Thursday, August 24, 2023

CPP/Ang Bayan: Koresponsal: Buhay gerilya--Pagkakaisa at determinasyon sa pagkilala sa sarili at isa’t isa

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 21, 2023): Koresponsal: Buhay gerilya--Pagkakaisa at determinasyon sa pagkilala sa sarili at isa’t isa (Correspondent: Guerrilla life--Unity and determination in knowing oneself and one another)
 





August 21, 2023

Araw-araw, kinahaharap ng mga Pulang mandirigma ang buhay at kamatayang pakikibaka. Para mapangibabawan ang mga hamon dito, mahalaga na makilala ng bawat kasapi ng hukbong bayan ang kanilang mga sarili at kapwa mandirigma.

Sa loob ng hukbong bayan, pinapanday ang mataas na pagkakaisa at determinasyon. Regular na idinadaos ang mga pagtatasa sa kanilang mga gawain, pati na ang pagtatalakayang buhay. Sa pamamagitan nito, tinutukoy ang mga pag-unlad ng mga kasama at mga kailangan pang paunlarin para higit na makapag-ambag sa rebolusyon. Nakakukuha ng aral at inspirasyon ang mga kasama sa karanasan ng bawat isa. Ang kalakarang ito ang nagpapanday ng disiplina, pagkakaisa at matatag na kapasyahang lumaban ng mga mandirigma sa ilalim ng Bagong Hukbong Bayan-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command).
Ka JI, kadre militar

Kahanga-hangang katatagan at paninindigan sa pagkilos ang ipinamalas ni Kasamang JI sa kanyang mahigit dalawang dekadang pagkilos sa hukbo. Nagsimula siyang kumilos sa kasagsagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong dekada 1990. Isa siya sa mahuhusay na nagsulong ng tamang linya ng Partido mula sa kamalian at disoryentasyon sa isla ng Samar. Mula sa uring magsasaka, mabilis siyang umunlad bilang kadre ng Partido at mandirigma. Nanguna sa gawaing ekspansyon na nakapagbukas ng mga bagong larangan sa prubinsya. Nahuli siya at nakulong ng kaaway, ngunit nanatili ang katapatan sa Partido at masa sa kabila ng mga pisikal at mental na tortyur. Pagkalaya’y agad siyang bumalik sa hukbo taglay ang mas matibay na paninindigan.

“Kung mamamatay ako, mamatay, pero hangga’t nabubuhay ako patuloy akong kikilos at magrerebolusyon,” panata ni Ka JI. Sa kasalukuyan, tumatayo siyang kumander ng platun at namumunong kadre ng Partido. Nagsisilbi siyang halimbawa sa bago at mas nakababatang mandirigma sa pangangalaga ng seguridad, pag-oorganisa at pagpropaganda sa masa, at maging sa gawaing pangkultura.
Ka Isang, mandirigmang ina

Kumportable at maalwang pamumuhay ang isinakripisyo ni Kasamang Isang nang sumapi siya sa hukbong bayan. Mula sa uring petiburges, isang taon na lamang ay magtatapos na siya sa kolehiyo sa kursong Psychology nang magpasyang makipamuhay sa masang magsasaka sa kanayunan. Dito nabuo ang kanyang kapasyahang magsilbi sa interes ng nakararami at tuluyang talikuran ang ambisyon para sa sarili. Sa magtatatlong dekadang pagkilos bilang mandirigma, samutsaring sakripisyo at kahirapan na ang kinaharap ni Ka Isang. Kabilang dito ang pagkalayo sa pamilya, mahahaba’t matatagal na lakaran, puyat at gutom. Imbes na panghinaan ng loob, ang mga sakripisyong ito’y lalong nagpatatag sa kanya upang ganap na ialay ang kakayanan, lakas, at buhay sa rebolusyon.

Isa sa pinakamalaking sakripisyong kinaharap ni Ka Isang ay ang mapalayo sa kanyang anak upang patuloy na gampanan ang kanyang mga responsibilidad. Sa kabila nito, buo ang kanyang loob sa araw-araw dahil ang kanyang anak ay pinangangalagaan ng kanyang mga magulang na sumusuporta sa kanyang pinaglalaban. Inspirasyon niya ang kanyang anak at iba pang mga anak sa pagsisiguro ng isang bagong lipunan kung saan hindi kailangan mahiwalay ang mga ina sa kanilang mga anak at kung saan may tunay na kalayaan at demokrasya para sa lahat.
Ka Niño, manggagawang mandirigma

Mula naman sa uring mala-manggagawa, sanay si Kasamang Niño sa iba’t-ibang trabaho mula sa murang edad. Sa edad na 12, naranasan niya ang matinding pagsasamantala sa pagawaan. Kapalit ng mababang sahod, binalikat niya ang mabibigat na trabaho, sobra sa otso oras na pagtatrabaho, at mapanganib na mga kundisyon sa paggawa. Dahil sa kahirapan, may isang panahong napilitan siyang magtulak at gumamit ng droga. Noong magbakasyon sa prubinsya para magsaka at layuan ang kapit sa patalim na buhay sa syudad, naugnayan si Ka Niño ng Bagong Hukbong Bayan, binigyan ng mga paunang pag-aaral hinggil sa lipunan at rebolusyong Pilipino na naging salalayan sa kanyang buong panahong pagkilos bilang mandirigma.

“Kung di ako namulat sa landas ng rebolusyon ay malamang napariwara na ako nang tuluyan, kundi man ay napatay na sa tokhang,” kwento ni Ka Niño. Naging masigasig siya sa mga pampulitikang pag-aaral at pakikisalamuha sa mga masa at kasama upang mas lalong maunawaan ang rebolusyon. Sa edad na 23, humawak na siya ng mga responsibilidad bilang iskwad lider, giyang pampulitika, at medik. Bagamat may dala-dalang impluwensiya ng nakagawiang buhay tulad ng pagiging maangas sa kilos at pananalita, sa patuloy na pagpapanibagong hubog at tulong ng mga kasama’y napangingibabawan ang mga burges na aktitud. Naging bentahe niya sa pagpapatupad ng mga gawain at pagseseguro sa kapakanan ng masa at mga kasama ang pagiging maparaan na natutunan niya sa buhay sa lungsod.

Marami sa mga mandirigma sa yunit nina Ka JI, Ka Isang at Ka Niño ay kabataang mula sa uring magsasaka na naghihirap dahil sa kawalan ng sariling lupa, barat na pasahod sa pagtatrabaho sa bukid, mababang presyo ng mga produktong kopra at palay, at kawalan ng mga serbisyong sosyal. Dahil dito, mas madali nilang maunawaan na tanging sa sama-sama nilang pagsusulong ng armadong pakikibaka lamang makakamtan ang kanilang mga karapatan. Ilan sa kanila ay mga lider ng mga organisasyong masa at upisyal ng barangay sa kani-kanilang baryo na dahil sa kagustuhang ipaglaban ang karapatan at kabutihan ng kanilang mga kababaryo ay ginipit at dinahas ng mga pasistang militar.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/21/buhay-gerilya-pagkakaisa-at-determinasyon-sa-pagkilala-sa-sarili-at-isat-isa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.