Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 30, 2020): Bukas na liham sa mga kagawad ng midya at artista ng bayan
MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 30, 2020
Para sa mga kagawad ng midya sa Kabikulan,
Kritikal ang papel ng mga kagawad ng midya sa panahong lalong pinaiigting ng rehimeng US-Duterte ang pagpapatupad ng batas militar sa buong bansa. Walang humpay ang pang-aatake sa malayang pamamahayag upang busalan at pigilan ang nagkakaisang tinig ng mamamayan laban sa pagpapalawak ng kapangyarihan ng pangkating Duterte at kanyang mga militaristang alipures. Hene-henerasyon ng mga Pilipinong mamamahayag, mula pa sa panahon ng kolonyalismong Espanyol hanggang sa kasalukayan, ang nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay upang patatagin ang pundasyon ng malayang pamamahayag. Kung kaya’t mahalaga ang papel ng institusyon ng midya at tapat na mga kagawad nito sa pagtatanggol at pagpapanday ng isang tunay na demokratikong lipunan.
Nakababahala ang sunud-sunod na pag-atake sa mga kapwa ninyong kagawad ng midya nitong mga nakalipas na buwan. Nauna nang ipasara ng pasistang rehimen ang ABS-CBN kung saan puu-puong libong manggagawa ang nawalan ng trabaho kabilang na ang mga nakadestino rito sa rehiyon. Noong pumasok ang Hulyo, inaresto naman si Ramil Soliveres, isang mamamahayag sa Catanduanes. Nitong Setyembre 14, pinaslang si Jobert ‘Pulpog’ Bercasio ng Balangibog TV matapos maglabas ng pahayag tungkol sa iligal na quarry sa Bulan, Sorsogon. Siya na ang ika-17 kagawad ng midyang pinaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Sa sumunod na araw, inaresto naman sina Rommel Ibasco Fenix, Virgilio Avila, Jr., Nolito Banaria, Irene Cambronero at Bernie Patiag sa kasong cyberlibel na sinampa ni Gov. Edgar ‘Egay’ Tallado. Milyun-milyon ang itinakda ng korte para sa kanilang pyansa. Kasalukuyang nakararanas din ng panghaharas ang broadcaster ng isang malaking istasyon ng radyo sa Camarines Sur at Albay at iba pang community journalists at alternative media.
Ang anumang lipunang nagnanais ng tunay na demokrasya ay nangangailangan ng mga kritikal na mamamahayag na maninindigan para sa ikabubuti nang karamihan sa lahat ng pagkakataon. Bilang bahagi ng lupon ng mga lingkod bayan, tungkulin ng bawat tapat sa bayang kagawad ng midya ang pagpanig sa inaapi’tpinagsasamantalahan. Ang bulag na pagsunod at pag-ulit ng propaganda ng kaaway ng mamamayan, ang pananahimik at hindi pagtutol sa pang-aatake sa sambayanan ay katumbas ng pagpanig sa mga nanunupil.
Higit kailanman, kinakailangan ng malakas na pagkakaisa ng lahat ng kagawad at institusyon ng midya upang labanan ang lahat ng nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayan. Tiyak kaming kayo rin ay hapo sa mga dose-oras na shift, sa binabarat ninyong sahod at kawalang katiyakan dahil sa kontraktwalisasyon.
Ang pagkakaroon ng pambihirang pagkakataong maging mata, boses at tenga ng sambayanan ay higit pa sa isang trabaho, personal na karera o propesyon. Kaakibat nito ang responsibilidad na bigyan ng boses ang mga piniringan at binusalan ng pasistang estado. Huwag kayong mag-alala o matakot – hindi nakalilimot ang sanlaksang mamamayan at sasamahan nila kayo sa bawat hakbang sa pakikibaka para sa kalayaan at katarungan.
Nananawagan ang NDF-Bikol at buong rebolusyonaryong kilusan sa mga kilalang institusyon ng midya sa Kabikulan – sa Brigada FM (Brigada Naga, BrigadaTechnical Sorsogon), Bombo Radyo (Bombo Naga, Bombo Radyo Legazpi, BOMBO RADYO PHILIPPINES), Inquirer (INQUIRER.net), Baretang Bikolnon (Baretang Bikolnon Online), Zagitsit FM ( Zagitsit NewsFm, Z100.3 Zagitsit News FM), DZAU (Dzau Amradio), Bicol Mail (BICOL MAIL, Bicol Mail), Sigaw FM (Sigaw Newsfm), Bicol Today at iba pang istasyon ng radyo, pahayagan at alternative media at mga alyansa ng mga kagawad ng midya tulad ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) , Bicol Association of Correspondents and Stringers (BACS), National Union of Journalists of the Philippines-Bikol (NUJP-Bikol) at College Editors Guild of the Philippines-Bikol (CEGP-Bikol) at iba pa – na magkaisa para sa malayang pamamahayag at labanan ang diktadura ng rehimeng US-Duterte. Hinihimok namin kayong tulungan ang inyong mga kapatid sa industriya. Labanan ang lahat ng tangka ng pasistang estadong ibaon ang katotohanan!
Hindi mapipigilan ng sinumang diktador ang pagsasalaysay ng mamamayan sa kanilang kwento. Habang lalong kumikitid ang puwang ng kasalukuyang malapyudal at malakolonyal na lipunan para sa malayang pamamahayag, higit ang pangangailangang maging masigasig sa pagtuklas ng pamamaraan upang makapagpatuloy sa paglalathala – sa paggamit man ng iba pang mga daluyan o hanggang sa pagbubuo ng mga underground at lihim na pahayagan at programa sa radyo.
Ngayon ang panahon ng paglaban – ito ang ambag ng kasalukuyang henerasyon. Hamon para sa bawat kagawad ng midya at tagapagtaguyod ng karapatan sa malayang pamamahayag na gamitin ang kanilang mga podium, radio at TV segments, Facebook live shows at iba pang daluyan upang maging lunsaran ng siyentipiko, makabayan at makamasang pagsusuri sa iba’t ibang isyu. Gamitin ang ating mga mikropono, panulat at papel sa pagpapahayag ang katotohanan. Kilalanin natin ang ating kapangyarihan at tungkuling kaakibat nito! Tumindig tayo para sa bayan, lumaban tayo para sa mamamayang Pilipino.
Inaanyayahan din namin kayong sumapi sa Artista at Manunulat ng Sambayanan-Bikol (ARMAS-Bikol), alyadong organisasyon ng NDFP. Higit nitong mapatatatag ang pundasyon ng paglaban ng mamamahayang hanggang sa pakikibakang anti-pyudal at anti-imperyalista. Ang pagwawagi sa kampanyang ito ay hindi lamang tagumpay ng sektor ng midya, kung hindi ng buong sambayanan laban sa diktadura.
Mabuhay kayo! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Padagos,
Ka Ma. Roja Banua
Tagapagsalita, NDF-Bikol
Sinusuportahan ng ARMAS-Bikol, BHB-Bikol, KM-Bikol, LAB-Bikol, MSP-Bikol, PKM-Bikol, KAGUMA-Bikol, LUMABAN-Bikol, iba pang alyadong rebolusyonaryong organisasyong masa ng NDFP at CPP-Bikol
https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-sa-mga-kagawad-ng-midya-at-artista-ng-bayan/