NPA propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 24):
Parusahan ang mga Mapandambong na Kumpanya ng Pagmimina
Joint Statement nina Martin Montana, Chadli Molintas Command (New People’s Army – Ilocos Cordillera Region) at Sey-ang Rayos, Jennifer ‘Maria’ Cariño Command (New People’s Army – Benguet)
NPA-IIocos Cordillera (Chadli Molintas Command)
24 June 2017
Matagumpay na inilunsad ng mga pwersa ng Chadli Molintas Command (CMC) ng NPA Ilocos-Cordillera Region at ng Jennifer ‘Maria’ Cariño Command (JMCC) ng NPA Benguet ang hakbang pamamarusa laban sa Lepanto Consolidated Mining Company at taktikal na opensiba laban sa mga tropa ng AFP at PNP nitong 7-8 ng Hunyo 2017. Bahagi ito ng nagpapatuloy na kampanya ng rebolusyonaryong kilusan laban sa mga mapandambong at mapanira na malalaking kumpanya ng minas at mga pasistang tropa ng AFP-PNP-CAFGU na nagsisilbing security force ng mga nasabing kumpanya.
Isinagawa ang panibagong hakbang pamamarusa sa Lepanto mula 10:30 ng gabi ng Hunyo 7 hanggang 12:00 ng hatinggabi ng Hunyo 8. Pinasabog at sinunog ang earth moving equipment at lime plant sa lokasyon ng Lepanto Tailings Dam 5A sa pagitan ng barangay Colalo at barangay Cabiten, Mankayan, Benguet.
Ang mga nabanggit na equipment ay ginagamit sa quarrying at pagpapataas ng embankment ng naturang tailings dam. Pinoprotestahan ito ng mamamayan ng Colalo dahil sa pangambang gumuho muli ang kanilang lupain, katulad ng nangyari noong 1999, kung kailan natibag ang gilid ng bundok na kinatatayuan ng Colalo Elementary School, at sa pagguho ng lupa ay nakaladkad ang ilang bahay, dahil din sa quarrying at pagpapataas ng embankment ng tailings dam.
Noong dekada 1990, inagaw ng Lepanto ang ilampung ektaryang palayan at iba pang lupa ng mamamayan ng Colalo at Cabiten para maitayo ang Tailings Dam 5A. Ito ay prinotestahan ng mamamayan ng mga nabanggit na baryo subalit marahas silang sinupil ng mga tropa ng PNP at CAFGU na bayaran ng Lepanto.
Matatandaan na noong Abril 25, 2013 ay sinunog ng NPA ang drilling machine ng Lepanto sa barangay Colalo. Ang isinasagawa noong drilling operations sa lugar ay para sa planong itayo na Tailings Dam 5B, na magsisilbi sana sa pagpapalawak ng saklaw ng mining operations ng kumpanya. Ang pagtatayo ng Tailings Dam 5B ay nangangahulugan ng pag-agaw muli ng Lepanto ng ilampung ektaryang lupain ng mamamayan sa mga barangay ng Colalo at Bedbed, Mankayan. Ang pagpapalawak naman ng mining operations nito ay mangangahulugan ng pagka-agaw at pagkasira ng halos 400 na ektarya ng ansestral na lupain ng mga katutubong mamamayan sa di pa namiminang mga bahagi ng Mankayan. Napigilan lang ang drilling operations ng Lepanto para sa expansion nito sa mga barangay ng Bulalacao, Tabio, at Balili, Mankayan, dahil sa higit isang taon na magiting at matagumpay na pagbabarikada ng mga komunidad.
Kasabay ng pagsunog at pagpapasabog sa equipment sa Lepanto Tailings Dam 5A ay ang pagbira ng NPA sa mga tropa ng 81st IB na naka-istasyon sa mismong dam site. Ginagamit ang mga tropang ito upang takutin at supilin ang protesta ng mamamayan ng Colalo laban sa quarrying at pagpapataas ng dam embankment.
Pinarusahan din noong gabi ng June 7, 2017 ang may-ari at operator ng isang carbon-in-pulp (CIP) cyanide processing plant sa bahagi ng sitio Ampontoc, barangay Colalo. Ang CIP ay pag-aari ni Colalo barangay captain Ambino Padawi at kasalukuyang ino-operate ng ilang negosyanteng Tsino na nangungupahan sa naturang planta. Pinasabugan at sinunog ang backhoe at iba pang mga equipment na ginagamit sa operasyon ng planta.
Itinayo ang CIP sa ansestral na lupain na inagaw ni Ambino mula sa isang clan sa Colalo. Mariing prinotestahan ng mamamayan ng barangay Colalo ang pagtatayo ng CIP dahil sa nabanggit na pang-aagaw ng lupa at dahil din sa pangambang malalason ang pinagkukunan ng inuming tubig ng mamamayan ng sitio Ampontoc. Matinding harassment at intimidation ang ginamit ni Ambino upang supilin ang protesta ng mamamayan.
Si Ambino ay masugid na tagasuporta ng Lepanto.
