Sunday, May 21, 2023

CPP/Ang Bayan: Iluwal ang demokratikong lakas at pagkakaisa ng masang manggagawa

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 21, 2023): Iluwal ang demokratikong lakas at pagkakaisa ng masang manggagawa (Unleash the democratic strength and unity of the working masses)


Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




May 21, 2023

Hindi maitanggi o maikubli ang katotohanan na kulang na kulang ang sahod ng milyun-milyong manggagawa, karaniwang kawani, at masang anakpawis, laluna sa harap ng mabilis na pagsirit ng presyo ng pagkain, petrolyo at iba pang saligang mga pangangailangan ng mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit kabi-kabila ang panukala, sa senado, mababang kapulungan o sa mga ahensya ng reaksyunaryong burukrasya, para itaas ang sahod o iba pang hakbangin para ibsan ang labis na kahirapan. Mainam na bagay na marami ang naghahayag ng pagsuporta sa kapakanan ng mga manggagawa at masang anakpawis, subalit ang higit na mahalagang paalingawngawin at pakinggan, ay ang mismong boses ng nagkakaisang manggagawa, kung ano ang kanilang kailangan at ipinaglalaban.

Kabilang sa mga tampok na panukala ay ang ₱150 across-the-board wage increase na inihapag sa Senado at isinusulong ni Senate Pres. Juan Miguel Zubiri, ang nakahapag sa kongreso na panukalang itakda sa ₱750 na minimum na arawang sahod, kaakibat ang panukalang pagbabasura sa “wage regionalization” at ibalik ang sistema ng pambansang minimum na sahod. Kasabay nito ang iba’t ibang mga panukalang pagtataas sa minimum na arawang sahod nang ₱75 hanggang ₱220 na inihapag sa mga regional wage board.

Lahat ng panukalang ito’y salamin lamang ng iba’t ibang layo ng pagtaya sa tunay na halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa, o ng halaga ng mga pangangailangan niya para sa kanyang sarili at kanyang pamilya (o ang tinutukoy ni Marx na pangangailan para panatilihin ang sarili at uri). Humigit-kumulang tinataya ito ng iba’t ibang panukat kabilang ang “poverty threshold” (hangganan ng karukhaan) na itinatakda ng reaksyunaryong estado sa napakababang antas na ₱8,500 kada buwan (o ₱283 kada araw). Malayo ito sa humigit-kumulang ₱33,000 kada buwan (o ₱1,100 kada araw) naman na tinatayang “family-living wage” ng grupong Ibon, na kinukwenta ang arawang gastos ng isang lima-kataong pamilya.

Alinman sa nakahapag na panukalang dagdagan ang sahod ng mga manggagawa ay maghahatid ng maliit o makabuluhang antas ng kaginhawaan sa araw-araw na pagdurusa ng mga manggagawa at masang anakpawis. Dapat lamang alalahanin na anumang makakamit na dagdag na sahod ay ibubunga hindi ng kabutihang-loob ng mga pulitiko, kundi ng lakas at pagkakaisa ng masang manggagawa. Kung iaasa lamang ito ng mga manggagawa at masang anakpawis sa senado o kongreso na kontrolado ng mga burukratang kapitalista, mas malamang na babaratin at babaratin lamang ang mga manggagawa, at gagamitin anumang ibibigay na umento para sila ay pagwatak-watakin at patahimikin.

Sa saligan, salungat sa interes ng malalaking kapitalista at ng maka-kapitalistang estado ang sigaw ng mga manggagawa at karaniwang kawani para sa karagdagang sahod. Ang bawat pisong dagdag na maiuuwi ng manggagawa ay pisong kaltas sa tubong ibinubulsa ng kapitalista. Ang murang lakas-paggawa sa Pilipinas ang isa sa pangunahing ginagamit ng rehimeng Marcos na pang-akit sa mga dayuhang kapitalista na mamuhunan sa Pilipinas at dambungin ang yaman ng bansa. Ang pakikibaka para sa karagdagang sahod ay nasa puso ng maka-uring tunggalian ng mga manggagawa at kapitalista. Ito ay paggigiit ng mas malaking bahagi sa halagang nililikha ng mga manggagawa sa araw-araw na pagpapaupa nila ng kanilang lakas-paggawa sa kapitalista.

