Sunday, June 11, 2023

CPP/NDF-Mindoro: Palayain si Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado! Panagutin ang 203rd Brigade sa pandarahas nito sa mga sibilyan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 11, 2023): Palayain si Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado! Panagutin ang 203rd Brigade sa pandarahas nito sa mga sibilyan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao! (Free Mary Joyce Lizada and Arnulfo Aumentado! Hold the 203rd Brigade accountable for its violence against civilians and human rights defenders!)
 


Ma. Patricia Andal
Spokesperson
NDF-Mindoro
National Democratic Front of the Philippines

June 11, 2023

Kinukondena ng NDFP – Mindoro ang patuloy na panggigipit kina Mary Joyce Lizada at Arnulfo “Ompong” Aumentado, mga volunteers ng grupong Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubo sa isla ng Mindoro. Iligal silang dinakip at inaresto noong Abril 26, higit isang buwan na ang nakakaraan, sa Sityo Buol, Brgy. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Ang iligal na pag-aresto ay naganap habang sila ay nagsasagawa ng panlipunang pananaliksik sa pinsalang dulot ng oil spill at ang epekto nito sa kalagayan ng mga katutubong Mangyan lalo na sa pamayanan nilang malapit sa aplaya at nagsisilbing sekundaryong hanapbuhay at pinagkukunan ng pagkain ang aplaya at karagatan.

Upang pagmukhaing lehitimo ang pag-aresto, tinaniman sila ng baril at ibinalandra bilang mga matataas na opisyal ng NPA. Ilang araw lamang matapos ang iligal na pag-aresto ay bininbin na sila sa Camp Capinpin Army Station Hospital upang diumano ipakita ang “pagmamalasakit” ng gobyerno sa kapakanan ng dalawang nakabinbin. Subalit ang “pagmamalasakit”na ito ay sa katunayan tabing lamang sa iligal na detensyon sa kampo military. Hanggang ngayon, patuloy pa din ang iligal na pagdetine sa kanila kahit wala pa ring malinaw na kasong isinasampa sa kanila gayong lampas isang buwan na silang iligal na nakadetine sa 2nd ID Headquarters.

Garapalan ang iligal na pagbibinbin na ito sa dalawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubong Mangyan. Itinanggi pa sa mga kapamilya kung nasaan ang mga ito, na kaya lamang nasunson sa Camp Capinpin ng pamilya dahil sa tulong na ibinigay ng mga tagabayan ng Mansalay, Oriental Mindoro. Nakailang araw pa bago nasunson ang dalawa kaya sa buong panahong ito ay ipinagkait din sa kanila ang karapatang makaugnay sa abogado. Nang iharap si Mary Joyce sa mga kapamilya at abogado, nakitaan siya ng indikasyon ng pagpapahirap at tortyur samantalang si Ompong Aumentado ay hanggang sa sinusulat ito hindi pa ipinakausap sa kanyang abogado at pamilya.

Sa pagtrato sa kanila na waring mga hostage sa loob ng kampo, ipinagkait sa kanila ang “right to due process”. Isa na namang patunay ito ng pag-iral ng pangil ng pasismo at bangis ng ilehitimo, pahirap at papet na rehimeng US-Marcos II at kanyang mga galamay na AFP-PNP. Binabaluktot mismo ng mga ito ang Saligang Batas ng reaksyunaryong gubyerno alang-alang sa paglulunsad ng kanilang hibang na gyera kontra sa mamamayan sa ngalan ng anti-terorismo

Sina Lizada at Aumentado ay kabilang sa humahabang listahan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Mindoro at sa bansa na walang-awang biniktima at inakusahan ng pasistang estado dahil sa kanilang adbokasiya at adhikain. Kaisa ang NDFP-Mindoro sa panawagan ng mamamayan at kilusang magsasaka’t katutubo na kagyat silang palayain. Dapat patuloy na itulak ang pasistang 2nd ID na panagutan ang kanilang krimen laban kay Lizada at Aumentado. Itambol ng mamamayan ang panawagan para sa pagpapalaya kina Lizada at Aumentado, kasama ang 169 pang bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan sa bansa!

Sa patuloy na pagsidhi ng kampanyang supresyon sa mamamayang Mindoreño at sambayanang Pilipino, nananatiling wasto ang pagtahak sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba upang baguhin ang kasalukuyang bulok at bangkaroteng sistemang umiiral. Ang tagumpay ng rebolusyon lang ang maglilikha ng isang lipunang makatarungan at kumikilala sa batayang karapatan ng mamamayan.

Palayain ang Mansalay 2!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!###

https://philippinerevolution.nu/statements/palayain-si-mary-joyce-lizada-at-arnulfo-aumentado-panagutin-ang-203rd-brigade-sa-pandarahas-nito-sa-mga-sibilyan-at-tagapagtaguyod-ng-karapatang-pantao/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.