Matapos sunugin ang pasabugan at CIP, pinasabog din ng NPA ang Community Police Action Center (COMPAC) na ipinatayo ni Ambino sa tabi ng CIP sa Ampontoc.
Ang pinakahuling pagpaparusa ng NPA sa Lepanto at mga tropa ng AFP at PNP na nagsisilbing security force nito ay pahiwatig ng patuloy na pagsusuporta at pakikiisa ng rebolusyonaryong kilusan sa nagpapatuloy ding magiting na pakikibaka ng mamamayan ng Mankayan at iba pang lugar laban sa lubhang mapanirang pagmimina ng Lepanto. Mahigit 100,000 na mamamayan ng Mankayan at 18 na iba pang munisipyo sa apat na probinsya ng Benguet, Mountain Province, Ilocos Sur, at Abra ang apektado sa mining operations ng Lepanto. Mula pa noong dekada 1960 nagpoprotesta at nagpapanawagan ang apektadong mamamayan ng pagpapasara sa Lepanto.
Ang Lepanto ang isa sa tatlong pinakamalaking kumpanya ng minas sa Pilipinas, kasama ang Philex Mining Corporation at Nickel Asia. Kumikita ito ng humigit-kumulang sa dalawang bilyong piso bawat taon. Ito ay pag-aari ng mga pamilyang kabilang sa 100 na pinakamayaman sa bansa – ang mga Yap, Disini, at Tecson – at ni Manny Pangilinan, na isa din sa nagmamay-ari ng Philex.
Para sa expansion nito sa Mankayan, itinayo ng Lepanto ang Far Southeast Gold Resources, Inc. (FSGRI) at kinasosyo dito ang dayuhang kumpanyang Gold Fields, na siyang pinakamalaking prodyuser ng ginto sa buong daigdig. Kontrolado ng Gold Fields ang mahigit 60% ng FSGRI.
Sa 80 taong operasyon ng Lepanto, wala itong ibang idinulot kundi pwerhisyo sa mga magsasaka at iba pang mamamayan ng Mankayan at mga katabing bayan sa saklaw ng Benguet at Mountain Province, at sa mga bayang dinadaanan ng ilog Abra sa bandang Ilocos Sur at probinsya ng Abra. Napakalaki na ng pinsalang idinulot ng Lepanto sa kapaligiran, lupa, kabuhayan, at pamayanan ng mamamayan. Inagaw at winasak ng Lepanto ang mga agrikultural at komunal na lupain ng mga katutubong minorya ng Mankayan. Hinawan ang mga kagubatan. Hinukay ang ilalim ng lupa. Lumubog ang kinatatayuan ng mga bahay at eskwelahan. Sa kasalukuyan, unti-unting nawawasak ang mga bahay sa sitio Pacda, barangay Suyoc-Palasaan, at sa sitio Tabbac, barangay Bulalacao. Nawala ang tubig sa ilang mga sapa, at namatay ang ilog Mankayan dahil sa tuloy-tuloy na pagtatambak ng dumi at nakalalasong kemikal mula sa minahan. Dinumihan at nilason din ang ilog Abra. Dahil sa siltasyong dulot ng tuloy-tuloy na pagtatambak ng mine tailings ng Lepanto sa ilog Abra, tuloy-tuloy ding tumataas ang riverbed nito. Tuwing tag-ulan, lumalaki ang ilog, at ang mga palayan sa paligid nito ay binabaha at nililibing sa banlik. Ilang daang ektarya na ng palayan sa Ilocos Sur at Abra ang nasalanta.
Hindi totoo na nakakatulong ang Lepanto sa pagbibigay ng mahusay na trabaho at kabuhayan sa mamamayan. Napakadumi ng rekord ng kumpanya sa marahas na panunupil at pagbabale-wala sa mga kahilingin ng kanyang mga manggagawa. Kalakaran ng Lepanto na tanggalin sa trabaho ang mga malapit nang magretirong mga manggagawa nang sa gayon ay makaiwas sa obligasyong magbigay ng pensyon at mapalitan ito ng maliit na separation pay. Ipinagkakait din ng Lepanto ang sapat na kumpensasyon sa aksidente o pagkamatay ng manggagawa sa loob ng minahan. Ipinapako nito sa mababang halaga ang arawang sahod ng mga manggagawa. Mula noong dekada 1990, tuloy-tuloy na nagbawas ang kumpanya ng mga regular na manggagawa upang palitan sila ng mga kontraktwal. Mula sa dating bilang na higit 6,000, kumukulang sa 1,000 na lamang ang bilang ng mga regular na manggagawa habang lumolobo ang bilang ng mga kontraktwal na hindi nakakatanggap ng mga benepisyo at hindi kinikilala ang karapatang mag-unyon.
