Litaw na litaw ang modus ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na palabasing engkwentro ang ginawang pagmasaker ng mga yunit nito sa limang sibilyan sa New Bataan, Davao de Oro noong pagitan ng Pebrero 23 ng gabi at umaga ng Pebrero 24. Inanunsyo ng 10th ID sa sumunod na araw, kumpleto ng karimarimarim na mga larawan, na namatay sa armadong labanan ang mga aktibistang sina Chad Booc, Gelejurain Ngujo II, Elgyn Balonga, at mga drayber na sina Robert Aragon at Tirso Añar.
Sa mga larawang ipinakalat ng militar sa internet, may baril at pinasuot ng walang laman na ammo vest si Booc para palabasing myembro siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kinutya, minura at pinagpyestahan ng mga tauhan ng AFP ang mga larawang ito.
Agad na inilinaw ng BHB sa lugar na walang naganap na labanan sa Purok 8, Barangay Andap sa petsang sinasabi ng AFP. Sa isinagawa nilang pagsisiyasat, napag-alaman nila na ang grupo nina Booc ay bumisita sa komunidad ng mga Lumad kaugnay ng kanilang gawain bilang mga boluntir na guro at tagapagtaguyod ng kagalingan ng mga katutubo. Bumibyahe sila noong gabi ng Pebrero 23 mula New Bataan patungong Davao City nang harangin ng mga sundalo sa tsekpoynt sa Barangay Poblacion.
Ang kaso ng tinaguriang New Bataan 5 ay parehong-pareho sa naunang mga kaso ng pagdukot at pagpatay sa mga sibilyan sa Mindanao. Kabilang dito ang kaso ng pamamaril ng mga sundalo sa tatlong sibilyan sa Sityo Manluy-a, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Hunyo 15, 2021. Maihahalintulad din ito sa serye ng mga pagpatay sa ilang lider rebolusyonaryo sa Mindanao noong nakaraang taon. Napakarami pang ibang mga sibilyan na pinatay nang walang kalaban-laban na bigla na lamang nagiging “myembro ng BHB.”
Sa lahat ng mga ito, awtomatik na ang kampanyang disimpormasyon ng militar upang itago sa publiko ang malupit na mga pagpatay sa sibilyan at di-armado.
Isang linggo matapos ang masaker sa New Bataan, mga komunidad ng Moro naman ang inatake at ginawan ng imbentong salaysay. Sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur, ipinagdiinan ng 103rd IBde na “kampo ng teroristang Dawlah Islamiyah” ang binomba ng mga eroplanong pandigma noong madaling araw ng Marso 1.
Ang totoo, ang lugar na binomba ay sibilyang komunidad na bahagi ng teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front. Kahit mahigpit nang napabulaanan ng lokal na kumander ng MILF at ng mga upisyal ng Maguing, nagmatigas pa rin ang AFP na mga “Maute” at Dawlah Islamiya ang tinamaan ng kanilang mga bomba.
Hindi simpleng fake news
Sistematiko at puspusan ang pagpapakalat ng AFP ng disimpormasyon sa midya at social media tuwing may mga insidente ng pasistang krimen katulad ng mga nabanggit. Ayon sa paliwanag ng mga dalubhasa sa komunikasyon, ang ganitong tipo ng pekeng pagbabalita ay hindi simpleng pagkaligta o kakulangan sa datos, kundi isang kampanyang planado, may pondo at pinatatakbo ng mga may kasanayan sa larangan ng impormasyon. Nakadisenyo ito para mag-udyok ng di rasyunal na galit at poot laban sa target na mga tao, grupo, lahi, relihiyon o kasarian.
Sa AFP, ang disimpormasyon ay isang sandata sa kanilang mapanupil na gera. Ginagamit ito para pagtakpan ang mga krimen at malalalang paglabag sa karapatang-tao upang pawiin ang lahat ng balakid sa kanilang paninibasib laban sa masa. Ginagamit nila ang social media at ang napakaraming kontrolado nilang akawnt sa Facebook upang manipulahin ang isip ng masa. Gumagawa sila ng mga pekeng “midya” upang lokohin ang milyun-milyong tumatangkilik sa Facebook.
Matapat ang AFP sa mga tagubilin ng US Counterinsurgency Guide, na nagtuturing sa pagmanipula sa impormasyon bilang isa sa mga pangunahing sangkap sa umano’y epektibong kampanya sa kontra-insurhensya. Kabilang sa mga itinuturo ng US na para umano maikintal sa pinakamarami ang isang impormasyon, at sa gayo’y makontrol ang upinyong publiko, kailangang maagap na mailabas ang impormasyon, gaano man ito kamanipulado o ganap mang inimbento. Bahagi rin nito ang pagkontrol sa daloy ng impormasyon, kaya madalas na ipatupad ang news blackout at paghihigpit sa midya na makakalap ng impormasyon sa mga lugar na pinangyarihan ng mga insidente, at pananakot sa mga tao na magsalita.
Sa insidente sa New Bataan, halos 24 oras ang lumipas bago ibalita ng 10th ID ang umano’y engkwentro. Sa halip na ibahagi sa lehitimong mga organisasyon ng midya ay sa sariling Facebook page nito ipinaskil ang balita, at pinagkoro sa disimpormasyon ang iba’t ibang akawnt ng militar.
Noong 2020, nadiskubre ang malawak na network ng mga akawnt sa Facebook na pinatatakbo ng mga upisyal militar at nagpapakalat ng disimpormasyon. Ilandaan dito ang sinasabing tinanggal na ng Facebook, pero maliit na bahagi lamang ito kung ikukumpara sa talamak pa ring disimpormasyon ng AFP.
Kamakailan sa Esperanza, Masbate, sinuotan din ng ammo vest at tinamnan ng baril ang isang magsasaka matapos patayin ng 96th IB at palabasing myembro ng BHB na napatay sa engkwentro. Walo sa 15 kaso ng masaker sa mga sibilyan sa Bicol sa ilalim ng rehimeng Duterte ang pinalabas na engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP-PNP.
Bahagi rin ng disimpormasyon ng militar ang na pagputol sa komunikasyon sa pagitan ng mamamayan at mga kalaban ng gubyerno. Sinasabotahe nito ang website ng Partido Komunista ng Pilipinas at maging ng mga independyenteng midya para pigilan ang pagdaloy ng impormasyon.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2022/03/07/nanlaban-sa-kasyudaran-engkwentro-sa-kanayunan-ang-sanga-sangang-dila-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.