Wednesday, October 21, 2020

CPP/NDF-Bicol: Itinataguyod ng mga operasyong RCSP ang neoliberal at pasistang interes ng rehimeng US-Duterte

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 20, 2020): Itinataguyod ng mga operasyong RCSP ang neoliberal at pasistang interes ng rehimeng US-Duterte

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 20, 2020



Walang lumilipas na araw na hindi nanganganib ang buhay ng bawat masang Bikolano sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Kaliwa’t kanan ang pamamaslang, panghaharas at iba’t ibang porma ng panggigipit sa kamay ng AFP-PNP-CAFGU, laluna’t umaarangkada ang mga yunit ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa kanayunan. Malinaw na nananalasa ang mga operasyong ito kung saan man mayroon ding nakatakdang dambuhalang proyektong pang-imprastruktura.

Pinakamatinding nakararanas ng bigwas ng RCSP ang Masbate. Nitong Setyembre 29, pinaslang ng 2nd IBPA at 1st Masbate PMFC ang si Jerry Regala ng Brgy. Dalipe, Cawayan at sina Judy Barruga at Joey Asne, mga upisyal ng barangay sa Brgy. Cajonday, Baleno. Dinakip ang tatlo noong Setyembre 26, dinala sa Brgy. Alas, Mandaon at doon pinagbabaril. Gamit ang estilong mala-Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO), nagpostura ang AFP-PNP-CAFGU na aarestuhin ang tatlo batay sa iligal na warrant of arrest. Matapos mapaslang, pinalabas ng 2nd IBPA na engkwentro ang naganap. Ito na ang pangatlong masaker sa naturang prubinsya ngayong taon. Animnapu’t dalawang poryento (62%) ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon mula Enero ay naganap sa naturang prubinsya. Nitong Agosto 2 at 3, tatlong insidente rin ng istraping ang naitala sa Aroroy, Masbate.

Ano nga bang pinanggigigilan ng pasistang estado sa Masbate? Naglalaway ang rehimeng US-Duterte sa lawak at yaman ng lupain ng prubinsya. Malawakan nitong ginamit ang huwad na reporma sa lupa upang mabuksan ang kumbersyon ng pampublikong lupa para sa turismo at iba pang industriyal na gamit. Ilang taon nang nakabinbin ang mga nakatakdang proyektong neoliberal sa prubinsya. Humaharap sa matinding paglaban ng mamamayan ang pagpapatuloy sa konstruksyon ng Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone (MPARK-MITESEZ), proyekto ng isang Tsinong kroni ni Duterte na si Huang Rulun. Matatagumpay na aksyong demolisyon ang kamakailang yumanig sa mga kumpanya ng Matibay Cement Factory at Filminera Resources Corp.

Ngunit hibang lamang ang makaiisip na isusuko ng masang anakpawis na nagpuhunan ng buhay-at-kamatayan upang mabawi ang lupa mula sa mga rantsero.

Para sa isang rehiyong tinatarget ng papet na rehimeng tayuan ng sandamakmak na dambuhalang minahan at proyektong panturismo, hindi nalalayong ito rin ang panganib na nakaamba sa buhay at kabuhayan ng masang Bikolano sa iba pang prubinsya. Sa Albay at Sorsogon, paulit-ulit nang ipinatatawag ang mga residente at ilang araw na pinababalik sa kampo ng militar. Pinupulong nila ang mga barangay council at tinatakot ang sinumang maaaring simpatisador ng rebolusyonaryong kilusan.

Nasaan mang bahagi ng rehiyon o ng bansa, pinagbibigkis ang lahat ng mamamayan ng isang kolektibong karanasan at pangarap – ang karanasan ng walang humpay na pang-aapi at pagsasamantala at ang pag-aasam na lumaya mula rito. Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na makiisa at tumulong sa pagtatambol ng mga neoliberal at pasistang atake ng rehimeng US-Duterte sa Masbate at sa iba pang bahagi ng rehiyon. Ilantad ang RCSP bilang instrumento ng pasistang rehimen upang itulak ang anumang adyendang sang-ayon sa interes ng mga imperyalista at alagad nito.

Hindi kailanman nabigo ang kilusang masang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at lehitimong interes. Nasa panig nila ang hustisya, at nasa panig nila ang tagumpay. Panata ng rebolusyonaryong kilusang gabayan at samahan ang masang Bikolano sa bawat hakbang upang makamit ito.

https://cpp.ph/statements/itinataguyod-ng-mga-operasyong-rcsp-ang-neoliberal-at-pasistang-interes-ng-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.