Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 13, 2020):
JUNE 13, 2020
Mariing kinokondena ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDF-ST) kasama ng Sambayanang Pilipino ang niratsadang batas ng mababang kapulungan na Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA 2020) na kinopya lamang ng buong-buo sa naunang ipinasa ng Senado na SB1083.
Panukala ito ng pasista at mamamatay taong Senador na si Sen. Panfilo “Kuratong Baleleng” Lacson. Masahol pa sa Martial Law ni Marcos ang laman ng anti-terror law na ito dahil walang pakundangang sinasagasaan nito ang mga pundamental na karapatan ng mamamayan na nasusulat at isinasaad ng Konstitusyon at Saligang Batas ng Pilipinas.
Ngayong araw, sa pagdiriwang ng “ Araw ng Kalayaan”, hindi pa man naipapatupad ang ATA ay ramdam ng taong bayan ang kawalan ng Kalayaan. Walang kalayaan kung patuloy ang paglabag ng gobyernong Duterte sa batayang karapatan ng mamamayan, ang unti-unting pagkitil sa kalayaang magsalita, kalayaan sa pamamahayag at magprotesta ng sambayanan laban sa tiranikong rehimeng US-Duterte.
Bilang priority bill ni Duterte, inatasan ni Rodrigo Duterte ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) para tiyakin na ang kanyang mga tuta sa Senado at Mababang Kapulungan na agarang asikasuhin at maisabatas ang Anti-Terror Bill (ATB) sa halip na unahin ang pagsasagawa ng mga batas o mga resolusyon na may kaugnayan sa pananalasa ng pandemyang Covid-19.
Wala sa panahon ang pagpasa ng Anti-Terror Bill ni Duterte, dahil lugmok ang kalagayan ng mamamayan at hindi pa nakakaalpas sa napakalalang epekto ng bayrus na kumitil na sa 1,036 tao, nakahawa sa halos 24,175 katao at patuloy na nakakaranas ng malawak na kagutuman sanhi ng patuloy na pagpapatupad sa community quarantine na pwersahang nag-alis ng kabuhayan at trabaho sa mamamayan.
Kagaya ng inaasahan, muling ipinakita ng Kongreso (lower at upper) na sila ay pawang mga “rubber stamp” ng Palasyo. Sa Senado, makalipas ang 5 buwan ay naipasa na ang SB1083; habang sa mababang kapulungan ay agad-agad nilang winalang bahala at ibinasura ang HB6875 na kanilang sariling bersyon na naunang pinaglaanan ng talino’t panahon ng bawat-isang kongresista nang agaran na magdisisyon ang mayorya ng kongreso na gayahin at aprubahan na lamang in-toto ang SB1083. Mabilis na nakalusot sa 3rd hearing ang bill dahil kinopya lamang ang Senate version. Dahil dito, hindi na dumaan ang panukalang batas sa bicameral conference.
Sa kabila ng kabi-kabilang pagtutol dito ng ibat-ibang saray ng lipunan at ng pagdami ng mga kongresistang bumabawi sa nauna nilang boto, agaran ding ipinadala nina Sen. Tito Sotto at Rep. Allan Cayetano noong Hunyo 9 ang pinal na bersyon ng batas kay Duterte.
Atat na atat si Digong na aprubahan ang ATA upang gamitin nya sa pagsansala at pagsupil sa lumalawak na galit ng mamamayan. Batid nya na ang kanyang mga kasalanan at kriminal na kapabayaan sa mga manggagawa at sambayanan ay aani ng malakas na paglaban at malawak na protesta sa darating na panahon.
Dagdag pa dito, ultimong layunin ni Duterte na gamitin ang kamay na bakal ng batas militar para makapanatili sya sa pwesto lagpas pa sa kanyang termino sa 2022. Pinipilit gayahin at lagpasan ni Rodrigo Duterte ang ginawang taktika ni Marcos na magdeklara ng “Martial Law” para makapanatili sa poder ng pampulitikang kapangyarihan. Kaya naman mas pinasahol pa nya sa Martial Law ang kanyang bersyon ng Anti-Terrorism Act 2020 (ATA).
