Thursday, December 2, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mga tropa ng PNP-SAF, inambus ng BHB-Northern Samar

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP)/PRWC Newsroom (Nov 29, 2021): Mga tropa ng PNP-SAF, inambus ng BHB-Northern Samar


ANG BAYAN DAILY NEWS & ANALYSIS
November 29, 2021

Tinambangan ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command o BHB-RUC) an mga nag-ooperasyong elemento ng PNP-Special Action Force sa Brgy. San Jose, Mapanas noong Nobyembre 20 ng umaga.

Kinumpirma ni Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-RUC, ang naunang naiulat na dalawang tropa ng PNP-SAF ang namatay sa ambus ng BHB. Sugatan din ang apat na iba pa. Ginamitan ng mga Pulang mandirigma ng command-detonated explosive (CDX) ang nasabing mga tropa.

Pahayag ni Pesante, “Ang matagumpay na ambus sa San Jose ay pagkamit ng hustisya ng hukbong bayan para sa mamamaya ng Northern Samar na labis na tinatakot at hinahagupit ng pasistang terorismo ng AFP-PNP at ng rehimeng Duterte.”

Makailang ulit nang ginugulo ng mga tropa ng PNP-SAF ang mga residente ng Mapanas at iba pang kalapit nitong bayan. Noong Agosto, limang magsasaka ang inistraping nito sa San Jose at Brgy. Rizal, Gamay, sa hibang na pagdadahilang “napagkamalan” nilang mga kasapi ito ng BHB.

Nito lamang Oktubre, isang magsasakang may sakit sa pag-iisip ang dinakip ng mga pulis habang hinahalihaw nila at ng Philippine Army ang nasabing mga barangay. Nangistraping din ang mga ito sa kalapit na Brgy. Can Maria, Lapinig.

Pero medalya at pera ang pinaulan ng hepe ng PNP na si Dionardo Carlos sa kanilang kaswalti matapos opensiba ng BHB. Agad pa niya itong binisita bilang pambawi sa mga demoralisadong pulis. Pag-amin mismo ng PNP, tatlo sa apat nilang sugatan ay mga tenyente.

Sinundan ng ambus sa Mapanas ang operasyong haras ng BHB-RUC laban sa mga tropa ng 20th IB sa pagitan ng Brgy. San Miguel, Las Navas at Brgy. Hinagonoyan, Catubig noong Nobyembre 17.

Labis-labis ang reaksyon ng militar na apat na beses itong nagpaputok ng 105mm howitzer sa direksyon ng lugar ng opensiba ng BHB. Wala naman itong natamaang Pulang mandirigma. Mayroon namang rumespondeng ambulansya para kunin ang kaswalti ng militar.

Kinundena ni Pesante ang walang habas na panganganyon at araw-araw na pagpapalipad ng drone ng AFP-PNP kasunod ng mga opensiba ng mga Pulang mandirigma. Ayon sa kanya, nagdudulot ito ng takot at ligalig sa masang sibilyan sa mga nakapalibot na barangay.

“Hindi totoong ‘presiso’ ang panganganyon at paggamit ng drone ng AFP-PNP. Di hamak na mas madalas na mga sibilyan ang tinatamaan at naaapektuhan nito kaysa sa mga kombatant.

“Hindi lang mga yunit ng BHB ang target ng mga teroristang pag-atake mula sa himpapawid. Pinakalayunin nitong maghasik ng teror at sindakin ang masang sibilyan. Tunog pa lamang ng mga kanyon at drone ay nagdudulot ng takot sa kanila. Ginagambala nito ang kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay.”

Nanawagan si Pesante na ipagbawal ang paggamit sa mga armas na ito. “Kailangan ding puspusang ilantad ng taumbaryo ang lagim na dala sa kanilang mga komunidad ng mga mamahalin at mababangis na armas ng AFP-PNP.”

Samantala, sa Western Samar, pinarusahan ng BHB-Arnulfo Ortiz Command ang aktibong aset ng militar na si Freddie Gabin sa Brgy. Mercedes, Jiabong noong Oktubre 31.# (Ulat mula sa Larab)

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/29/mga-tropa-ng-pnp-saf-inambus-ng-bhb-northern-samar/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.