Napakainam ng sitwasyong pampulitika at pang-ekonomya upang puspusang isulong ang lahat ng anyo ng pakikibakang masa at buong-tatag na iabante ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Dapat samantalahin ang lalong pampulitikang pagkakahiwalay ng rehimeng Duterte upang abutin at pakilusin ang papalaking bilang ng mamamayan laluna sa darating na mga buwan bago maghalalan.
Habang papalapit ang pagtatapos ng termino sa MalacaƱang ni Rodrigo Duterte, lalong tumitindi ang paninibasib ng kanyang pasistang rehimen laban sa sambayanang Pilipino. Ito ay sa desperasyong abutin ang kanyang deklarasyong susugpuin ang armadong paglaban at isagawa ang iskema ng malawakang panunupil at pagpapataw ng batas militar sa tabing ng malaking kaguluhan. Sa kanayunan at kalunsuran, pasistang terorismo ang gamit ni Duterte para ilugmok sa sindak ang bayan, wasakin ang kanilang mga unyon at organisasyon, supilin ang kanilang mga karapatan at lupigin ang kanilang mga pakikibaka. Ang papasidhing paninibasib ng rehimen ay palatandaan ng labis na takot nitong sumiklab ang malawakang paglaban ng mamamayan sa gitna ng mabilis na pagbulusok ng kanilang kabuhayan at antas ng pamumuhay.
Palala nang palala ang krisis sa ekonomya ng Pilipinas. Ang sampung linggo nang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nagdudulot ng labis-labis na pagdurusa sa masa at gumagatong sa kanilang galit. Sinasamantala ng malalaking kapitalista ang kaguluhan sa Europe upang kumamkam ng sobra-sobrang tubo, na pinakikinabangan din ng gubyernong Duterte sa anyo ng palaki nang palaking kinukulektang buwis. Bunsod nito, lalong pumapaimbulog ang presyo ng mga pagkain, bilihin at serbisyo, at lalong nalulugmok sa paghihirap ang mayorya ng mamamayan. Kulang na kulang na nga ang sahod, mabilis pang nawawalan ng halaga ang piso. Mistulang pinapahiran ng asin ang sugat ng bayan nang ianunsyo ng mga upisyal ng rehimen na dapat ipatupad ang mas maraming pabigat na buwis upang mabayaran ang gabundok na inutang ni Duterte.
Sa harap ng naiuulat na pagkabawas ng kaso ng Covid-19, “binuksan ang ekonomya” subalit nananatili pa rin ang malubhang problema ng kawalan ng trabaho. Ito ay dahil nakasubsob pa rin ang malaking bahagi ng lokal na pagmamanupakturang nakatuon sa eksport. Ang pagkalugmok ng lokal na produksyon ay nakakawing sa pandaigdigang krisis ng imperyalismo. Matumal pa rin ang internasyunal na produksyong binabagabag ng krisis ng sobrang produksyon. Papalala nang papalala rin ang krisis sa kabuhayan sa agrikultura at pangisda, dahil sa walang awat na liberalisasyon at pagbaha ng imported na bigas, gulay, karne at isda, na nagreresulta sa labis na pagkalugi ng milyun-milyong magsasaka at mangingisda. Hanggang ngayon, walang mapagpasyang hakbang ang gubyerno ni Duterte na palakasin ang sistema ng pampublikong kalusugan bilang paghahanda sa posible pa ring muling pagsidhi ng pandemya.
Habang papalapit ang eleksyon sa Mayo, tumitindi ang bangayan ng mga nagtutunggaling pangkatin ng naghaharing uri. Sa pag-init ng kampanya sa eleksyon, bumubwelo ang malalaking rali ng pagsuporta kay Leni Robredo sa iba’t ibang dako ng bansa, kung saan natitipon ang malalim at malawak na galit ng sambayanan sa pasismo, korapsyon at pagtatraydor ng rehimeng Duterte. Lalo nitong pinatitingkad ang pagkahiwalay ng naghaharing pangkatin at ng sinusuportahan nitong tambalang Marcos-Duterte.
Asahan na tutungo ang sitwasyon sa lalong paglawak at konsolidasyon ng nagkakaisang prente ng mga demokratikong pwersa, kabilang ang posibilidad na magkaisa pa rin ang mga partido at kandidatong anti-Duterte. Ang plano ng mga Marcos at Duterte na nakawin ang eleksyon ay lalong magiging mahirap ipatupad at tiyak na magpapasiklab ng malawakang paglaban ng mamamayan.
Ang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema, at tumitinding terorismo ng estado ay nagluluwal ng mainam na kalagayan para ibangon at ibwelo ang iba’t ibang anyo ng mga pakikibakang masa laban sa pampulitikang panunupil at para isulong ang kagyat na demokratikong kahingian ng masa sa iba’t ibang antas ng organisasyon. Dapat ubos-kayang pakilusin ang sambayanan para isulong ang pakikibaka laban sa pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, para sa trabaho at mas mataas na sahod, pagpapababa ng upa sa lupa, ayuda, kanselasyon ng utang, pagtigil sa importasyon ng mga produktong agrikultural, at iba pa.
Dapat gawin ang lahat ng makakaya at gamitin ang lahat ng paraan, kabilang ang kampanya sa eleksyon, para abutin ang mga pabrika at komunidad sa kalunsuran at kanayunan, pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawa, magsasaka, mga maralita, mga kabataan, kababaihan at iba pang mga api at naghihirap na sektor. Dapat pawiin ng mga kadre at aktibista ng Partido ang takot at pag-aatubili, patatagin ang loob at isip, harapin ang kinakailangang hirap, gutom at sakripisyo, at mapangahas at walang pagod na lampasan ang dati nang mga nagawa para abutin ang masa, buklurin ang kanilang isip at palakasin ang kanilang loob, harapin ang kanilang kongkretong mga problema at pamunuan ang kanilang mga pakikibaka.
Dapat samantalahin ng kilusang masa ang lumalawak na pampulitikang kilusan laban sa sabwatan ng pangkating Marcos-Duterte at ikawing ang mga pakikibakang masa sa kampanya sa halalan at paglaban sa planong dayain ang eleksyon. Sa kabilang panig, ang pakikibaka sa larangan ng eleksyon ng mga pwersang demokratiko ay dapat ikawing sa mga pakikibakang pampulitika at pang-ekonomya ng masa.
Ipagdiriwang natin sa buwang ito ang ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ibayong patatagin ang determinasyong palakasin at palawakin ang BHB. Ibayong pahigpitin ang disiplinang militar at magpakahusay sa mga taktikang gerilya upang biguin ang todong opensiba ng kaaway na tiyak iigting pa sa darating na mga buwan. Ubos-kayang labanan ang pasistang paninibasib ng kaaway sa masa. Ilunsad ang mga tiyak na maipagtatagumpay na taktikal na opensiba. Birahin ang mga nahihiwalay at maliliit na yunit ng kaaway. Ilantad at labanan ang mga pakanang saywar ng kaaway para linlangin ang masa at wasakin ang kanilang pagkakaisa.
Mahigpit na hawakan ang interes ng masang magsasaka at isulong ang kanilang pakikibaka. Tuluy-tuloy na palawakin ang saklaw na teritoryo ng mga larangang gerilya at bumuo ng bagong mga larangang gerilya. Tuluy-tuloy na magrekrut at magsanay ng mga kabataang Pulang mandirigma na magdadala ng digmang bayan sa higit na mas mataas na antas sa darating pang panahon.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2022/03/07/buong-tapang-at-matatag-na-isulong-ang-rebolusyonaryong-pakikibaka/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.