Inaasahang pipirmahan agad ito ni Duterte dahil sa matagal na nya itong itinutulak katuwang ang kapwa nya pasistang mga heneral na lantaran at gigil na gigil ng ipatupad ang Anti-Terror Law sa balangkas ng NTF-ELCAC upang mas gawing madugo at marahas ang pagsupil sa mga kritiko ng administrasyon. May nakuhang impormasyon mula mismo sa loob ng gobyerno ni Duterte na plano nilang isagawa ang ala-“oplan tokhang operation” sa mga kritiko ng gobyerno. Plano daw na pagpapatayin ang 100,000 aktibista, progresibo at oposisyon sa pagpapatupad ng Anti-Terror Law.
Bakit dapat malakas na tutulan ng malawak na hanay ng mamamayan ang Anti-Terrorism Act?
Maraming mga probisyon sa ATA ang lantarang wawasak sa sibil at pampulitikang karapatan ng mamamayang Pilipino na direktang bangga at nagsasalaula sa mga probisyon ng Saligang Batas ng Pilipinas. Ayon kay Ex. Supreme Court Justice Antonio Carpio, may dalawang probisyon sa ATA na bumabangga sa Saligang Batas.
Una ang paglabag sa Section-2, Article III ng 1987 Constitution na nagbibigay ng mandato na “huwes lamang” ang may otoridad na maglabas ng warrant of arrest. Habang sa ATA ang nagtatakda ng WARRANTLESS ARREST at ang binigyan ng kapangyarihan na magtukoy kung sino ang huhulihing terorista ay ang mga kinatawan ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Binubuo ang ATC ng mga uhaw sa dugo, berdugo at kilalang lansakang lumalabag sa karapatang pantao katulad nina Gen. Lorenzana (DND), Gen. Año (DILG), Gen. Esperon na National Security Adviser (kabilang din sa mga bubuo ng ATC ang Executive Secretary, bilang Chairman, Kalihim ng DOJ bilang Vice Chairman at mga Kalihim ng DOF, DFA at NICA head bilang mga myembro).
Mas pinabangis pa nito ang nilalaman ng 1973 Martial Law Constitution na nagbibigay ng otoridad sa ehekutibo na maglabas ng Arrest, Search & Seizure Order (ASSO) dahil ang mga nasa ATC ay pawang mga mamamatay tao kaya sila din ang magtatakda ng kamatayan sa mga taong tutukuyin at pagdududahan nilang terorista.
Ikalawa, sa ATA, Section 29 nakasaad ang “Detention without Judicial Warrant of Arrest” na tahasang nilalabag nito ang nakasaad sa 1987 Constitution na maglalabas lamang ng “warrant of arrest” kung mapapatunayan na may “probable cause” o nakita ng huwes na may malinaw at malakas na batayan na ang pinaghihinalaang tao ay gumawa at naisagawa nya ang krimen at nilalabag din nito ang husga ng Kataastaasang Hukuman (SC) rules 113 na nagsasaad na ang “warrantless arrest ay nangangailangan ng aktwal na pagsasagawa ng krimen.
Nakasaad din dito na pwede nilang idetine ang isang taong matutukoy nilang “terorista” sa loob ng 14 araw at extension ng 10 araw na walang isinasampang kaso sa korte. Malinaw na ang ATC ay binibigyan ng otoridad sa Section 29 ng ATA na mang-aresto at idetine ang kanilang pinaghihinalaang tao at isubject sa lahat ng torture para umamin na sila ay mga terorista o di kaya ay hindi na nila ilabas at patayin na lamang kahit pa nga hindi pa sya nakakapagkomit o nag-iisip pa lamang ng krimen.
Pangunahing nilalabag nito ang Article VII, section 18 ng Saligang Batas na nagsasabing sa loob ng 3 days, kapag wala kang naisampang kaso sa isang pinaghihinalaang naaresto ay kinakailangan mo na itong pakawalan o palayain kahit pa nga sa panahon na suspendido ang “writ of habeas corpus”.. ayon din sa Article 125 ng revised penal code, ang isang detainee ay nararapat na maiharap sa husgado sa loob ng 12 o 36 oras depende sa bigat ng kanyang nagawang kasalanan.