Kabi-kabilaan ang mga aplikasyon sa pagmimina ng Lepanto gamit ang mga kumpanyang subsidiaryo nito, tulad ng Diamond Drilling at Shipside, at iba’t ibang pangalan, tulad ng Olpaten, Eltopan, Horizon, Lindsay, Patrick, at Mount Franz. Sa ngayon, ang Lepanto at ang kakumpitensya nitong subsidiaryo ng Nickel Asia, na ang Cordillera Exploration Co., Inc. (CEXCI), ang may pinakamalawak na aplikasyon sa pagmimina sa rehiyon ng Kordilyera at Ilocos. Sinasaklaw ng mga pending applications ng Lepanto ang halos 89,190 na ektarya sa Buguias, Bakun, Kibungan, Kapangan, Atok, Tublay, at La Trinidad, Benguet; Hungduan at Banaue, Ifugao; Sagada, Bontoc, Sabangan, at Bauko, Mountain Province; San Emilio, Gregorio del Pilar, Quirino, Suyo, Alilem, at Sugpon, Ilocos Sur; at Tubo at Luba, Abra.
Para sa ganid na interes, ginagamit ng Lepanto ang dahas at lahat ng maduduming taktika – panlilinlang, pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga tumututol na mamamayan, panggigipit, at iba pa. Gamit ang mga tropa ng PNP, CAFGU, at mga sahuran nitong security personnel, marahas na binuwag ng Lepanto ang barikada ng mamamayan ng Colalo laban sa pagtatayo Tailings Dam 5A noong 1991-1992; ang mga barikada ng mamamayan ng Bulalacao laban sa expansion ng kumpanya noong 1995-1997 at 1999; at ang mga strike ng mga manggagawa noong 2003 at 2005. Tinangka din nitong buwagin ang mga barikada ng mamamayan ng Tabbac, Tabio, at Balili noong 2011-2012 laban sa drilling operations ng FSGRI. Kung anu-anong kaso ang isinampa laban sa higit 90 na magsasakang namuno at lumahok sa protesta laban sa FSGRI.
Ang mismong mga tropa ng AFP at PNP ang nagsisilbing gwardya ng Lepanto para maipatupad ang mga proyekto nito sa pagmimina at bantayan ang interes ng mga ganid na lokal at dayuhang dambuhalang mga kapitalista.
Sa kabila ng propaganda ng malalaking korporasyon ng minas at mga tagapagtaguyod nito sa loob ng rehimeng Duterte, hindi maikukubli ang lawak ng sinira ng mga naturang korporasyon na mga kagubatan, kabundukan, ilog, palayan, at pamayanan sa buong bansa. Milyon-milyong pambansang minorya, magsasaka, at iba pang mamamayang Pilipino ang naaagawan ng lupa at nawawalan ng kabuhayan dahil sa mga kumpanyang ito. Lantarang kasinungalingan ang sinasabi ng Philippine Chamber of Mines na malaki ang itinutulong ng industriya ng minas sa kabuhayan ng mamamayang Pilipino at sa ekonomya ng bansa. Ang katotohanan, mas maliit pa sa 1% ng kabuuang empleyo sa bansa ang nasa mga malalaking minahan, at mas maliit din sa 1% ang kontribusyon nito sa gross domestic product (GDP).
Ang pagtutol ng mga katutubong magsasaka at iba pang mamamayan sa malawakan at mapanirang pagmimina ng Lepanto ay pakikibaka para ipaglaban ang kanilang lupaing ansestral, rekurso, kabuhayan, at kinabukasan. Sa ilang dekada nang pakikibaka ng mamamayan laban sa Lepanto, napatunayan nilang wala silang maaasahang tulong mula sa reaksyunaryong gubyerno. Sa halip na ang mamamayan ang tulungan, ang Lepanto pa ang ipinagtatanggol ng mga bayarang matataas na opisyal at ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Kahit ang desisyon ni dating DENR Secretary Gina Lopez na ipahinto ang pagmimina ng Lepanto at mahigit 20 na iba pang kumpanya ng minas sa Pilipinas ay hindi maaasahang seryosong ipapatupad ng rehimeng Duterte dahil sa loob ng rehimeng ito ay ang maraming mga opisyales na nagtataguyod sa interes ng mga malalaking kapitalistang lokal at dayuhan.
Ang CPP, NPA, Cordillera People’s Democratic Front, at buong rebolusyonaryong kilusan ay naninindigan para sa interes ng mamamayan laban sa malawakan at mapanirang pagmimina ng mga dambuhalang kumpanya. Ipagpapatuloy nito ang pagpaparusa sa mga mapandambong na kumpanya ng minahan. Tanging sa armadong rebolusyonaryong paglaban lamang ng mamamayan makakamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya na maghahawan ng daan para sa tunay na kaunlaran.
Labanan at wakasan ang malawakan at mapanirang operasyon ng Lepanto at lahat ng malalaking kumpanya sa minahan!
Ipagtanggol ang lupaing ansestral at kabuhayan!
Palayasin ang mga gahamang dayuhan at ipaglaban ang pambansang kasarinlan!
Isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!
Panagutin ang reaksyonaryong gubyerno at berdugong AFP at PNP sa mga krimen laban sa mamamayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!!!