Ikinakalat ng mga kapitalista at burges na ekonomista ang iba’t ibang huwad at baluktot na katwiran laban sa umento sa sahod para pahinain ang loob ng mga manggagawa na lumaban. Pinalalabas na ang pagtataas ng sahod ay magiging dahilan ng pagtaas ng presyo, kahit ang pagkahayok ng mga kapitalista na magbulsa ng mas malaking tubo ang tunay na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ginagamit rin ng malalaking kapitalista ang katwirang malulugi ang maliliit na negosyo kapag nagtaas ng sahod, para ikubli ang nagdudumilat na katotohanan na dambuhala ang kinakamkam na tubo ng mga bilyunaryong malalaking kapitalista kasabwat ang dayuhang kapital.

Nakasalalay sa antas ng lakas at kapasyahan ng uring manggagawa na ipaglaban ang kanilang interes at karapatan, kung may matatamo silang umento sa sahod at kung ito’y magiging makabuluhan o pakunswelo lamang. Pinatunayan na sa kasaysayan na mas malaki ang maipagtatagumpay nila kung maipamamalas nila ang pagkakaisa sa sama-samang pagbangon at militanteng pagdagsa sa lansangan ng puo-puo o daan-daan libong manggagawa, kaysa kung buhaghag ang kanilang hanay, kalat-kalat at iba’t iba ang boses.

Marapat na magkaroon ng nagkakaisang paninindigan at sigaw ang masang manggagawa para sa umento sa sahod, upang mabuo ang kanilang solidong hanay sa pakikipaggitgitan sa estado at mga kapitalista. Mainam na magbuklod ang iba’t ibang mga organisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa halaga ng umento sa sahod na kaya at handa nilang ipaglaban. Subalit hindi ito sapat. Higit dito, kailangang pahigpitin ang pagkakaisa ng mismong mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapayabong sa demokrasya sa kanilang hanay, upang tipunin ang kanilang mga palagay, itaas ang kanilang kahandaan at kapasyahan na sama-samang lumaban, at batay dito, buklurin sila sa nagkakaisang panawagan. Kung hindi mabubuo ang malawak na pagkakaisa ng mga manggagawa, malamang kakapusin ng hangin ang kanilang paglaban.

Kailangang palakasin ang demokrasya sa hanay ng masang manggagawa sa pamamagitan ng puspusan pang pagpapatatag o pagbubuo ng kanilang mga unyon at iba’t ibang organisasyon sa mga pabrika, pook ng paggawa at mga komunidad. Dapat isagawa ang walang kapagurang kilusang propaganda, pang-edukasyon at pangkultura. Dapat ilang ulit na paramihin at palakihin ang inilulunsad na malawakang mga asembliya at konsultasyon para magsilbing daluyan ng hinaing at hangarin ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya, maging paaralan upang itaas ang kanilang kaalaman at makauring kamulatan bilang mga manggagawa, at magsilbing paraan para buuin ang kolektibong pagpapasya na lumaban.

Ang ganitong demokrasya sa hanay ng mga manggagawa ang susi para iluwal ang militansya at sigasig ng uring manggagawa na ipaglaban ang umento sa sahod na nararapat sa kanila. Isa rin ito sa magiging pangunahing salik sa komprehensibong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa, kaakibat ang paglaban ng sambayanan sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at pagsulong ng pambansa-demokratikong kilusan.

[Ang Bayan ("The People") is the official publication of the Communist Party of the Philippines, guided by Marxism-Leninism-Maoism. It is published by the Central Committee. AB comes out fortnightly every 7th and 21st of each month. The original Pilipino edition is translated into English, Bisaya, Waray, Hiligaynon and Iloco.]

https://philippinerevolution.nu/2023/05/21/iluwal-ang-demokratikong-lakas-at-pagkakaisa-ng-masang-manggagawa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.