Kahit hindi mapatunayan na ang kanilang hinuli ay isang terorista at nakalaya ito, pwede pa ring iutos ng ATC ang house arrest, di-papayagang gumamit ng mga communication gadgets, kokontrolin ang pagkilos mo sa isang lugar lamang at maging pakikipag-usap sa ibang tao ay kinakailangang pagbawalan.
Pinasaklaw din nito ang depinisyon ng terorismo, maging ang pagsasalita na umayon sa sinasabi ng mga pinaghihinalaang terorista ay isasama rin bilang akto ng isang terorista. Kaya kapag nanawagan ng dagdag sahod ang mga terorista, ang mga simpleng manggagawa na hihingi ng dagdag sahod ay maaring ikukunsidera ding terorista.
Malaking kasinungalingan ang sinasabi ni Sen. Sotto at Lacson sa pagsasabing “wag daw tayong mangamba dahil naglagay naman sila ng safeguard para di-maabuso”. Katunayan, Inalis nila ang P500,000.00/araw na karampatang penalty sa mga kapulisan na nagkamali sa ginawang paghuli sa pinaghihinalaan nilang terorista. Kahit ang pinagyayabang ni Lacson na makukulong naman ng 10 taon ang mga kapulisan o kasundaluhan na aabuso o magkakamali ng paghuli, pero ang isang maling naakusahan ay makukulong ng minimum na 12 taon. Inalis din dito ang “requirements to check for torture” o pagpresenta sa husgado ng suspek para malaman kung Ito ay nakaranas ng physical, moral or psychological tortured.
Ayon naman kay Bishop Jose Colin Bagaforo (Natl Director of NASSA/Caritas Phils & Chairman Commission on Social Action Justice & Peace ng CBCP), ang ATA ay posibleng gamitin para targetin ang Caritas activists dahil sa pakikipaglaban nila sa karapatan at kagalingan ng mamamayan.
Dagdag pa nya, “kung ang ginagawa namin ay sasabihing terorismo, ano ang hindi?” “kung ang mga aktibista at oposisyon ay kinukunsiderang terorismo, sino ang malaya?” “kung ang gobyerno ay may kakayanang sabihing terorista ang sinuman, ano pa ang kaya nilang gawin?” Pagtatapos nya, “Activism is not Terrorism”!
Wala pa man ang Anti-Terror Law, matagal nang nakakaranas ng napakatinding panunupil at terorismo ng estado ang sambayanan sa kamay ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Sinasalamin ng kasaysayan nang impyunidad ang panunungkulan ni Duterte gamit ang kanyang mga berdugong AFP at PNP sa malawakang paglabag sa karapatang pantao ang kasalukuyang nagaganap na takot at pangamba ng mamamayan sa pagpapatupad ng Anti-Terror Law.
Sino ang makakalimot sa Double Barrel at sa pangunahing kampanya na “Oplan Tokhang” na kumitil ng halos 30,000 katao, at sa pagpapatupad ng BAHO Law na umabot ng halos 200,000 ang inaresto dahil sa paglabag dito, at nakaranas ng ibat-ibang pagpapahiya, pambubugbog at pagpatay. Halimbawa nito ang ginawa kay Ex. Cpl. Ragos, habang sa kabilang banda ay nagagawa ng mga kapulisan at kasundaluhan ang lahat ng layaw gaya ng ginawang mañanita ni Gen. Sinas at 18 pang opisyales ng PNP. Samantala, mga kapulisang hindi naman nag-obserba sa “social distancing” din ang humuli sa Cebu 8 at Piston 6, at Iligan 16, na may kapal pa ng mukhang ikaso sa mga iligal na hinuli ang paglabag sa social distancing.
Milyon-milyong pondo publiko ang ginagastos ng militar at mga trolls para malawakang isagawa ang red tagging sa mga lehitimo, legal at progresibong organisasyong masa sa pamamagitan ng social media, tri-media at paggamit ng mga eroplano at helicopter para lamang magsaboy ng kanilang polyeto ng red tagging.
