Wednesday, October 21, 2020

CPP/NDF-Bicol: Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan, lumaya mula sa kagutuman at pasismo!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 20, 2020): Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan, lumaya mula sa kagutuman at pasismo!

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 20, 2020



Ginugutom at pinapatay ng rehimeng US-Duterte ang mamamayang Pilipino. Ngayong taon, naitala ang pinakamataas na tantos ng kagutuman sa bansa sa loob ng dalawang dekada. Ngayong taon din maitatala ang isa sa pinakamatataas na bilang ng masaker sa rehiyon mula 2016. Ito ang patung-patong na pagdurusang ipinababalikat ng bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema sa mga magsasaka at iba pang aping uri sa lipunan.

Lagi’t laging magkatambal ang hambalos ng pasismo at neoliberalismo sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino. Pinakamataas ang konsentrasyon ng pwersa ng militar sa mga bayang saklaw ng malalawak na pagpapalit-gamit ng lupa upang bigyang-daan ang mga mapanirang proyektong pang-imprastruktura. Sa Kabikulan, sinasalakay ng operasyon ng Retooled Community Support Program (RCSP) ang mga bayan kung saan itatayo ang mga dambuhalang imprastruktura at mga taktikal na kalsadang pinalalawak para sa turismo, pagmimina at iba pang industriya.

Bakit nga naman mag-aaksaya ng panahon ang gubyernong pataasin ang antas ng kultura at pamumuhay kung mangangahulugan ito ng pagkamulat at pagkakaroon ng kapasyahan ng mamamayan nito? Sa Albay, Sorsogon at Masbate, mga prubinsyang kasalukuyang binubuhusan ng ibayong pwersa ng operasyong RCSP, winawasak ng AFP ang mga tahanan at taniman ng mga magsasaka. Walang habas na pambubomba, istraping, indiscriminate firing, at sadyang paninira ng pananim ang wumawasak sa natatanging kabuhayan ng mga magsasaka. Makailang beses na ring hinarangan ng mga tsekpoynt ng militar at pulis ang mga magsasakang walang ibang hinangad kung hindi ihatid ang kanilang produkto sa sentrong bayan.

Ito ang reaksyunaryong gubyerno, at sa huli, sistemang pababagsakin ng rebolusyong pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP. Bahagi ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan ang pagpawi sa kagutuman at pagkamit ng katarungan para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado. Pinatunayan ng karanasan ng bansa sa pagharap sa pandemya ang humihigpit na pangangailangan sa isang ekonomyang nakaasa-sa-sarili at pagpapahalaga sa agrikultura ng bansa. Sa mga purok na mayroong organo ng Pulang kapangyarihan matatagpuan ang mga grupong tulungan at mga kooperatiba ng mamamayan na nagsisikap na mapaunlad ang pamamaraan sa pagsasaka. Ilang grupong tulungan sa Kabikulan na ang nakapag-ani ng labis-labis na palay at gulay at nakapagpamigay pa ng kanilang ani sa mga katabing baryo at syudad. Sa mga baryong ito, mahigpit ding napanghahawakan at buu-buong naisasapraktika ng taumbaryo ang kanilang mga karapatan. Dito, kinikilala ng taumbaryo ang kanilang hukbo bilang katuwang sa produksyon at pakikibaka hindi mga nangwawasak ng kanilang kabuhayan.

Walang ibang natatakot sa mapagpalayang rebolusyon ng mamamayan kung hindi ang mga gahaman at mapagsamantalang naghaharing-uring takot sa pagbabanat ng buto at sa lipunang hindi umiiral ang pang-aapi at pagsasamantala. Kaisa ng uring anakpawis ang NDF-Bikol sa pagpapanday ng isang kinabukasang hindi na kailangang danasin pa ang labis-labis na kahirapan at kagutuman.

Tutulan at labanan ang mga mga mapangwasak na proyekto sa kanayunan! Biguin ang RCSP!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

https://cpp.ph/statements/ipagtagumpay-ang-demokratikong-rebolusyong-bayan-lumaya-mula-sa-kagutuman-at-pasismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.