Thursday, June 29, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: 2 tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Southern Tagalog, kinasuhan ng “terorismo”

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Jun 27, 2023): 2 tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Southern Tagalog, kinasuhan ng “terorismo” (2 human rights defenders in Southern Tagalog, charged with "terrorism")
 





June 27, 2023

Sinampahan ng 59th IB ng paglabag sa Anti-Terrorism Law ang dalawang tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Southern Tagalog (ST), ayon sa ulat ng Karapatan-ST noong Hunyo 26. Natanggap ng grupo ang reklamo laban kina Anakbayan Southern Tagalog Regional Coordinator Ken Rementilla at Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPHR) Secretary-General Jasmin Rubia kaugnay ng paglabag sa Section 12 ng naturang batas.

Pinaratangan ng reklamo ang dalawa na nagbigay ng suporta sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Hulyo 22, 2022 sa Batangas. Giit ng Karapatan-ST, isa itong “alegasyong walang batayan.” Arbitraryong idineklara ng Anti-Terrorism Council, konsehong nilikha ng ATL, ang PKP at BHB bilang mga “teroristang organisasyon.”

Ang pagkaso ng “pagtulong sa terorismo” ay dahil sa isinagawang fact-finding mission (FFM) noong Hulyo 2022 para imbestigahan ang pagpaslang sa batang si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas. Anang grupo, “ang mga ganitong gawa-gawang reklamo at kwento ng militar ay isang paraan ng 59th IB upang pagtakpan ang ginawa nilang pagpaslang kay Kyllene at Maximino Digno” sa Batangas sa nagdaang taon. Sinabi rin nilang ni wala si Rementilla sa naturang mga aktibidad.

Hindi malayong kaugnay ang naturang pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa pag-abswelto ng Department of Justice noong Enero sa mga kriminal na sundalo ng 59th IB na sangkot sa pagpatay sa 9-taong gulang na si Kyllene.

Sa halip na kasuhan ang mga upisyal at tauhang sangkot sa walang patumanggang pamamaril na pumatay kay Kyllene, noo’y plano ng DOJ na kasuhan ang anim na taong iniuugnay sa PKP at BHB. Nauna nang pinabulaanan ng BHB-Batangas na walang yunit ng BHB sa komunidad nang mangyari ang pamamaril.
Resulta ng FFM

Sa inilunsd na FFM noong nakaraag taon, napag-alaman nilang pauwi na mula sa pangangahoy at pagpapastol ng mga kambing ang pamilyang Casao nang walang patumangga silang pinaputukan. Kasama noon ni Kyllene ang isa niyang kapatid at kanilang tatay sa Sityo Centro, Barangay Guinhawa, Taysan, Batangas, nang nakasalubong nila ang isang yunit ng 59th IB. Nakatigil ang naturang yunit militar na ito malapit sa mababang paaralan. Tinamaan ng bala si Kyllene at di na nakaabot sa ospital.

Naganap ang insidente matapos maengkwentro ng isang yunit ng 59th IB ang isang yunit ng BHB sa Sityo Amatong na nasabing barangay. Pinaghihiwalay ng matataas na bundok ang sityong ito sa Sityo Centro na pinangyarihan ng krimen.

Matapos nito, paulit-ulit na pinagbantaan ng militar ang pamilya Casao at tinakot ang mga lokal na residente para manahimik. Isinailalim din ang lugar sa kontrol ng militar kung saan ginamit ng mga sundalo ang mga istrukturang sibilyan gaya ng basketbolan, barangay hall at mga bahay para sa kanilang operasyon. Paulit-ulit na hinaraas at binantaan ng 59th IB ang mga grupo sa karapatang-tao na nagsasagawa ng mga makataong misyon. Tinakot pa rin sila maging sa burol ni Kyllene noong Hulyo 28, 2022.

Si Kyllene ang pinakabata sa listahan ng mga biktima ng sibilyang pagpatay sa maruming gera ng rehimeng Marcos Jr sa kanayunan. Siya rin ang pinakaunang kaso ng pampulitikang pagpatay na naitala sa Southern Tagalog.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/2-tagapagtanggol-ng-karapatang-tao-sa-southern-tagalog-kinasuhan-ng-terorismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.