Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 1):
Mga hamon sa Partido at sa uring manggagawang Pilipino
Mensahe ng Partido Komunista ng Pilipinas sa uring manggagawang Pilipino sa Mayo 1, 2017Mga hamon sa Partido at sa uring manggagawang PilipinoCommunist Party of the Philippines
1 May 2017
Bilang taliba ng uring manggagawang Pilipino, nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Sa araw na ito, marapat magbalik-tanaw at humalaw ng mga aral sa mahigit isandaantaon ng mga pakikibakang manggagawa upang bigyang-liwanag ang daan ng mga pakikibakang
manggagawa sa mga darating na panahon.
Walang katapusan ang pagdurusa ng masang anakpawis sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas at pandaigdigang sistemang kapitalista.
Pasan-pasan nila ang mababang sahod, malawakang disempleyo, tagibang na mga kontrata at mapang-aping kalagayan sa pagtatrabaho. Sa kanayunan, pinagdurusahan
nila ang iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala, kawalan ng lupa at pang-aagaw ng malalaking asendero, plantasyon at mga minahan.
Sumasadsad ang kabuhayan ng masang anakpawis sa harap ng mabilis na pagpaimbulog ng presyo ng pagkain, pamasahe, gamot, matrikula, serbisyong pangkalusugan,
komunikasyon at iba pang pangangailangan. Dumaranas sila ng kahirapan at gutom, kawalan ng disenteng pabahay at kuryente, kakulangan ng malinis na tubig,
laganap na mga sakit at mga epidemya.
Ang masang manggagawang Pilipino ay hinambalos ng apat na dekada ng mga patakarang neoliberal. Upang akitin ang mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan, pinigilan ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, sinupil ang kanilang karapatang mag-unyon at magwelga, pinahahaba ang oras ng paggawa lampas sa dating nakatakdang walong oras kada araw at binaklas ang iba pang mga regulasyon para pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.
Ginamit laban sa mga manggagawa ang Herrera Law, ang Wage Rationalization Act at iba pang mga batas at kautusan na nagbigay-daan sa rehiyunalisasyon ng pagtakda ng sahod (mula sa dating pambansang minimum na sahod), ang sistema ng kontraktwal na paggawa, ang “two-tier” na sistemang pasahod, at maraming iba pa
hakbanging anti-manggagawa.
Lahat ng anti-manggagawang mga hakbanging ito ay pabor sa layunin ng malalaking burgesyang komprador at kanilang mga kasabwat na dayong malalaking kapitalista
na humuthot at magkamal ng tubo mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Habang lumaki nang lumaki ang yaman ng mga kapitalista, dumarami naman nang dumarami
ang mga manggagawa at anakpawis na nasadlak sa kahirapan.
Ang lahat ng pangakong pagbabago at kaunlaran ng sunud-sunod na mga rehimen, mula kay Marcos hanggang sa nagdaang rehimeng Aquino, ay pawang mga salitang
pampalubag-loob lamang sa masang anakpawis. Wala pang ipinakikita ang kasalukuyang rehimeng Duterte na naiiba ito sa mga nakaraang rehimen.
Ang sumasahol nang sumasahol na kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay nagdidiin sa kawastuhan at pangangailangan para sa pambansa-demokratikong pagbabago sa lipunang Pilipino.
IKINALULUGOD NG PARTIDO na iulat sa masang manggagawang Pilipino ang matagumpay na pagdaraos ng Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas noong huling kwarto ng 2016. Sa pamamagitan ng Ikalawang Kongreso, ibayong napatatag ang Partido bilang instrumento ng uring manggagawa para sa pamumuno sa rebolusyong Pilipino.
Sa pamamagitan ng Ikalawang Kongreso nito, higit na pinatatag ang Partido at lalong pinanday ang determinasyon at kakayahan nitong pamunuan ang masang
manggagawa at buong sambayanang Pilipino sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Umiiral ang obhetibong kundisyon para ilang ulit na palakasin ng uring manggagawang Pilipino ang kanilang organisadong hanay at paigtingin ang kanilang mga pakikibaka. Madali silang napupukaw sa pangangailangang manindigan at kumilos para isulong ang kanilang interes at ang pambansa-demokratikong layunin ng buong bayan. Handa nilang harapin ang mga sakripisyo at kahirapan sa pagsisikap na ibalik at higitan ang dating lakas at labanan ang papalalang anyo
ng pagsasamantala at pang-aapi.
Sa tanglaw at inspirasyon ng Ikalawang Kongreso, puspusan nating isulong ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Hamon sa buong Partido at sa lahat ng mga
manggagawang Pilipino ang sumusunod na tungkulin:
1. Pakilusin ang milyun-milyong manggagawa sa pambansa-demokratikong rebolusyon para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na
lipunan at ihanda ang kundisyon para sa sosyalistang kinabukasan. Buklurin ang uring manggagawa sa likod ng programa ng Partido para sa pambansang paglaya mula
sa imperyalismong US at para sa panlipunang paglaya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa.
