Sunday, June 11, 2023

CPP/NDF-Mindoro: Palayain si Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado! Panagutin ang 203rd Brigade sa pandarahas nito sa mga sibilyan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 11, 2023): Palayain si Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado! Panagutin ang 203rd Brigade sa pandarahas nito sa mga sibilyan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao! (Free Mary Joyce Lizada and Arnulfo Aumentado! Hold the 203rd Brigade accountable for its violence against civilians and human rights defenders!)
 


Ma. Patricia Andal
Spokesperson
NDF-Mindoro
National Democratic Front of the Philippines

June 11, 2023

Kinukondena ng NDFP – Mindoro ang patuloy na panggigipit kina Mary Joyce Lizada at Arnulfo “Ompong” Aumentado, mga volunteers ng grupong Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubo sa isla ng Mindoro. Iligal silang dinakip at inaresto noong Abril 26, higit isang buwan na ang nakakaraan, sa Sityo Buol, Brgy. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Ang iligal na pag-aresto ay naganap habang sila ay nagsasagawa ng panlipunang pananaliksik sa pinsalang dulot ng oil spill at ang epekto nito sa kalagayan ng mga katutubong Mangyan lalo na sa pamayanan nilang malapit sa aplaya at nagsisilbing sekundaryong hanapbuhay at pinagkukunan ng pagkain ang aplaya at karagatan.

Upang pagmukhaing lehitimo ang pag-aresto, tinaniman sila ng baril at ibinalandra bilang mga matataas na opisyal ng NPA. Ilang araw lamang matapos ang iligal na pag-aresto ay bininbin na sila sa Camp Capinpin Army Station Hospital upang diumano ipakita ang “pagmamalasakit” ng gobyerno sa kapakanan ng dalawang nakabinbin. Subalit ang “pagmamalasakit”na ito ay sa katunayan tabing lamang sa iligal na detensyon sa kampo military. Hanggang ngayon, patuloy pa din ang iligal na pagdetine sa kanila kahit wala pa ring malinaw na kasong isinasampa sa kanila gayong lampas isang buwan na silang iligal na nakadetine sa 2nd ID Headquarters.

Garapalan ang iligal na pagbibinbin na ito sa dalawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubong Mangyan. Itinanggi pa sa mga kapamilya kung nasaan ang mga ito, na kaya lamang nasunson sa Camp Capinpin ng pamilya dahil sa tulong na ibinigay ng mga tagabayan ng Mansalay, Oriental Mindoro. Nakailang araw pa bago nasunson ang dalawa kaya sa buong panahong ito ay ipinagkait din sa kanila ang karapatang makaugnay sa abogado. Nang iharap si Mary Joyce sa mga kapamilya at abogado, nakitaan siya ng indikasyon ng pagpapahirap at tortyur samantalang si Ompong Aumentado ay hanggang sa sinusulat ito hindi pa ipinakausap sa kanyang abogado at pamilya.

Sa pagtrato sa kanila na waring mga hostage sa loob ng kampo, ipinagkait sa kanila ang “right to due process”. Isa na namang patunay ito ng pag-iral ng pangil ng pasismo at bangis ng ilehitimo, pahirap at papet na rehimeng US-Marcos II at kanyang mga galamay na AFP-PNP. Binabaluktot mismo ng mga ito ang Saligang Batas ng reaksyunaryong gubyerno alang-alang sa paglulunsad ng kanilang hibang na gyera kontra sa mamamayan sa ngalan ng anti-terorismo

Sina Lizada at Aumentado ay kabilang sa humahabang listahan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Mindoro at sa bansa na walang-awang biniktima at inakusahan ng pasistang estado dahil sa kanilang adbokasiya at adhikain. Kaisa ang NDFP-Mindoro sa panawagan ng mamamayan at kilusang magsasaka’t katutubo na kagyat silang palayain. Dapat patuloy na itulak ang pasistang 2nd ID na panagutan ang kanilang krimen laban kay Lizada at Aumentado. Itambol ng mamamayan ang panawagan para sa pagpapalaya kina Lizada at Aumentado, kasama ang 169 pang bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan sa bansa!

Sa patuloy na pagsidhi ng kampanyang supresyon sa mamamayang Mindoreño at sambayanang Pilipino, nananatiling wasto ang pagtahak sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba upang baguhin ang kasalukuyang bulok at bangkaroteng sistemang umiiral. Ang tagumpay ng rebolusyon lang ang maglilikha ng isang lipunang makatarungan at kumikilala sa batayang karapatan ng mamamayan.