Laganap ngayon ang paglalabas ng mga pekeng balita, pagdidikit sa mga Makabayan Partylist, organisasyong masa na gaya ng KMU, Bayan at maging ang ABS-CBN ay isinasangkot ng NTF-ELCAC sa armadong tunggalian na pinangungunahan ng NPA. Kahit si Sen. Tito Sotto ay pinaratangan sa kanyang twitter si Angel Locsin na mahigpit daw na tagasuporta ng NPA.
Sa Timog Katagalugan, hindi pa man naipapasa sa Senado at Kongreso ang ATB ay tuloy-tuloy na ang red tagging sa mga lehitimo at sentro ng paggawa gaya ng PAMANTIK-KMU at OLALIA-KMU na isinasagawa ng NTF-ELCAC, kaalinsabay ng panghaharas sa mga lider unyon at aktibong kasapi ng mga militanteng unyon.
Hindi mawawala ang pangamba ng mamamayan sa naganap na malawakang pag-clone sa mga FB Account ng mga indibidwal, grupo at kilalang mga personahe. Unang nagreport ng cloned FB Account ang mga estudyante ng UP Cebu na nagprotesta laban sa ATA. Posibleng gamitin nila ito sa ilang bagay gaya ng pagpost ng mga makakasira sa pangalan nila at posibleng magamit sa pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa balangkas ng BAHO at ATA. Posibleng ginagawa din ito para magamit na mga trolls upang maipagtanggol ang rehimeng US-Duterte o di kaya ay gamitin sa pagpapalaganap ng fake news upang ilipat ang pokus ng mamamayan sa kasalukuyang maiinit na usapin dahil alam ng gobyerno na ang mga Pilipino ay isa sa pinaka aktibong netizen sa buong mundo.
Lubos na nakakabahala, hindi lamang sa mga aktibista at organisasyong masa na kritikal sa gobyerno kundi maging sa simpleng mamamayan na magpapahayag lamang ng kanilang pagkadismaya o opinyon publiko. Wala pa man ang ATL ay matinding karahasan at panunupil na ang nararanasan ng sambayanan.
Mas masahol ang nararanasan sa kanayunan at malalayong barangay, di-hamak na mas marahas at mapanupil ang ginagawa ng AFP at PNP, regular na ginagawa ang walang humpay na pagbomba gamit ang 105 mm howitzers at air assets (helicopter/jet fighter) sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo, pagpatay sa mga aktibista at kasapi ng mg organisasyong masa.
Ano ang epekto ng Anti-Terror Law sa mga manggagawang Pilipino?
Sa buhay na karanasan ng manggagawa sa TK, wala pa man ang ATA ay itinuturing na ng AFP at PNP na terorista sa tuwing may isinasagawang pagwewelga ang manggagawa. Ito ay kahit pa nakasaad at nabibilang sa pundamental na karapatan ito ng manggagawa.
Kung gayon, mas magiging mas mura at siil ang paggawa sa bansa dahil sa ATA 2020. Sa kasalukuyan, bagsak na bagsak na ang kabuhayan at napakatinding kahirapan ang nararanasan ng mga manggagawa dulot ng kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan na sinusuhayan ng tuloy-tuloy na paglala sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Mas lumala pa ang kalagayan ng manggawang Pilipino dulot ng usad kuhol na pagtugon ni Duterte sa pananalasa ng pandemyang Covid-19 na pinasahol pa dahil sa militaristang solusyong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Dagdag pahirap at pighati ang idudulot ng Anti-Terror Act (ATA) sa mga mangggawa at Sambayanang Pilipino, lalo nitong itutulak palalim sa kumunoy ng kahirapan ang masang anakpawis na lubos nang nakaranas ng napakalalang kagutuman. Patunay ang datos na umabot nang 4.2 milyong pamilya o 21 milyong katao ang nakakaranas ng napakatinding kagutuman ayon sa sarbey ng SWS. Ang 16.7 porsyento ay pinakamataas na tantos ng kagutuman simula noong 2014 na nakapagtala ng 22 porsyento noon. Sa sarbey na ito, umabot ng 699,000 pamilya o 3,495,000 katao ang nakaranas ng napakatinding kagutuman sa gitna nang may nakalaan namang pondo na P275B para sana sa ayuda sa mga pinakamahirap na mamamayan pero patuloy na iniipit ng korap at pasistang kalihim ng DSWD na si Gen. Bautista.
