Saturday, July 8, 2023

CPP/Ang Bayan: Paglaban ang tanging daan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 7, 2023): Paglaban ang tanging daan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos (Resistance is the only way under the US-Marcos regime)



Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




July 07, 2023

Palalang pang-aapi at pagsasamantala ang dinaranas ng sambayanang Pilipino habang lalong lumulubha ang mga saligang problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Walang kapantay na korapsyon, terorismo ng estado, pangangayupapa sa mga dayuhan at mga patakarang pahirap sa bayan ang tiyak na haharapin sa susunod na limang taon. Walang ibang mapagpipilian ang malawak na masa ng sambayanan kundi ang militanteng lumaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang mga hangarin nila para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Ilehitimo ang tingin ng malawak na mga sektor sa pagkapangulo ni Marcos Jr dahil naluklok ito sa pamamagitan ng garapalang pandaraya sa automated na sistema ng halalang 2022. Lalo pa itong nawalan ng kredibilidad sa harap ng hilig sa pamamasyal sa ibang bansa gamit ang salapi ng bayan, ang pagkahumaling sa pagpapaganda ng imahe ng ama niyang diktador at pagmamadaling hawakan ang daan-daan bilyong piso ng pondong pambuliko.

Talamak at lalala pa ang korapsyon sa ilalim ni Marcos. Abala siyang bawiin ang tagong yamang kinamkam noong 14-taong diktadura ng kanyang ama. Ibinalik niya sa kapangyarihan at pribilehiyo ang dating mga kroni at tagapagmana nila. Tulad ng ama niya, binibigyang layaw at binubusog ni Marcos ang mga upisyal ng militar sa malaking pondo ng bayan sa tabing ng “modernisasyon ng militar” at “kontra-insurhensya.”

Kasabwat pangunahin ng naghaharing pangkating Marcos ang mga Duterte at Arroyo, kapwa bantog sa korapsyon at pasismo. Pareho silang binibigyang kontrol sa malaking pondo ng gubyerno, gayundin, ng mga pribilehiyo para palawakin ang kanilang negosyo at dinastiya. Nakatakdang lagdaan ni Marcos ang Maharlika Investment Fund sa darating na linggo. Hahawakan ni Marcos ang ₱500-bilyon pondong pampubliko nito para paburan ang kanyang mga kroni at palawakin ang suportang pampulitika.

Mula maupo sa poder, yuko nang yuko si Marcos sa dayong mga superpower, higit lalo sa kapangyarihang militar at interes sa ekonomya at geopulitika ng imperyalismong US, at ng mga ahente nito sa pananalapi tulad ng World Bank at iba pang institusyon. Humahalik din ito sa paa ng China kahit sa harap ng tahasang panghihimasok sa teritoryong pandagat ng bansa.

Patuloy na itinutulak ni Marcos ang mga patakarang neoliberal, gayong itinakwil na ito sa ibang bansa, laluna ng malalaking kapitalistang ekonomya. Bunga nito, patuloy ang pagkawasak ng lokal na produktibong pwersa, pinagkakaitan ang mamamayan ng kanilang mga kagamitan at pagkakakitaan, at winawasak ang lokal na ekonomya. Sa ilalim ni Marcos, todo-todo ang pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura na pumapatay sa lokal na produksyon, kabilang ang walang-kapantay na laki ng pag-aangkat ng bigas. Lalo pang babaha ang mga imported na produktong pang-agrikultura sa pagpasok ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na tiyak magbubunsod ng lalong malaking dislokasyon sa kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino.

Sinusubasta ni Marcos ang Pilipinas sa mga dayuhang malalaking kapitalista. Pang-akit ni Marcos ang pangakong hindi bubuwisan ang operasyon ng malalaking negosyong dayuhan, at ang mababang sahod ng mga manggagawa. Ginagamit din ni Marcos ang kanyang pusisyon sa Department of Agriculture upang itulak ang interes ng mga korporasyong agribisnes katuwang ng World Bank at iba pang dayuhang bangko sa tabing ng “pagpapataas ng produktibidad” tulad ng palpak na programang Masagana 99 na naglubog sa daan-daan libong magsasaka sa utang.

