Thursday, March 31, 2022

CPP/NPA-Mindoro: Patibayin ang Pagkakaisa ng Masa at Bagong Hukbong Bayan, Bigwasan ang Terorismo ng Estado, Isulong ang Digmang Bayan

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 29, 2022): Patibayin ang Pagkakaisa ng Masa at Bagong Hukbong Bayan, Bigwasan ang Terorismo ng Estado, Isulong ang Digmang Bayan (Strengthen the Unity of the Masses and the New People's Army, Defeat State Terrorism, Advance the People's War)



NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

March 29, 2022

Taas kamaong nagpupugay ang Lucio de Guzman Command-New People’s Army-Mindoro sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma sa okasyon ng ika-53 anibersaryo ng New People’s Army (NPA)! Kasama ang rebolusyonaryong masang Mindoreño, mga kadre’t kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga alyado’t kaibigan ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang maniningning na mga tagumpay sa pagsusulong ng armadong pakikibaka na pinangungunahan ng NPA. Ang NPA o Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay absolutong pinamumunuan ng mahal nating partido, ang Partido Komunista ng Pilipinas-Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM) na pinakakonsistente sa paglilingkod at pagtatanggol sa interes ng mamamayang Pilipino.

Ang NPA sa buong kapuluan ay patuloy na lumalakas at nagtatamasa sa hindi natutuyuang balon ng lumalawak at lumalalim na suportang masa. Sa Mindoro ang mga yunit ng LDGC-NPA-Mindoro at mga rebolusyonaryong masa ay nakapag-ipon ng lakas at mayamang mga aral sa mahigit 40 taon nitong pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang NPA ay may matibay na pundasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon dahil sa wasto at matalinong pamumuno ng dakila nating Partido. Taglay ng mga Pulang kumander at mandirigma ang bakal na disiplina, tiwala at pagmamahal ng masa at marubdub na layuning ipaglaban at ipagtanggol ang pambansa-demokratikong interes at mga karapatan ng mamamayang Mindoreno at sambayanang Pilipino.

Sa araw na ito, binibigyan natin ng pinakamataas na pagpaparangal ang mga dakilang martir at bayani ng Mindoro sa nakaraang tatlong taon ng magiting na paglaban sa kaaway at paglilingkod sa sambayanan. Sila sina Ka Farah (Lorelyn Saligumba), Ka Poldo (Dario Almonte), Ka Jake/Morgan (Reagan dela Calsada), Ka Analyn (Irene Yam-ay), Ka Jimer (Kook Mabugay), Ka Geron/Guiller (Elvin Celis), Ka Pia (Justine Vargas), Ka Kira (Queenie Daraman), Ka Edson (Cherry Velasco) at Ka Nick (Felimon Carabido); Ka Pado (Romar Orosa); Ka Noni (Nonoy Ambad); Ka Zander (Jay-r Mercado); Ka Wally (Mervin Malucon); Ka Gabi (Lito Buyayao Mogmog); Ka 25 (Rodel Panado Delos Santos); Ka Eldon (Banong Bandayan); Ka Jorel (Elmar Morillo); Ka Brian (Jason Tuberos Merciales) at Ka Alwyn. Gunitain at dakilain natin ang kanilang buhay at pakikibaka. Gawin nating huwaran at kunan ng inspirasyon ang kanilang walang pag-iimbot na pag-aalay ng kaisa-isang buhay para sa rebolusyon at sambayanan.

Sa nakaraang limang taon buong lakas na nagpunyagi ang LDGC-NPA-Mindoro at mamamayang Mindoreño sa pagsusulong ng armadong rebolusyonaryong paglaban sa harap ng brutal na panunupil ng pasista, kriminal at tiranong rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng utusang asong 203rd Brigade – PNP MIMAROPA. Layunin ng mga itong durugin ang NPA upang protektahan ang interes ng mga mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uring despotikong panginoong maylupa, malalaking burgesyang kumprador, mga dayuhang kumpanya sa mina at iba pang proyektong mapanira sa kalikasan na malawakang nangangamkam sa lupa ng mga magsasaka laluna sa lupaing ninuno ng mga katutubong Mangyan.

Muhing-muhi ang mga naghaharing-uri na ito sa NPA dahil ito ang pangunahing hadlang sa kanilang pangangamkam ng mga lupain, pandarambong sa likas na kayamanan sa Mindoro at pagsasamantala’t pang-aapi sa mamamayan. Nagngingitngit sila na kinukumpiska mula sa kanilang kamay ang mga lupain at libreng ipinamamahagi ang mga ito sa mga magsasaka at katutubong Mangyan. Krimen para sa mga naghaharing-uri ang ginagawang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng NPA sa masa dahil sa takot nila na ang mga dating kimi at sunud-sunuran ang lalagot sa kanilang kapangyarihan at papawi ng kanilang kasamaan. Ang mga alipures nilang AFP-PNP na masahol pa sa asong ulol na naghuhuramentado upang dahasin at takutin ang masa ay nagsasagawa ng terorismo laban sa mamamayan. Walang habas ang mga itong nambobomba, nang-iistraping mula sa ere, nanganganyon, walang patumanggang namamaril at nagsagawa ng kalupitan sa mga walang kalaban-labang sibilyan. Sa nakaraang tatlong taon, umabot sa 126 na libong Mindoreño ang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas.

Batid ng LDGC-NPA-Mindoro ang mabigat na hamon at banta ng panganib matapos na itakda ng tiranikong rehimen ang isla ng Mindoro bilang pangunahing pokus ng kampanyang supresyon sa rehiyong Timog Katagalugan. Idinagdag noong Enero ang 68th IBPA mula sa Basilan at ang isang kumpanya ng 80th IBPA mula sa probinsya ng Rizal. Maaalalang ang 68th IBPA ang isa sa berdugong batalyon sa ilalim ng berdugong si Palparan.