2. Puspusang mag-aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang ideolohiya ng uring manggagawa na nagtuturo ng maka-uring paninindigan, pananaw at pamamaraan.
Palaganapin ang mga sulating Marxista-Leninista tulad ng Manipestong Komunista at Sahod, Presyo at Tubo para malawakang pag-aralan ng mga manggagawa. Ilunsad
ang mga seminar at grupong talakayan para sa pag-aaral ng proletaryong ideolohiya. Isulong ang kilusang pag-aaral tungkol sa sosyalistang rebolusyon sa
okasyon ng ika-100 taon ng tagumpay ng Rebolusyong Bolshevik sa Russia ngayong Oktubre 24-Nobyembre 7 at kaakibat ng paggunita sa ika-200 taon ng kapanganakan
ni Karl Marx sa Mayo 5, 2018.
3. Malawakang rekrutin ang mga aktibistang manggagawa sa Partido Komunista ng Pilipinas. Kailangang madagdagan ng ilampung libong manggagawa ang kasapian ng Partido sa mga darating na taon upang gampanan ang papabigat na mga responsibilidad sa pamumuno sa demokratikong rebolusyong bayan.
4. Malawak na organisahin ang masang manggagawa, maging ang mga kontraktwal na manggagawa sa mga unyon bilang pangunahing sandata para ipagtanggol ang kanilang mga interes. Buuin ang samahan ng libu-libong mga manggagawa sa mga engklabo at mga pamayanang manggagawa. Isagawa ang mga imbestigasyon sa kalagayan ng mga manggagawa sa mga engklabo at iba pang empresa, ilantad ang iba’t ibang anyo ng pagsasamantala upang pag-alabin ang diwang mapanlaban.
5. Ilunsad ang mga pakikibakang manggagawa sa daan-daang mga pabrika, empresa, mga plantasyon at minahan para sa umento sa sahod at para igiit na gawing
regular ang mga manggagawang kontraktwal. Malawakang ilunsad ang mga welga at iba’t ibang anyo ng pakikibaka ng mga manggagawa para labanan ang iba’t ibang anyo ng papatinding pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa.
6. Palakasin ang sama-samang pakikibaka ng masang manggagawa para ibasura ang Herrera Law at iba pang mga batas at kautusang anti-manggagawa. Isigaw ang
pagbabasura sa kontraktwalisasyon. Ipaglaban ang pambansang minimum na sahod at igiit ang umento sa sahod. Labanan ang patakaran ng pagluluwas ng mga
manggagawa. Itaguyod ang karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawang Pilipino. Singilin ang obligasyon ng estado na tiyaking lahat ay may trabaho.
7. Pag-alabin ang patriyotismo ng masang manggagawa. Ilantad ang dominasyon ng imperyalismong US sa pulitika, militar at dayuhang patakarang panlabas. Ilantad at labanan ang mga base militar at presensya ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas at igiit ang pagbabasura sa mga tagibang na tratadong militar. Ilantad ang kontrol at pagkasangkapan nito sa AFP sa “counter-insurgency” upang supilin ang mga pwersang anti-imperyalista at gamitin ang mga kagamitang pandigmang angkat mula sa US.
8. Itaas ang kamulatang anti-imperyalista ng masang manggagawa. Ilantad at batikusin ang dominasyon ng imperyalismo sa ekonomya, sa pamumuhunan at kalakalan, at sa pagpigil nito ng kaunlaran at pagsulong. Ilantad at batikusin ang dominasyon at kontrol ng mga dayuhang malalaking kapitalista sa mga kasangkapan sa produksyon na gamit para kamkamin ang yaman ng bansa at huthutin ang supertubo mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.
9. Mahigpit na makipagkaisa sa mga pakikibakang magsasaka. Dapat maging bahagi ng araw-araw na kamulatan ng mga unyon at samahang manggagawa ang pagsuporta sa mga pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi sa masang magsasaka. Pakilusin ang libu-libong manggagawa para magtungo sa kanayunan para tumulong sa mga pakikibakang magsasaka. Dapat tuluy-tuloy na ilantad at labanan ang militarisasyon at digmang mapanupil ng AFP laban sa masang magsasaka.
10. Magrekrut ng libu-libong manggagawa para sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, ang pinakakonsentradong anyo ng batayang alyansa ng mga uring manggagawa at magsasaka. Kailangang kailangan ng lumalaki at lumalawak na BHB ang bagong mga kumander at mandirigma mula sa uring manggagawa (at petiburgesyang lungsod) upang mamuno sa papalaking mga tungkulin sa pagsulong ng digmang bayan.
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170501-mga-hamon-sa-partido-at-sa-uring-manggagawang-pilipino