Saturday, July 8, 2023

CPP/Ang Bayan: Pang-aatakeng militar sa 5 prubinsya

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 7, 2023): Pang-aatakeng militar sa 5 prubinsya (Military attacks in 5 provinces)
 





July 07, 2023

Nagpapatuloy ang malalalang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa nakaraang dalawang linggo.

Sa Masbate, binaril at napatay ng mga sundalo si Randy Dionan Mahinay sa Sityo Abanggan, Barangay San Carlos, Milagros noong Hunyo 21 habang nagtatrabaho sa konstruksyon ng kalsada sa lugar. Idinadawit siya ng militar sa inilunsad na ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga aset paniktik at CAFGU, kung saan isa ang napatay, noong Abril 14 sa parehong barangay. Pinaratangan siyang tumulong sa mga Pulang mandirigma dahil lamang nagtatrabaho siya sa lugar kung saan nangyari ang ambus. Aktibo siyang kasapi ng samahan ng mga maralitang magsasaka na tutol sa planong pagpapalawak ng dayuhang kumpanyang Filminera-Masbate Gold Project sa bayan ng Mobo, Uson at Milagros.

Tangkang pagpatay. Tinangkang patayin ng mga sundalo si Rudolfo Ygot sa kanyang bahay sa Barangay Barag, Mobo, Masbate noong Hunyo 18. Ang 41-anyos na si Ygot ay kapitan ng naturang barangay at kabilang sa mga tumututol sa pagpapalawak ng Filminera-Masbate Gold Project.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis ang apat na magtutubo na kasapi ng balangay ng Pagkakaisa ng Manggagawang Bukid sa Tubuhan (PAMATU) sa Barangay Tumalim, Nasugbu sa Batangas noong Hulyo 3. Ang apat na biktima ay sina Felix Cailing Diraya (53), Francis Joshua Diraya (20), Efren Panganiban (51), at Lanie Villa Diraya (48). Inaresto sila matapos ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paggawa at paninirikan sa lupa.

Sa Negros Occidental, inaresto ang lider-magsasaka na si Susan Medes. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 7.)

Panggigipit. Sa Negros Occidental, ininteroga ng mga sundalo ang magsasakang si Benjie Teruel sa detatsment ng CAFGU sa Barangay Hilamonan, Kabankalan City noong Hunyo 19. Si Teruel, mayroong kapansanan, ay pilit na pinaaamin na sangkot sa pag-atake ng hukbong bayan sa naturang detatsment noong Hunyo 13. Pinagbantaan ang kanyang buhay at kaligtasan ng kanyang pamilya.

Pamamaril. Nagdulot ng labis na takot sa mga residente ng Sityo Cansampo, Barangay Bagtik, La Libertad, Negros Oriental ang pagpapaulan ng bala ng 62nd IB sa lugar noong Hunyo 23 ng hapon. Naiulat din sa barangay ang sapilitang pagpasok at panghahalughog sa mga bahay ng residente.

Sa pagitan ng Hunyo 23 at Hunyo 30, hinabol at pinagbabaril ng mga sundalo ang may kapansanan sa pag-iisip na si Junior de los Trico sa parehong lugar.

Pambobomba. Naghulog ng 14 na bomba at ilang beses na nag-istraping ang mga sundalo sa mga sakahan ng mga barangay ng Bazar, Naguilian, Sacaang at Bilabila sa bayan ng Sallapadan, Abra sa pagitan ng Hunyo 26 at Hunyo 28. Ganti ito ng mga sundalo matapos ang dalawang magkasunod na armadong aksyon ng BHB laban sa kanilang mga tropa.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/07/07/pang-aatakeng-militar-sa-5-prubinsya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.