Thursday, March 31, 2022

CPP/NPA-Northern Quezon: Ipagdiwang ang ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 29, 2022): Ipagdiwang ang ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! (Celebrate the 53rd anniversary of the New People's Army!)



Eliza 'Ka Eli' dela Guerra
Spokesperson
NPA-North Quezon
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

March 29, 2022

Ngayong araw na ito ipinagdiriwang natin ang ika-53 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Rebolusyonaryo at taas-kamaong pagpupugay ang ipinaaabot sa mga Pulang mandirigma at kumander ng AMC-NPA-NQ sa walang-humpay at ubos-kaya nitong paggampan at pagsasabalikat ng mabibigat na tungkulin alang-alang sa aping mamamayan na kanyang pinaglilingkuran. Sa mahigit limang dekadang pagsulong ng DRB mas lalo pang nag-aalab ang determinasyon ng Bagong Hukbong Bayan na magpunyagi at magpatuloy sa landas ng paglaban upang makapagpalawak at makapagpalakas ang rebolusyonaryong kilusan para sa higit pang pagsulong ng DRB.

Sa kabila ng krisis dulot ng pandemyang COVID-19, hindi naging hadlang ang bagong kalagayan sa AMC-NPA-North Quezon, bagkus ay nag-udyok ito na lalo pang magsumikap ang BHB na maabot ang mas malaking bilang ng populasyon sa mga bayan ng General Nakar, Infanta, Real at Polillo Group of Islands na biktima ng inutil at pabayang rehimeng Duterte.

Habang naghihikahos ang mamamayan sa kalunus-lunos nitong kalagayan, hungkag, palpak at mapanupil ang mga naging hakbangin ng papet na rehimen. Sa gitna ng matinding pangangailangan ng mamamayan sa karampatang ayuda, ginamit ito ng rehimeng US-Duterte at ng AFP-PNP bilang pain sa kanilang pekeng pagpapasuko. Sa North Quezon, may apat (4) na bugso ng pekeng pagpapasuko ang isinagawa ng 1st IBPA noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya. Ang pinasinsing focused military operations (FMO) ay nagdulot ng takot sa mamamayan at pagkatigil ng aktibidad at hanapbuhay nila. Habang niraratsada rin nito ang mga mapangwasak at anti-mamamayang proyektong imprastraktura tulad ng Kaliwa Dam at Real Wind Energy Project sa gitna ng lumalalang krisis, tinatambalan pa ang mga ito ng mga malawakang operasyong para tiyakin ang seguridad ng mga proyektong ito at supilin ang anumang pagtutol ng mamamayan sa mga proyekto.

Bigo ang AFP-PNP na alisan ng inisyatiba ang hukbong bayan na ilunsad ang mga rebolusyonaryong gawain nito sa hanay ng mamamayan. Hindi basta mapapahina ang diwang mapanlaban ng hukbo at handang suungin ang mas malalaki pang hirap at sakripisyo.

Matapang na hinarap ng AMC-NPA-NQ ang mga suliranin at lalo pang nagpalakas sa pamamagitan ng pag-aaral at wastong paglalapat ng taktikang gerilya. Walang-sawang umugnay at nagbigay-gabay ang mga ito sa masa kung paano pakikitunguhan ang pandemya, harasment at psywar na isinasagawa ng kaaway. Binibigo ng AMC-NPA-NQ ang kampanyang panunupil ng estado sa pamamagitan ng mga aksyong militar laban sa mersenaryong 1st IBPA. Tuloy-tuloy na iminumulat, inoorganisa at pinakikilos ang mamamayan ng Hilagang Quezon para sa kanilang makauring interes.

Matagumpay nitong nabalikan at nareaktiba ang mga eryang matagal nang hindi nakikilusan ng Bagong Hukbong Bayan at buong giliw silang tinangkilik ng masa. Sa mga eryang ito, itinaguyod ng masa ang hukbo habang nagbibigay ng mga serbisyo ang NPA sa kanila. Tumuwang ang mga ito sa produksyon ng masang magsasaka na nakatuon sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa lugar. Dahil sa kasalatan ng serbisyo sa kanayunan at sa malaking pangamba ng mamamayan sa COVID-19, ginamot at binigyan ng Pulang hukbo ang masa ng edukasyon hinggil sa pagbabakuna, at pagpapanatili ng kalinisan at kalusugan. Nilulutas ng mga ito ang mga dinudulog na problema ng mamamayan sa kanilang mga baryo at komunidad.

Patuloy na nagniningning ang Bagong Hukbong Bayan sa mata ng mamamayan sa kabila ng itim na propaganda at iba pang paninira ng AFP-PNP at ng buong rehimeng US-Duterte. Ang nakaraang mga taon ay naging patunay sa bakal na pagkakaisa ng masa at hukbo, dahil batid ng masa na tanging ang BHB ang hukbong magtatanggol sa kanilang lehitimong mga interes.

Ito ang dahilan kung bakit bigo ang rehimen sa kanyang pangakong dudurugin niya ang CPP-NPA sa pagtatapos ng kanyang termino. Nananaginip ito nang gising sa pag-aakalang ang rebolusyonaryong kilusan ay mapupuksa sa pagkakapaslang ng mga mabubuting anak ng bayan na nagsilbing lider ng Partido at NPA katulad ni Kevin “Ka Facio” Castro, ang pinakahuling martir ng Polillo Group of Islands. Hindi hihinto ang pakikibaka ng BHB at ng mamamayan, bagkus lalo lamang pinag-apoy ng rehimen sa puso ng mga naiwan ang diwang pag-ibayuhin ang paglaban hindi lamang sa kasalukuyang rehimeng US-Duterte, kundi sa buong reaksyunaryong estado hanggang sa maibagsak ito.

Lalong magpupunyagi ang AMC-NPA-North Quezon sa pagharap sa mga atake ng pasistang estado. Nauubos na ang oras ng rehimeng Duterte, at mapatutunayan lamang sa katapusan ng kanyang termino kung gaano kalakas at patuloy na ‘di magagapi ang Bagong Hukbong Bayan.##

Ipagdiwang ang ika-53 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

https://cpp.ph/statements/ipagdiwang-ang-ika-53-anibersaryo-ng-bagong-hukbong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.