Pinakamatingkad ang pangangayupapa ni Marcos sa mga dayuhan sa pagbibigay-daan niya sa plano ng US na magtayo ng dagdag na apat na base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), liban sa iba pang pasilidad na lihim na itinatayo ng US kasabwat ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Bahagi ito ng estratehiya ng US na magtatag ng mga base militar para palibutan ang karibal na China. Hinahayaan ni Marcos na gamitin at mahigop ang bansa sa posibleng armadong sigalot ng mga higanteng imperyalista.

Kung ano ang pagkakandarapa ni Marcos na pagsilbihan ang interes ng mga dayuhang kapitalista at kapangyarihan, ganoon naman ang pagbibingi-bingihan niya sa hinaing ng masang Pilipino. Nagtetengang-kawali siya sa sigaw ng mga manggagawa at mga kawani para sa makabuluhang umento sa sahod at sweldo upang makaagapay sa sumisirit na presyo at pigilan ang pagdausdos ng antas ng kanilang pamumuhay. Hindi niya pinapansin ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at malawakang krisis sa agrikultura, at sa halip ay pinapaburan ang mga plantasyon, kumpanya sa mina, konstruksyon ng mga dam at iba pang imprastruktura, proyektong ekoturismo at pang-enerhiya na dahilan ng malawakang pangangamkam ng lupa. Itinutulak niya ang patakarang labor-export bilang pantapal na solusyon sa masidhing problema ng disempleyo.

Ang masang anakpawis ay inaagawan ng kanilang mga kagamitan sa produksyon at pinagkukunan ng kabuhayan sa ilalim ng mga patakaran at programang pabor sa mga dayuhang kumpanya at mga kasabwat na malaking negosyo. Malawakang nagaganap ito sa kanayunan, gayundin sa kalunsuran sa kaso ng mga drayber at opereytor ng mga dyip na nais alisan ng ruta at pagbawalang gamitin ang kanilang mga sasakyan, pati na ang mga mangingisdang tinataboy ng proyektong reklamasyon at iba’t ibang ordinansa.

Walang-walang ginawa si Marcos para lutasin ang problema ng sumisirit na presyo ng mga saligang pangangailangan. Walang saysay ang iilang tindahang Kadiwa sa harap ng milyun-milyong hikahos na pamilyang Pilipino. Kasabwat ni Marcos ang mga kartel at ismagler na kumakamkam ng limpak-limpak mula sa pagkontrol ng suplay at pagpapasirit sa presyo ng bigas, asukal, sibuyas at iba pa.

Pasistang terorismo ang tugon ni Marcos sa hinaing at panawagan ng masang Pilipino. Ginagamit ang mga armadong ahente ng estado sa kampanya ng pagsupil sa mga unyon at organisasyong nagsisilbing bisig at pinagkukunan ng lakas ng mamamayan. Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pagpatay at pagmasaker, at mga pagdukot, iligal na pagkukulong at matagalang pagbibilanggo ng mga detenidong pulitikal. Nasa ilalim ng batas militar ang maraming baryo sa kanayunan kung saan naghahari-harian ang mga pasistang sundalo at paramilitar at ipinaiilalim sa takot ang mamamayan. Maging sa kalunsuran, pinapasok ng mga ahenteng militar at pulis ang mga pabrika, komunidad, mga paaralan, tanggapan, at iba pa sa tabing ng “gera laban sa terorismo” para maghasik ng teror sa mamamayan.

Sa harap ng papalalang pang-aapi, pagpapahirap at panunupil, walang ibang mapagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi ang ilunsad ang lahat ng anyo ng paglaban—mula sa lansangan hanggang sa kabundukan—upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan, isulong ang kanilang interes at ipaglaban ang katarungan. Dapat ibayong palawakin at palakasin ang mga organisasyong masa at buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng bayan para ihiwalay at labanan ang anti-mamamayan, maka-dayuhan at pasistang rehimeng US-Marcos.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/07/07/paglaban-ang-tanging-daan-sa-ilalim-ng-rehimeng-us-marcos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.