Wednesday, June 14, 2023

CPP/NDF-ARMAS-TK: Hinggil sa awit na “Ang Bagong Hukbong Bayan” na ginamit ni Bb. Karla Estrada

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 10, 2023): Hinggil sa awit na “Ang Bagong Hukbong Bayan” na ginamit ni Bb. Karla Estrada (Regarding the song "Ang Bagong Hukbong Bayan" used by Bb. Karla Estrada)
 


Nika Antares
Spokesperson
Artisa at Manunulat ng Sambayanan-Southern Tagalog (Balangay Debora Stoney)
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

June 10, 2023

Nag-trend sa social media ang post ni Bb. Karla Estrada sa Instagram noong Hunyo 7 kung saan nagkamali siyang gamitin ang awiting “Ang Bagong Hukbong Bayan” na anthem ng New People’s Army (NPA) bilang background music ng kanyang video reel. Sa kanyang video reel, ipinakita ang mga larawan ng kanyang pagpasok sa Philippine Army bilang reservist.

Kakatwang napili niya ang awit ng NPA laluna’t magkatunggali ang NPA at ang sinaniban niyang Armed Forces of the Philippines (AFP). Higit limang dekada na ang gera-sibil sa Pilipinas kung saan pangunahing pwersa ang NPA na naglulunsad ng armadong pakikibaka upang ibagsak ang paghahari ng mala-kolonyal at malapyudal na sistema na pangunahing pinoprotektahan ng AFP-PNP.

Para maglinaw, daigdig ang kaibahan ng prinsipyo at gawa ng NPA sa AFP. Ang NPA o Bagong Hukbong Bayan, na absolutong pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) o Partido Komunista ng Pilipinas, ang tunay na hukbo at tagapagtanggol ng mamamayan. Ipinaglalaban ng NPA ang pambansa at demokratikong aspirasyon ng sambayanang Pilipino. Habang ang AFP ang berdugong protektor ng mga naghaharing uring malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa, burukratang kapitalista at kasangkapan ng mapandigmang imperyalismong US.

Sa pagiging inosente sa pagpili ng awitin, lumalabas na napukaw si Bb. Estrada ng militanteng awit ng NPA. Sinasalamin ng awit kung ano ang NPA—sandata ng sambayanan, hukbo ng himagsikan at tagapagtanggol ng kalayaan. Hindi ba’t ito naman talaga ang hinahangad ng mamamayang Pilipino sa kanilang hukbo? Sa awit, kinikilala ang CPP bilang dakilang gabay sa pagsusulong ng himagsikan hanggang makamit ng sambayanan ang tunay na kalayaan hanggang tagumpay.

Sa kakatwang insidente, nagkaroon ng puwang ang NPA para ipakilala ang sarili nito sa mas marami pa. Hinihikayat ng ARMAS-TK si Bb. Estrada at iba pang mga artista na higit pang aralin ang lipunan at rebolusyong Pilipino. Pakinggan ang iba pang awit ng NPA—Karaniwang Tao, Anak ng Bayan, Tao ang Mahalaga at iba pa*. Ang mga awit ng NPA ay pumapatungkol sa kalagayan at pakikibaka ng karaniwang magsasaka, manggagawa, kabataan na nag-armas para kamtin ang kanilang mga demokratikong karapatan at kamtin ang tunay na kalayaan. Napakayaman na ng baul ng rebolusyonaryong sining at panitikan ng NPA at buong rebolusyonaryong kilusan. Libre itong itanghal at ipalaganap ng sinuman.

Sa kabilang panig, anumang ilabas ng AFP ay hungkag, basura at larawan ng kabulukan ng sistemang pinagsisilbihan nila. Binabaluktot at pinapatay ng mga awit at propaganda nito ang diwang makabayan at esensya ng demokrasya.

Higit na nalantad sa pangyayaring ito na walang patutunguhan ang mga PR stunt ng AFP na ginagamit pa ang mukha ng mga personalidad at artista sa entertainment industry sa desperasyong pabanguhin ang umaalingasaw nitong gabundok na krimen sa mamamayan. Patunay lamang ito na anumang kasinungalingan at pagba-balatkayo ang gawin nila ay mananaig pa rin ang katotohanan at tunay na adhikain ng bayan para sa magandang buhay at kinabukasan.###

https://philippinerevolution.nu/statements/hinggil-sa-awit-na-ang-bagong-hukbong-bayan-na-ginamit-ni-bb-karla-estrada/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.