay”, “pambansang kasarinlan,” “panteritoryong integridad” at “kapayapaan.” Ang totoo’y lalong pinahihigpit ng mga patakaran at hakbangin ni Marcos ang dayuhang kontrol sa Pilipinas, binabaon ang bansa sa dayuhang pautang, at isinasadlak ang sambayanang Pilipino sa hirap, gutom at pang-aapi.

Pinalalabas ng mga upisyal ng rehimeng Marcos na kinakatawan ng NSP ang estratehikong pagpihit ng prayoridad mula panloob na seguridad tungong depensang panlabas. Subalit bago nito magawang “itransisyon” ang lakas ng armadong pwersa ng Pilipinas sa panlabas na seguridad, prayoridad nito ang ibayong pagsupil sa lahat ng pwersang itinuturing na banta sa “pampulitikang katatagan” ng naghaharing sistema.

Hindi binabawasan, bagkus dinadagdagan pa, ang humigit-kumulang 150 batalyon tropang pangkombat ng AFP at PNP at nakapakat sa iba’t ibang larangang gerilya sa buong bansa. Isinasagawa ang malalaking operasyong saywar, intelidyens and pangkombat sa tangkang kubkubin at gupuin ang mga yunit ng BHB. Kasabay nito ang walang pakundangang pambombomba mula sa himpapawid at pangagnanyon na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Daan-daang barangay ang sakop ng ilanlibong armadong tropa ng AFP upang hatiran diumano ng serbisyong pampubliko at proyektong pangkabuhayan sa pamamagitan ng National Task Force-Elcac. Ang totoo, ang mga programang ito na batbat ng anomalya at pinagkakakitaan ng mga korap na upisyal ng militar, ay pawang pantabing lamang sa ginagawang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan.

“Prosesong pangkapayapaan kaysa gera” ang diumano’y gusto ng NSP subalit wala namang idineklarang plano na isagawa ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP upang lutasin ang mga suliraning nasa ugat ng gerang sibil sa bansa at kamtin ang makatarungan at matagalang kapayapaan. Walang binago sa dati nang mapanlinlang na “lokalisadong usapang pangkapayapaan” na walang dili’t iba kundi kampanyang panunupil at saywar sa anyo ng kampanyang “surender” at “amnestiya.”

Tahasang idineklara ni Marcos sa NSP na palalakasin ng kanyang rehimen ang mga hakbang para supilin ang tinatawag nitong “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diumano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propaganda.” Ang ganitong tahasang pagdadawit sa rebolusyonaryong armadong kilusan ang ginagamit na katwiran sa paniniktik, panggigipit at marahas na panunupil sa mga organisasyong pang-masa na umiiral sa ilalim ng konstitusyon ng Republika ng Pilipinas.

Ang deklaradong layunin ng NSP na magbigay ng “seguridad sa operasyong pangnegosyo” ay tiyak na gagamitin rin upang lalong puntiryahin ang mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa na nakikibaka para sa pagtataas ng sahod at regularisasyon ng trabaho, na taliwas sa patakaran ng murang lakas paggawa na gustong ipagpatuloy ni Marcos bilang pagsunod sa kagustuhan ng mga dayuhang malalaking kapitalistang namumuhunan.

Sa kanayunan, pinupuntirya ng kampanyang panunupil ang mga organisasyong masa ng mga magsasaka at mga katutubong mamamayan na lumalaban sa pangangamkam ng lupa, pagpapalayas sa masa at pangwawasak sa kalikasan ng mga operasyon ng mga minahan, plantasyon, pati na mga proyektong pang-imprastruktura ng malalaking kapitalista sa “renewable energy,” ekoturismo at iba pa. Mula maupo si Marcos, sunud-sunod ang mga kaso ng pagpatay, pagdukot, pagtortyur at iba pang pandarahas sa mga sibilyan na gawa ng mga armadong galamay ng estado.

Target din ng panggigipit at panunupil ang mga samahan ng mga estudyante, guro, manggagawang pangkalusugan, taong-simbahan at iba pang sektor na aktibo sa pagtatanggol sa kapakanan ng kanilang sektor at interes ng taumbayan.

Tuluy-tuloy na sinusulsulan at inaarmasan ng imperyalismong US ang AFP sa armadong panunupil laban sa lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa ng taumbayan. Alinsunod ito sa kagustuhan ng US na magamit ang mga tauhan ng AFP bilang pandagdag na pwersa sa pang-uupat nito ng armadong sigalot laban sa karibal nitong imperyalistang China.

Malaking kasinungalingan ang sinasabi ni Marcos sa NSP na pagtatanggol sa teritoryo ng bansa samantalang ipinauubaya nito ang malalawak na lupain ng Pilipinas sa kontrol ng militar ng US. Ang papalaking presensya ng US sa pagsabing ito ay “pampigil” sa panghihimasok ng China. Ang katotohanan, ang lumalaking presensya ng mapagbantang armadong pwersa ng US sa lupa at karagatan ng Pilipinas ang nagiging dahilan ng China na pasukin at sakupin ang lumalaking bahagi ng teritoryong pandagat ng bansa. Sa ilalim ng NSP, patuloy na lumalaki ang peligrong madawit ang Pilipinas sa posibleng pagsiklab ng inter-imperyalisang gera ng China at US.

Pinalalabas ng rehimeng US-Marcos na “malapit nang magapi” ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan at tahasang idinedeklarang isa na lamang ang “aktibong larangang gerilya,” kahit pa araw-araw ay napasusubalian ito ng sariling ibinabalitang mga armadong engkwentro sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang totoo, patuloy na umiigting ang armadong sigalot sa buong Pilipinas, laluna sa harap ng laganap na mga kaso ng pang-aagaw ng lupa, kahirapan at pagkabangkarote ng masang magsasaka sa kanayunan, at ng kanilang masidhing hangaring mag-armas at magtanggol laban sa pasistang estado. Sa suporta ng malawak na masang magsasaka at sambayanan, patuloy na nakapagpupunyagi ang mga yunit ng BHB, lihim sa kaaway na nakapagpapalawak, muling nakapagpapalakas, at naghahanda sa muling pagbwelo.

Dapat iwaksi at labanan ng sambayanang Pilipino ang lumalang pasistang terorismo ng estado sa ilalim rehimeng Marcos at ng “patakaran sa pambansang seguridad” nito na dikta ng imperyalismong US. Dapat pag-ibayuhin ang tapang at puspusang isulong ang lahat ng anyo ng pakikibaka, laluna ang armadong pakikibaka, upang tuluy-tuloy na isulong ang hangarin ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/21/pasistang-terorismo-ng-rehimeng-us-marcos-sa-tabing-ng-pambansang-seguridad/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.