Thursday, August 24, 2023

CPP/Ang Bayan: Pilit na pagmamalinis sa gitna ng kahirapan at kawalang-hustisya

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 21, 2023): Pilit na pagmamalinis sa gitna ng kahirapan at kawalang-hustisya (Forced white-washing in the midst of poverty and injustice)
 






August 21, 2023

Kabalintunaan ang deklarasyon ni Ursula von der Leyen, presidente ng European Union (EU), na “higit nang maayos” ang kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr sa pagbisita niya sa bansa noong Hulyo.

Tuwang-tuwang sinalubong ni Marcos ang pahayag na ito na sumuhay sa walang-tigil na pagpapabango at pagpostura ng kanyang rehimen. Pinalalabas niyang maayos ang kalagayan ang bansa sa kabila ng katotohanang kabi-kabila ang pamamaslang at iba pang abuso sa kapangyarihan.

Dismayado ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa deklarasyong ito ng presidente ng EU. Isa itong “pagbaliktad sa katotohanan,” ayon kay Ka Louie Jalandoni, Chief International Representative ng NDFP.

Noong nakaraang taon lamang, ipinasa sa European Parliament ang isang resolusyon para itulak ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na ihinto ang red-tagging laban sa mga progresibong organisasyon at indibidwal. Itinulak din nito ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagtitiyak na mapapanagot ang mga pulis at pulitikong mapatunayang may kinalaman sa mga krimen na labag sa internasyunal na makataong batas at mga karapatang-tao.

Dagdag dito, ipinahihinto din ng EU ang pampulitikang panggigipit kay Sen. Leila De Lima na anim na taon nang nakapiit sa gawa-gawang kaso. Ipinanawagan nito ang kagyat na pagpapalaya sa senadora at pagpapanagot sa mga nasa likod ng kanyang arbitraryong detensyon.

Alinsunod sa naturang resolusyon, ang mga estadong bahagi ng EU ay pinagbawalan na magbigay ng mga armas, teknolohiya sa paniktik, at iba pang sandatang maaaring gamitin ng estado sa panunupil.

Walang batayan na biglaang binago ni von der Leyen ang nilalaman ng resolusyon ng EU. Sa nakalap na ulat ng Ang Bayan, hindi bababa sa 94,448 ang naging biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa unang taon pa lamang ng rehimeng Marcos Jr. Ito ay mula sa 954 insidente (o mahigit dalawang kaso kada araw) na mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa. Umabot sa 104 indibidwal ang biktima ng pampulitikang pamamaslang.

“Imbes na wakasan ang kultura ng red-tagging…pinatindi pa ni Marcos Jr ang kultura ng kawalang pakundangan,” ayon kay Ka Louie. “Hinirang niya ang bise presidente at mga myembro ng gabinete sa mga susing pusisyon sa NTF-Elcac. Inuudyukan ng NTF-Elcac ang terorismo ng estado.”

Hinimok din ni Jalandoni na pagnilay-nilayan ng EU ang tindig nito sa harap ng pagpigil ni Marcos sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa madugong “gera sa droga” ng nagdaang rehimeng Duterte, bagay na magkakait sa hangaring katarungan ng libu-libo nitong biktima.

Kinilala ni von der Leyen na “umaayos na” ang kalagayan sa karapatang-tao sa ilalim ni Marcos upang bigyang daan ang pagtatambak ng sobrang kalakal at kapital ng EU sa tabing ng kasunduan sa “malayang kalakalan.” Sa partikular, ginagamit ng EU ang ibinabanderang “green economy” para maglagak ng puhunan sa mga proyektong imprastruktura sa bansa sa ilalim ng programang “Global Gateway.” Sa programang ito, popondohan ng EU ang pagtatayo ng mga proyektong imprastrukturang digital, pang-enerhiya at transportasyon.

Sa pagbisita ni von der Leyen, naggawad siya ng grant o ayudang nagkakahalagang €466 milyon o ₱28.13 bilyon bilang patikim kay Marcos at kanyang mga upisyal. Ilalagak ito sa mga proyektong imprastruktura ng rehimen para diumano sa renewable energy, pagbabawas ng plastik, at pamamahala sa basura.

Mula nang maupo si Marcos, kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga dayuhang kumpanyang namumuhunan sa iba’t ibang proyektong pang-enerhiyang “renewable,” ng mga kumpanyang European.

Noong Hunyo, nagbabala na ang National Democratic Front-Ilocos laban sa mga proyektong ito na nakapipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Ayon sa NDF-Ilocos, talamak na ang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa kagubatan at sakahang target tayuan ng mga proyektong wind mill, solar power at iba pang proyekto. Nangangamba naman ang maliliit na mangingisda sa rehiyon na mawalan ng pangisdaan sa planong paglalatag ng proyektong off-shore wind mill sa Ilocos.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/21/pilit-na-pagmamalinis-sa-gitna-ng-kahirapan-at-kawalang-hustisya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.