Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP)/PRWC Newsroom (Nov 29, 2021): Mga pulis na pumatay sa lider-masa ng Southern Tagalog, kinasuhan na
December 2, 2021Sinampahan na ng mga kasong murder ang 17 pulis na sangkot sa pagpaslang sa lider-manggagawa at provincial coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-Cavite) na si Emmanuel “Manny” Asuncion. Resulta ito sa imbestigasyong ng Department of Justice (DoJ) na iginiit ng pamilya at mga grupong tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Kabilang si Asuncion sa siyam na biktima ng binansagang “Bloody Sunday” noong Marso 7. Sa araw na ito, pinaslang ng mga pulis at sundalo sa koordinadong pagsalakay sa mga tirahan ng mga aktibista sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon). Kabilang sa mga pinaslang ang anim na aktibista sa lalawigan ng Rizal at mag-asawang lider ng mangingisda sa Batangas.
Inirekomenda ng DOJ, partikular ng Administrative Order (AO) 35 Special Investigating Team (SIT), na sampahan ng mga kasong murder sina Police Lieutenant Elbert Santos, Police Lieutenant Shay Jed Sapitula, Police Senior Master Sgt. Hector Cardinales, Police Master Sgt. Ariel dela Cruz, Police Staff Sgt. Joemark Sajul at mga Police Corporal na sina Ernie Ambuyoc, Mark John Defiesta, Arjay Garcia, Caidar Dimaculangan, Bryan Sanchez at Ericson Lucido.
Kabilang din sa inakusahan ng pagpatay sina Police Patrolman Jayson Maala, Juanito Plite, Jonathan Tatel, Prince Benjamin Torres, Jaime Turingan at Lopera Rey PJ Dacara.
Dala-dala ng berdugong mga pulis at sundalo ang mga depektibong search warrant na nilagdaan ng dalawang notoryus na huwes ng Metro Manila upang magrekisa sa mga bahay ng aktibista para diumano maghanap ng mga di lisensyadong baril at eksplosibo. Dahil sa dumaraming reklamo laban sa pang-aabuso sa paggawad ng search warrants at ang kaakibat na madugong mga insidente, napilitan nitong huli ang Korte Suprema na ipagbawal ang paglalabas ng mga mandamyento sa labas ng kanilang hurisdiksyon.
Isinampa ng asawa ni Asuncion na si Liezel ang kasong kriminal sa Office of the City Prosecutor sa DasmariƱas City sa lalawigan ng Cavite. Itinakda ang pagdinig sa kaso sa Enero 11 at 25, 2022.
Nagpahayag ng tuwa ang mga demokratikong grupo at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa rekomendasyon na nilagdaan noong Nobyembre 22. Gayunpaman, unang hakbang pa lamang ito para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng mga madugong insidente noong Marso, anila.
Kaugnay nito, iginigiit ng mga grupo sa DOJ na dapat ding usigin ang mga sangkot na pulis at sundalo sa pagpatay sa mag-asawang sina Ariel at Chai Evangelista sa kanilang bahay sa Nasubgo, Batangas; magpinsang magsasakang Dumagat na sina Randy at Puroy dela Cruz sa Tanay, Rizal at sa mga lider-magsasakang sina Melvin Dasigao, Mark Bacasno, at magkapatid na sina Abner at Edward Esto.
Sa ngayon, hindi isinama ng Department of Justice sa imbestigasyon ang kaso ng pagpaslang ng magpinsang dela Cruz dahil wala diumano itong ugnay sa anumang kawsa na kanilang ipinaglalaban. Bahagi ang magpinsan sa paglaban sa Kaliwa Dam.
https://cppangbayan.wordpress.com/2021/12/02/mga-pulis-na-pumatay-sa-lider-masa-ng-southern-tagalog-kinasuhan-na/