Palayain ang Mansalay 2!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!###

https://philippinerevolution.nu/statements/palayain-si-mary-joyce-lizada-at-arnulfo-aumentado-panagutin-ang-203rd-brigade-sa-pandarahas-nito-sa-mga-sibilyan-at-tagapagtaguyod-ng-karapatang-pantao/

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Huwag waldasin ang pera ng bayan sa pensyon ng mga papet at pasistang sundalo’t pulis

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 11, 2023): Huwag waldasin ang pera ng bayan sa pensyon ng mga papet at pasistang sundalo’t pulis (Don't waste public money on the pension of puppets and fascist soldiers and police)
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

June 11, 2023

Panahon nang tigilan ang pagsusustento ng reaksyunaryong estado sa pensyon ng mga nagretirong tauhan ng AFP-PNP gamit ang pera ng bayan. Hindi makatarungan na ang pondong tinipon mula sa pawis at dugo ng mamamayan ay gagamitin na mistulang pabuya para sa mga pasistang nag-“serbisyo” sa imperyalismo at lokal na naghaharing uri. Lalo itong hindi katanggap-tanggap ngayong binabata ng sambayanan ang napakatinding krisis pang-ekonomiko at pinagtitiisan ang mumong pondo na inilalaan ng gubyerno sa serbisyong panlipunan at ayuda sa kabuhayan.

Daig pa ng AFP-PNP ang linta na walang konsensyang humihigop sa pondo ng bayan. Nakakalula ang P273 bilyon na apropriyasyon ng Kongreso para sa pensyon ng 137,649 na sundalo’t pulis ngayong taon. Malaking kalamangan ito kaysa sa badyet ng Department of Social Welfare and Development (P197 bilyon) na ginagamit sa relip at ayuda. Ang masahol pa, buu-buong ibinibigay ang pensyon sa mga unipormado dahil hindi ito sinisingil mula sa kanilang sahod noong sila’y nasa serbisyo pa. “Espesyal” ang mga sundalo’t pulis samantalang ang lahat ng kawani ng gubyerno ay awtomatikong kinakaltasan para sa kanilang pension fund sa pamamagitan ng GSIS.

Labas pa sa pensyon, nakakarimarim na napupunta sa sweldo ng mga kasalukuyang nasa serbisyo ng AFP-PNP ang daan-daang bilyong pisong pinaghirapan ng bayan. Halos ubusin ng pinalaking sahod ng mga militar at pulis ang badyet ng Department of National Defense—nasa ₱29,668 ang tinatanggap ng bagong pasok na sundalo samantalang nasa ₱43,829 ang sahod ng pinakamababang ranggong opisyal. Sa ganitong kwentahan hindi nakapagtataka na laging isa ang DND sa tumatanggap ng pinakamalaking tipak ng pondo. Patuloy pa itong lalaki hangga’t tuluy-tuloy ang pagrerekrut ng bagong sundalo’t pulis para gamitin sa hibang na kontra-rebolusyonaryong gera. Itutulak din ng pagtaas ng sahod ang pagpapalaki sa pensyon dahil sa patakarang itinataas ang ranggo ng mga nagreretiro at doon ibinabatay ang tatanggapin nilang pensyon.

Sa sobrang laki ng kinakailangang pera para imantine ang pensyon at sahod ng AFP-PNP ay kinukunsidera pa ng gubyernong umutang para lang matugunan ito. Ayon sa Department of Finance, kakailanganing manghiram ng ₱3.43 trilyon hanggang 2030 para bayaran ang pensyon. Sobra nang ipapasan pa sa mamamayan ang bigat ng pagbabayad sa utang para lang magtuluy-tuloy ang pensyon ng AFP-PNP.

Animong mga anak ng diyos ang mga sundalo’t pulis na kumokopo ng pinakamalaking pondo at pagkatapos magretiro sa maagang edad na 56 ay mayroon pang tatanggaping malaking pensyon. Tinatamasa nila ang ganitong pabor dahil gusto silang silawin ng mamamatay-taong estado upang patuloy na magpakasangkapan sa brutal na gera laban sa mamamayan. Sinasamantala ng estado ang napakahirap na kalagayan para akitin ang mamamayan na magparekrut sa AFP-PNP. Gamit ang malaking sahod, pensyon at iba pang benepisyo, itinatali ang mga unipormadong tauhan sa kanilang maruming trabaho na pang-aatake sa mga sibilyan, panunupil sa mga sibil-pulitikal na karapatan at pambubulabog at pambobomba sa mga komunidad. Sa tunay na makatarungang lipunan, ang ganitong mga gawain ay hindi sinusuklian ng mataas na sweldo, bagkus, ito’y mga krimen na nilalapatan ng karampatang parusa.