Habang umabot naman sa record breaking na 7.3 milyon manggagawa ang nawalan ng trabaho ayon sa sarbey ng PSA. Hindi pa rin tapos ang nagaganap na tanggalan, dadami pa ang mawawalan ng trabaho dahil sa ginawa ni Sec. Bebot Bello ng DOLE na paglalabas ng DOLE Labor Advisory #17. Nilalaman nito ang flexible work arrangement o pagpapatupad ng pagbabawas ng manggagawa, pagsasarado, tanggalan at flexible wages (pagbabawas ng sahod at benepisyo) sa panahon ng Covid-19, basta ireport lamang ito ng mga kapitalista sa kanilang mga pangrehiyong tanggapan.
Mas magiging laganap ang pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa, dahil imbes na maipaglaban nila ito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos o welga ay mapipigilan dahil sa ATA. Kung dati, ay nakakuha ng dagdag sahod o di kaya ay nakakabalik ang mga manggagawa sa trabaho dahil sa mahusay na paggamit ng SSP laban sa pakana ng kapitalistang malawakang magtanggal, magagamit na nila ngayon ang probisyon sa ATA at maituturing na terorista ang mga kawawang manggagawang nag-eehersisyo ng karapatang magwelga.
Sa pananalasa ng mga neoliberal na patakaran at malawakang tanggalan, agarang nakakapaglunsad ng SSP ang mga manggagawa, sa ngayon hindi na basta-basta makakapag-lunsad ng sama-samang pagkilos ang mga manggagawa para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan na niyuyurakan ng mga kapitalista dahil sa ATA. Kapag nadeklarang economic sabotage ang ginagawa ng unyon o mga manggagawa ay posible na itong pumasok sa pagiging terorista lalo na kapag idiniklarang mahalaga at esensyal ang produkto ng kapitalista. Dahil dito, ibayo pang panunupil at militarisasyon sa kilusang paggawa ang mararanasan sa rehiyon ng Timog Kagalugan na sentro ng militarisasyon sa kilusang paggawa sa kasalukuyan.
Kahit nga nasa panahon ng Covid-19, hindi naman huminto ang AFP at PNP sa ginagawa nitong panunupil at karahasan sa mga manggagawa, unyon at pangrehiyong sentro ng paggawa sa rehiyon. Sunod-sunod ang mga naitalang harasment sa mga manggagawa ng Coca Cola, halos araw-araw ay binabahay-bahay ng militar at kapulisan ang mga aktibong opisyales at kasapi ng unyon para pwersahin na pekeng pasukuin bilang kasapi ng NPA. Katuwang ang kapitalistang Coke, pinapayagan nya ang mga militar na maglabas-masok sa planta, kapural din ang chief security officer ng pabrika.
Halos kaalinsabay ng pagkakapasa ng ATA sa kongreso, nagpapatuloy pa rin ang harasment sa mga lider manggagawa, ginigipit din ng mga sundalo ang kapitan ng Barangay Pulo para palayasin ang opisina ng Workers Center sa ipinagawang building ng Anakpawis Partylist doon.
Ipinapakita ng agarang pagpapasa ng ATA ang desperasyon ng rehimeng US-Duterte para magdagdag ng sandata laban sa lumalawak na diskontento at sosyal na pag-aalburuto ng mamamayan dahil sa kainutilan, usad kuhol na pagtugon sa mga problemang kinasasdlakan ng bayan at matinding panunupil. Ngunit kagaya ng karanasan sa Martial Law ni Marcos, hinding hindi magtatagumpay ang tiranikong rehimen sa layunin nyang gapiin ang pakikibaka ng sambayanan bagkus ito ang magtutulak para tahakin ng sambayanang lumalaban ang landas ng armadong pakikibaka dahil sa nararanasan nilang matinding kalupitan.
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!!!
https://cpp.ph/statement/anti-terror-law-isinabatas-ni-duterte-para-sa-ibayong-terorismo-ng-estado/