Wednesday, October 21, 2020

CPP/NPA-Bicol ROC: Bukas na liham sa mga elemento ng CAFGU

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 20, 2020): Bukas na liham sa mga elemento ng CAFGU

RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

OCTOBER 20, 2020



Sa aming mga kapatid sa kabilang hanay,

Kumusta kayo? Malugod naming ipinapaabot ang maalab naming pagbati sa inyo ngayong araw.

Sumulat kami sa inyo ngayon dahil batid naming kayo rin, kapwang inaapi at pinagsasamantalahan, ay hirap umahon mula sa kahirapan sa panahong ito. Batid naming ilan sa inyo ay napilitan lamang maging CAFGU – mga inabutan ng operasyong militar, tinakot at ginamit ng AFP upang itulak ang isang gera laban sa inyong kapwa magsasaka.

Batid namin ang dinaranas niyong pang-aapi at pagsasamantala sa pagiging CAFGU. Malamang marami na rin sa inyo ang nagsisisi dahil hindi naman binago ng pagiging CAFGU ang buhay na iniwanan ninyo. Parehas lang na kakarampot ang sweldong natatanggap ninyo. Kumpara sa sahod ng regular na sundalo, mistulang limos lang ang nakukuha ninyo! Ang masahol pa, ipinagkakait ng inyong handler ang inyong sweldo. Sadya itong inaantala upang makapagpatubo pa sa bangko. Kinakaltasan pa ito kapag nahuhuli kayong dumating sa duty o hindi nakakapagsuot ng uniporme. Inaalila kayo ng mga amo niyong militar – ginagawang tagapagluto, tagahugas ng plato, tagalaba, at kapag mayroong inuman at nalalasing sila, kayo rin ang pinaglalaruan nila.

Para sa AFP, barya lamang ang buhay ng CAFGU. Itinuturing kayong pananggalang sa mga operasyong militar. Sapilitan kayong ginagawang giya. Isinusuong kayo sa mga labananang tiyak ang kabiguan. At sa sandaling mabigo, itinatago ang inyong pagbubuwis ng buhay at itinuturing na kahihiyan.

Ito ba talaga ang trabahong ninanais ninyong ipagpatuloy? Ilan pa sa inyong mga kababaryo, kapamilya’t kaibigan ang kaya ninyong makitang pinahihirapan, inaabuso o pinapaslang ng militar?

Hindi pa huli upang pumili kung kanino kayo magsisilbi. Tulad ng ibang piniling kumampi sa mamamayan na ipinagtatanggol ang kanilang hanay mula sa duguang kamay ng mga berdugo, pasista at tiranikong rehimen, buong lugod kayong tatanggapin ng bayan. Hinihintay kayo ng kapwa ninyong uring anakpawis sa ating makatarungang digma. Natatanaw natin ang tagumpay sa labang iyon at labis kaming magagagalak kung makakasama namin kayo.

Para sa sambayanan,

Ka Raymundo Buenfuerza, Tagpagsalita
Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol)

https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-sa-mga-elemento-ng-cafgu/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.