Habang binubusog ang mga pasista, ginugutom ang ibang sektor ng lipunan at ibang pampublikong empleyado. Hindi man lang sila makatikim ng makatarungang taas-sahod sa gitna ng napakataas na implasyon! Nagkukuripot ang reaksyunaryong gubyerno sa sahod ng mga guro, nars at iba pang kawani nito, habang nagbibingi-bingihan sa panawagang taas-sahod ng mga nasa pribadong sektor. Kung hindi matiyak ang maayos na sahod, lalong hindi aasahan na mapagkakalooban ang mga karaniwang manggagawa at kawani ng pensyon.

Sa ganito, sinusuportahan ng MGC-NPA ST ang namumuong panawagang ipatigil na ang espesyal na kaayusan sa pensyon ng mga unipormadong tauhan ng gubyerno. Malaking bagay ang pagsusulong ng reporma sa pensyon ng AFP-PNP tulad ng panukalang kunin ang 5-9% ng sahod ng mga unipormado para sa kanilang pensyon at pagtigil sa awtomatikong promosyon kapag nagretiro. Dapat na ring itigil ang pagpaparami ng sundalo’t pulis. Dagdag lang na pabigat sa bayan ang ipapasahod sa mga pasista na perwisyo naman sa mga komunidad. Ang matitipid na pondo mula sa mga hakbanging piskal na ito ay dapat ilaan sa kagyat na panawagan at pangangailangan ng bayan tulad ng suporta sa kabuhayan, serbisyong panlipunan at ayuda para sa mga walang-wala at sinalanta ng kalamidad.

Kung tutuusin, panimula at bahagya pa itong mga hakbangin kung susuriin ang pangkabuuang sistematikong pagwawaldas ng pera ng estado sa AFP-PNP at sa gastusing militar. Nakaugat na sa loob ng pasistang institusyon ang pangungulimbat ng pondo ng gubyerno ng matataas na heneral at tumatagos hanggang sa pinakamababang antas ng kumand ng AFP-PNP ang kurapsyon. Kwentado na sa mga transaksyon tulad ng pagbili ng mga armas at konstruksyon ng mga pasilidad militar ang kikbak para sa mga opisyal. Pati allowance at benepisyo ng mga rank and file na sundalo’t pulis ay pinag-iinteresan ng mga ito at ninanakaw. Bukod sa mga ito, nangongolekta pa ang mga heneral ng kanilang kabahagi mula sa mga anti-sosyal na organisasyon at mga krimen. Notoryus ang mga sundalo’t pulis sa pangongotong, pagnanakaw ng ari-arian ng masa, pagpapaupa para pumatay at iba pang iligal na negosyo. Magtataka pa ba tayo kung bakit hindi mapuksa ang krimen at kurapsyon sa bayan? Mismong ang mga walang kabusugang pasista ang pasimuno ng pang-aapi, pandarahas at pagnanakaw sa mamamayan.

Hindi maipagkakaila ninuman ang sobrang pagkabulok ng AFP-PNP. Wala na itong katubusan at kailangang wasakin kasama ng malapyudal at malakolonyal na sistema na nagpasibol dito.###

https://philippinerevolution.nu/statements/huwag-waldasin-ang-pera-ng-bayan-sa-pensyon-ng-mga-papet-at-pasistang-sundalot-pulis/

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: 7 sundalo ng 91st IB, KIA sa armadong aksyon ng BHB-Aurora

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 11, 2023): 7 sundalo ng 91st IB, KIA sa armadong aksyon ng BHB-Aurora (7 soldiers of 91st IB, KIA in armed action of NPA-Aurora)
 





June 11, 2023

Pitong tropa ng 91st IB ang killed-in-action o napatay sa armadong pagsalakay na isinagawa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Aurora sa kabundukan ng Barangay Diteki, San Luis, Aurora noong Hunyo 9 ng umaga. Kasunod ito ng naunang pag-atake ng BHB laban sa parehong yunit noong Hunyo 3 sa Barangay Punglo, Maria Aurora kung saan dalawang sundalo ang napatay.

Kabilang sa mga sundalong napatay si Corporal Noel F. Caya. Itinanggi ng 91st IB ang iba pang nasawi sa mga labanan.

Ayon sa yunit ng BHB, ang mga armadong aksyon na ito ay isang anyo ng pagkamit ng rebolusyonaryong hustisya ng masang magsasaka sa Aurora laban sa mga abusadong sundalo.

