Wednesday, June 14, 2023

CPP/NPA-Masbate: Itakwil ang huwad na independensya! Isulong ang makatarungang digma sa pagkamit ng tunay na kalayaan at demokrasya ng bayan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 12, 2023): Itakwil ang huwad na independensya! Isulong ang makatarungang digma sa pagkamit ng tunay na kalayaan at demokrasya ng bayan (Reject false independence! Promote the just war in achieving the true freedom and democracy of the people)
 


Luz del Mar 
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

June 12, 2023

Ginugunita ng sambayanang Pilipino ang ika-125 taon ng hilaw na paglaya ng Pilipinas sa kolonyalistang Espanyol habang lalo pang ipinagkakait ng imperyalistang US at mga kasabwat na lokal na naghaharing-uri ang tunay na kalayaan.

Tulad ng pagtataksil ng ilustradong pamunuang Aguinaldo sa rebolusyong Pilipino, sukdulang nagpapakatuta ang rehimeng US – Marcos Jr.-Duterte sa paghila sa bansa bilang posibleng lunsaran ng sumisiklab na armadong tensyon sa pagitan ng mga imperyalistang US at Tsina. Dapat panghawakan ang aral sa kasaysayan na ang kalayaan ay hindi ipinagkakaloob at kusang ibinibigay kundi dapat ay ipinaglalaban ng mamamayan.

Pinagpipilitan ng malalaking burgesya kumprador, burukrata kapitalista at panginoong maylupa na ipatanggap sa mamamayan ang kabuktutan ng kasaysayan. Pinalalabas ng mga ito na ang imperyalistang US ay tagapagligtas at kaibigan ng bansa upang pagtakpan ang pag-agaw nito sa tagumpay ng rebolusyong 1896 laban sa kolonyalistang Espanyol at pumatay sa ilang libong Pilipino.

Sa pagtataksil ng ilustradong pamunuan ng rebolusyon, madaling naagaw ng imperyalistang US ang tagumpay ng rebolusyong 1896 at sinakop ang bansa bilang isang kolonya. Ilinuklok sa gubyerno ng Pilipinas ang papet na si Aguinaldo upang matiyak ang kolonyal na kontrol ng US sa Pilipinas. Patuloy na nasa dominasyon ang larangan sa ekonomya, pulitika, militar, kultura at ugnayang panlabas kahit di-tuwiran nitong pinamamahalaan ang bansa. Walang kalayaan ang bansa na tumayo sa sarili nitong mga paa bunsod sa mga tagibang na kasunduan at pagluklok nito ng mga reaksyunaryo at papet.

Tulad ng mga nagdaang rehimen, sunud-sunuran ang rehimeng US – Marcos – Duterte sa dikta ng kanilang among imperyalista. Sa ilalim ng bagong papet na rehimen higit pang pinahigpit ng imperyalistang US ang kanilang kontrol sa bansa. Nakatakda itong magtayo ng karagdagang kampo sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Direkta nitong minamanduhan ang Armed Forces of the Philippine (AFP) na maglunsad ng kontra-mamamayan at kontrarebolusyonaryong gera alinsunod sa US – Counter-insurgency Guide upang durugin ang armadong paglaban ng mamamayan.

Upang bigyang-katwiran ang panghihimasok ng US sa gera sibil sa bansa, binabansagan nito kasabwat ang mga matataas na upisyal sa gubyerno at AFP ang New People’s Army at mamamayang lumalaban bilang mga terorista. Tuwirang idinedirehe at nakasandig ang AFP sa pagsasanay, pag-aarmas at pagpaplano sa US.

Sa pangarap nitong manatili bilang solong pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo at estratehikong paikutan ang Asya, balak ng US na muling gawing lunsaran sa kanyang mapanupil at mapanakop na gera ang Pilipinas. Walang patumanggang idinadawit nito ang bansa sa kanyang pang-uupat ng gera laban sa Tsina at iba pang kalaban nitong bansa. Ang mga ilinulunsad na mga joint-military exercises tulad ng Balikatan ay bahagi sa paghahanda ng imperyalistang US at alyado nitong mga bansa para sa posibilidad ng pagsiklab ng gera sa pagitan nito at ng Tsina.

Isinasangkot naman ng rehimeng Marcos Jr. ang bansa sa panghahamon sa Tsina habang bahag ang buntot nito upang ipaglaban at ipagtanggol ang West Philippine Sea. Sa halip, tuwiran nitong ilinalagay sa panganib ang seguridad ng bansa sa banta ng inter-imperyalistang digmaan.

Bwelo ring ilinalarga ng imperyalistang US ang neoliberal na patakaran sa ekonomya sa Pilipinas sa pamamagitan ng kinatawan nitong si rehimeng Marcos Jr. Tuwirang ibinubuyangyang ni Marcos ang bansa sa labis na importasyon at pagpasok ng mga dayuhang investments at negosyo. Ibinebenta sa dayuhan at pribadong korporasyon ang mga pampubliko at pag-aari ng gubyerno na mga pasilidad at institusyon habang walang kontrol ang gubyerno sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang batayang pangangailangan ng masa.

Dagdag pahirap pa sa masa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagbagsak ng kanilang kita. Ang kawalan ng trabaho sa kalunsuran. Ang patuloy na pagdausdos sa presyo ng mga produktong agrikultural ng mga magsasaka at kawalan ng lupa at kabuhayan.

Sa kabilang banda, minadali ni Marcos Jr. na ipasa ang Maharlika Investments Fund na isang uri ng scam. Gagamitin ng gubyerno ang pera ng sambayanan upang higit pang lumaki ang kita ng mga malalaking burgesya kumprador na kaanak at kroni ng kanilang pamilya. Sa halip na ilaan para sa pagpapahusay sa kabuhayan ng masa at pampublikong serbisyo.

Hinehele rin ng malalaking burgesya kumprador, burukrata kapitalista at panginoong maylupa ang mamamayan sa pagpapaniwalang para sa kaligtasan, kaunlaran at kapayapaan ng bansa ang pakikipag-alyado sa imperyalistang US. Sa takot na sumiklab ang nag-aalimpuyong galit ng mamamayan na pinatindi sa dinaranas nitong krisis at pagdurusa sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Nararapat lang na itakwil ng masang Masbatenyo at buong sambayanang Pilipino ang huwad na independensya dahil ito ang nagkait sa tagumpay ng rebolusyong 1896. Balikan ang kasaysayan at ipagpatuloy ang armadong paglaban na tanging paraan sa pagkamit sa tunay na demokrasya at kalayaan ng bayan. Nananatiling mataba ang lupa para sa digmang bayan!

Mapagtatagumpayan lamang ang rebolusyon kung ito’y nasa pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista. Kailangang magkaisa ang lahat ng mga patriyotiko at demokratikong sektor ng sambayanang Pilipino laban sa dominasyon ng US. Mahigpit na tanganan ang armas. Ipagpatuloy ang rebolusyong 1896 sa bago nitong tipo na pambansa demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng uring proletaryado at itayo ang sosyalistang lipunang Pilipino.#

https://philippinerevolution.nu/statements/itakwil-ang-huwad-na-independensya-isulong-ang-makatarungang-digma-sa-pagkamit-ng-tunay-na-kalayaan-at-demokrasya-ng-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.