From the Philippine Information Agency (Oct 22, 2020): Tagalog News: 451 na dating ‘KADAMAY’, nagbalik-loob na sa pamahalaan (By Shane F. Velasco)
PANDI, Bulacan, Oktubre 22 (PIA) --
Sumumpa na ng katapatan sa watawat ng Pilipinas ang may 451 na mga dating kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY, bilang simbulo ng kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.
Iyan ang sentro ng ginanap na convergence activity ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict o RTF-ELCAC 3 kung saan nagsagawa ng community consultation at problem-solving session ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang nasyonal at lokal sa mga dating KADAMAY.
Idinaos ito sa isang pabahay ng National Housing Authority o NHA sa barangay Mapulang Lupa sa Pandi na kinubkob ng mga KADAMAY sa pamamagitan ng mga makakaliwang grupo. Kalakip ng kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan, isa-isa nang inilatag ng mga ahensiya ang kani-kanilang mga proyekto at programa na tutugon sa pag-aangat ng antas ng pamumuhay ng mga dating KADAMAY. Una na riyan ang pagbubuo ng kooperatiba upang maging pangmatagalan ang anumang ayuda o puhunan na ibibigay para sa kanila.
Tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando na sasagutin na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang lahat ng gastusin sa pagbubuo ng kooperatiba sa tulong ng Cooperative Development Authority at ang pagpaparehistro nito sa Security and Exchange Commission.
Rerepasuhin din aniya ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office kung magkano ang saping puhunan ang uubrang maipahiram sa pagsisimula ng kanilang kooperatiba.
Ayon pa sa gobernador, tutukuyin kung sinong dating KADAMAY ang interesado naman na magkaroon ng sariling negosyo upang mapagkalooban ng Self Employment Assistance mula sa Provincial Social Welfare and Development Office.
Halimbawa na rito ang bisikletang may sidecar na uubrang makapagtinda ng Fishball, Banana o Camote Cue o anumang pwdeng ilako.
May kasama na itong mga pangunahing kailangan gaya ng kalan, kawali, sanse, garapon ng mga saukan at pati na mga paunang sangkap.
Nangako naman si Ernani Dionisio, director-in-charge ng Department of Trade and Industry, na magkakaloob ng sari-saring livelihood training upang masegurong mapapalago ang mga puhunan para sa kanilang negosyo at hindi ito mauwi sa wala.
Para sa mapapasukang disenteng trabaho, hinikayat ni May Lynn Gozon, Provincial Director ng Department of Labor and Employment ang mga dating KADAMAY na lumahok sa mga online job fairs na isinasagawa ng ahensiya sa tulong ng Public Employment Service Office Bulacan.
Linggo-linggo aniya ay may mga nagbubukas na mga bagong trabaho ngayong unti-unti nang nagbubukas muli ang ekonomiya.
Kaugnay nito, isa-isa nang sinusuri ng NHA ang bawat isang dating KADAMAY na nagbalik-loob upang maging lehitimo na ang pagkakaloob ng mga housing units na kanilang kinubkob.
Dahil dito, upang matiyak na hindi na makakabalik sa lugar ang mga makakaliwang grupo, kontrolado na ng Philippine Army ang nasabing mga pabahay sa Pandi.
Binigyang diin ni Brigadier General Andrew Costelo, Commander ng 703rd brigade ng Philippine Army, na ngayong nagkaroon na ng mapayapang pagsuko at unti-unti nang tumutungo sa matiwasay na pamumuhay ang mga dating KADAMAY, pinangaralan niya ang mga ito na maging mapanuri sa paligid at bantayan ang kani-kanilang mga anak na hindi mahikayat muli ng mga makakaliwang grupo.
Hangad aniya ng buong Armed Forces of the Philippines ang kabutihan ng bawat mamamayan at nakahandang ipagtanggol ang mga ito.
Samantala, lubos ang kagalakan ni Ivy D. Llave, isang 23 anyos na naninirahan sa pabahay at dating KADAMAY, dahil magsisimula na aniyang magkaroon ng direksiyon ang kanilang buhay.
Bukod sa katuparan na magkaroon ng lehitimong bahay dahil sa ELCAC, ngayon lang aniya nalaman ang maraming mga oportunidad na ipinagkakaloob ng pamahalaan partikular na sa larangan ng entrepreneurship na kanyang tinapos sa kolehiyo. (CLJD/SFV-PIA 3)
https://pia.gov.ph/news/articles/1056778