Labis-labis ang reklamo ng mga residente sa lugar dahil isang linggo na silang pineperwisyo ng mga sundalo, kabilang ang pagbabawal sa kanila na maghanap-buhay. Pinagbawalan din silang magpunta sa kanilang mga kaingin at hinaharang ang kanilang mga pinamili.

Bantog ang 91st IB sa mga kaso ng panghuhuli at panggigipit sa maliliit na mag-uuling at maghahalaman sa gubat. Mayroong mga kaso na iligal na sinasamsam ng mga sundalo ang pinaghirapang mga produkto ng mga magsasaka at ibinebenta para pagkakitaan ang mga ito.

Pinapaboran din nila ang mga may kakayahang mag-abot ng “lagay” habang pinagbabantaan at ikinukulong ang mga walang kakayahan.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/7-sundalo-ng-91st-ib-kia-sa-mga-armadong-aksyon-ng-bhb-aurora/

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Magsasaka, pinatay ng 9th ID sa Albay

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 11, 2023): Magsasaka, pinatay ng 9th ID sa Albay (Farmer, killed by 9th ID in Albay)
 





June 11, 2023

Nanawagan ng hustisya ang mga kaanak ng magsasakang si Zaldy Cañaveral, 40, na binaril at pinatay ng mga sundalo ng 9th ID noong Mayo 24. Si Cañaveral ay nasa kanyang maisan sa Barangay Busac, Ligao City, Albay nang barilin siya ng mga sundalo.

Para pagtakpan ang karumal-dumal na krimen, pinalalabas ng mga sundalo na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Cañaveral. Ayon sa ulat, binihisan pa ng uniporme ng sundalo at nilagyan ng isang M16 ang kanyang bangkay para palabasing napaslang siya sa isang engkwentro.

Pinasubalian ni Ka Florante Orobia, tagapagsalita ng BHB-Albay, ang sinasabi ng militar na nagkaroon ng engkwentro sa lugar. Aniya, walang yunit ng BHB sa lugar nang maganap ang kanilang ‘palabas’.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo at dalawa sa katawan ang biktima. Labis ang hinagpis ng mga kaanak ni Cañaveral sa kanyang pagkamatay. “Lalabas kaya iyong katotohanan dito o kakalimutan nang lahat…rest in peace na lang sa ninong ko,” post sa social media ng inaanak ng biktima.





Kilala siya sa kanyang mga kababaryo bilang “Pai Andy.” Pinasubalian nila ang pahayag ng militar na myembro siya ng BHB.







Salaysay pa ng isang kaanak sa kanyang post, “sibilyan po ang pinatay nila…hindi po NPA.” Umapela rin siya sa publiko na sana ay mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Cañaveral.





Matapos ang brutal na insidente, ipokritong nanawagan ang militar sa mga “rebelde” na “magbalik-loob…para sa pagkakataon na magkaroon ng mapayapa at bagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.”

Umapela naman ang BHB-Albay sa mga kagawad ng midya na “maging mapagtuklas sa katotohanan ng inyong mga balita at hindi dapat umaayon lamang sa iskrip ng inyong mga station manager o ng sinuman na mas mataas sa inyo.”

https://philippinerevolution.nu/angbayan/magsasaka-pinatay-ng-9th-id-sa-albay/

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: 6 na armadong aksyon, inilunsad ng BHB sa Bicol

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 11, 2023): 6 na armadong aksyon, inilunsad ng BHB sa Bicol (6 armed actions, launched by the NPA in Bicol)
 





June 11, 2023

Magkakasunod na armadong aksyong ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol sa nagdaang tatlong araw. Ayon sa mga yunit ng BHB, ang mga atritibong aksyon na ito ay bahagi ng pagbibigay-hustisya sa mamamayang biktima ng militarismo at pasistang paninibasib ng militar sa mga prubinsya ng rehiyon.

Magkasabay na operasyong harasment ang inilunsad kahapon nang umaga ng BHB-Albay laban sa dalawang detatsment ng militar. Inilunsad ng isang yunit ang operasyong haras sa detatsment ng CAFGU sa Barangay Pantao, Libon. Sinundan ito ng isa pang harasment sa detatsment ng mga paramilitar sa Barangay Cuyaoyao, Pio Duran.

Kahapon din, isinagawa ng mga Pulang mandirigma sa Camarines Sur ang tatlong armadong aksyon laban sa mga kampo ng 81st IB. Ayon sa kanila, matagal nang inuokopa ng mga tropang militar ang lugar.

Bandang 12:20 ng madaling araw, inilunsad ng mga Pulang mandirigma ang magkasunod na operasyong harasment sa mga detatsment sa Barangay Inoyunan sa bayan ng Bula sa ganap na alas-12:20 ng madaling araw. Sinundan ito ng pag-atake ng isa pang yunit sa detatsment ng militar sa Barangay Cambalidio, Libmanan bandang alas-12:30 ng madaling araw.

Operasyong isnayp naman ang inilunsad ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Calabnigan sa parehong bayan laban sa yunit-militar na nagsasagawa ng Retooled Community Service Program.

Sa Camarines Norte, tatlong sundalo ang kumpirmadong kaswalti sa atake ng BHB laban sa 9th IB sa Purok 5 ng Barangay Canapawan, Labo noong Hunyo 8.

Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang isang tim ng mga sundalo papalapit sa kanilang binabasehan nang ala-1 ng madaling araw. Tumagal lamang nang 15 minuto ang sagupaan pero nagpaputok at nagpasabog ang mga sundalo hanggang alas-3 ng umaga. Ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/6-na-armadong-aksyon-inilunsad-ng-bhb-sa-bicol/

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: NDFP, di nagulat sa kontra-kapayapaang tindig ng bagong kalihim sa depensa

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 10, 2023): NDFP, di nagulat sa kontra-kapayapaang tindig ng bagong kalihim sa depensa (NDFP, not surprised by the anti-peace stance of the new defense secretary)
 





June 10, 2023

Hindi nagulat ang National Democratic Front of the Philuppines (NDFP) sa pahayag ni Gilbert Teodoro, bagong talagang kalihim sa depensa ng rehimeng US-Marcos, laban sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gubyerno ng Pilipinas.

“Ang personal kong tindig ay “hindi.” Matagal ko nang pusisyon yan, noong araw pa,” tugon ni Teodoro nang tanungin siya sa posilibidad ng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Tinawag pa niyang “subersyon” ng prosesong demokratiko ang pakikipagnegosasyon sa NDFP.

“Hindi na nakagugulat na si Sec. Gibo Teodoro ay matagal nang tutol sa usapang pangkapayapaan sa NDFP,” ayon kay Julie de Lima, interim na tagapanguno ng NDFP negotiating panel. “Nanggaling nga naman siya sa parehong grupo ng mga manunulsol ng gera na nagsilbi sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo at sumuporta sa kriminal-sa-digma na si Jovito Palparan.”

Dati nang nagsilbing kalihim ng depensa si Teodoro sa ilalim ng rehimeng Arroyo mula 2007 hanggang 2009. Sa panahong ito, nagsilbi siyang pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Bantay Laya, isa sa pinakamadugong kampanyang kontra-rebolusyonaryo ng reaksyunaryong estado.

Ayon sa grupong Karapatan, sa loob ng dalawang taong nagsilbing kalihim si Teodoro ni Arroyo, naisadokumento ng grupo ang 24 kaso ng sapilitang pagkawala, 20 kaso ng pagdukot, 99 kaso ng pagtortyur, 456 iligal na pang-aareso at 164 iligal na pang-aaresto at detensyon. Gayundin, nakapagtala ito ng 117,133 idibidwal na mga biktima ng walang pakundangang pamamaril, 148,044 biktima ng pwersahang pagbabakwit, at 9,154 biktima ng hamletting. Sa ilalim ni Teodoro, ginamit para sa mga layuning militar ang mga eskwelahan, klinika, simbahan at iba pang sibilyang imprastruktura, na labag sa internasyunal na makataong batas.

“Inuulit namin ang pusisyon ng NDFP na nananatiling bukas sa negosasyong pangkapayapaan. Pero kasabay nito, wala kaming nakikitang mga palatandaan na handa ang kasalukuyang adminstrasyon na likhain ang kinakailangang mga kundisyon para maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan,” paglilinaw ni de Lima. Balakid rin sa paglikha ng mga kundisyong ito ang patuloy na presensya at panghihimasok ng militar ng US, aniya.

“Habang laging handa ang rebolusyonaryong kilusan para makipag-usapang pangkapayapaan sa GRP, isusulong namin ang digmang bayan para ipagtanggol ang mamamayang Pilipino laban sa mas brutal na pasistang pang-aatake at interbensyong militar ng US na nakikinita naming iigting sa ilalim ng bagong talagang hepe ng DND,” ayon kay de Lima.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/ndfp-di-nagulat-sa-kontra-kapayapaang-tindig-ng-bagong-kalihim-sa-depensa/