Umabot na sa kabuuang anim (6) na panagupang batalyon ng magkasanib na pwersang AFP-PNP (hindi kasama ang CAFGU at lokal na pulis) ang nasa isla sa ilalim ng 203rd BDE at PNP-MIMAROPA. Nakatakda ang mga itong maghasik ang lagim sa mga Mindoreño sa mga susunod na araw at buwan. Mula Pebrero 26 hanggang Marso 12, pinagdusa ng mga ito ang mga Mindoreño sa inilunsad na walang habas na pambobomba at pang-iistraping mula sa himpapawid at panganganyon gamit ang ipinagyayabang nilang mga air assets (FA50, Blackhawk helicopter) at mga kanyon. Winasak nito ang mga kaingin at gubat. Sinunog nila ang bahay ng mga katutubo. Ninakaw at kinatay pa ng mga pasista ang mga alagang baboy at manok ng masa. Ilang libong mamamayan laluna mga katutubong Mangyan ang hindi na makatulog sa gabi at walang kapanatagan sa araw dulot ng epekto ng mga pagsabog. Dapat na isakdal at pagbayarin ang 203rd BDE – PNP MIMAROPA sa kanilang walang habas na pambobomba at mga krimen laban sa mamamayan.

Sa gitna ng sustinidong pang-aatake ng kaaway, matagumpay na nakapagpreserba ng lakas ang NPA. Sa katindihan ng pang-aatake ng kaaway, may mga eryang kailangang pansamantalang iwanan upang patuloy na mahawakan ng NPA ang inisyatiba sa paglaban. Dahil dito, nagawa ng LDGC-NPA-Mindoro na bigwasan ng matatagumpay na taktikal na opensiba ang palalong kaaway at sa gayon ay bigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang masang biktima. Sa loob ng tatlong taon, nakapaglunsad ang LDGC-NPA-Mindoro ng 61 taktikal na opensiba at mga aksyong militar na puminsala sa 149 na kaaway, may 58 sa mga ito ang killed in action (KIA), 87 ang wounded in action (WIA) at 4 ang naging prisoners of war (POW). Noong Mayo 28, 2021, matagumpay na nailunsad ng LDGC-NPA-Mindoro ang ambus laban sa 1st Maneuver Platoon, 1st Occidental Mindoro, PMFC-PNP sa sityo Banban, Brgy. Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro na lumipol sa laking seksyong pwersa ng kaaway na lulan ng isang sasakyan. Noon namang Enero 9, 2021, matagumpay na inambus ang Blackhawk Helicopter ng SOLCOM sa sityo Mantay, Monteclaro, San Jose.

Tunay na marupok ang haliging sinasandalan ng mga pasista sa paglulunsad nila ng kampanyang supresyon laban sa mamamayan. Sa kabilang banda, nakatitiyak ng pagsulong at tagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon at digmang bayan sa Pilipinas dulot ng di malutas na kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal at lumalalang krisis ng imperyalismo. Wala itong pag-ahon sa harap ng pag-ibayo ng krisis sa sobrang produksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista na pinalubha ng pagputok ng pandemyang Covid19. Nakatakda pa itong sumambulat sa harap ng nagaganap na pananalakay ng Rusya sa Ukraine dulot ng pang-uupat ng imperyalismong US at NATO. Sumisigaw ng pagbabago, kalayaan, demokrasya, katarungan at sosyalismo ang mamamayan ng buong daigdig, laluna ang sambayanang Pilipino.

Sa pagtatapos ng kriminal at tiranikong rehimen US-Duterte ibayo pang nabaon sa kumunoy ng kahirapan at krisis ang bansa at mamamayan bunga ng neoliberal na anti-mamamayang programa at patakaran ng rehimeng US-Duterte, ng kanyang palpak at pabayang pagtugon sa pandemya at ng korapsyon ng kanyang sariling pamilya’t mga kroni. Pinatay ng rehimeng Duterte ang industriya ng palay sa bansa at sa Mindoro dahil sa pagsasabatas nito ng makadayuhang Rice Tarrification Law. Matinding kahirapan ang idinulot nito sa higit kalahating milyong Mindoreño na pangunahing umaasa sa industriya ng palay. Isinubasta ni Duterte ang yamang likas sa bansa at sa Mindoro matapos na itulak ang dayuhang pagmimina at muling pahintulutan ang open pit mining. Nagtaksil ito sa bayan matapos isuko sa imperyalistang Tsina ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan at isla sa West Philippine Sea. Kinampihan nito ang Tsina kaysa ipagtanggol ang karapatan ng mga mangingisdang Mindoreño na sinagasaan ng mga barko ng Tsina.

Grabe ang galit ng sambayanan sa pangkating Duterte na labis na nagpapahirap sa kanila. Nakikipagsabwatan pa ito sa mga Marcos at Arroyo at nagpapakana ng pandaraya at panggugulo sa reaksyunaryong eleksyong Mayo 2022 para makapanatili at makabalik sa kapangyarihan at makatakas sa kanilang kriminal na pananagutan sa sambayanan.

Matalas naming sinasabi sa sambayanang Pilipino, Rebolusyon, hindi eleksyon ang solusyon sa daan taong kahirapan, pagkabusabos, pang-aalipin na dinadanas ng sambayanang Pilipino. Pinatunayan sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi nilutas bagkus ay ibayo pang pinalala ng mga reaksyunaryo at burges na eleksyon sa Pilipinas ang krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Malinaw na hindi ito tunay na ehersisyo ng demokrasya ng sambayanan. Paligsahan lamang ito ng mga naghaharing uri na bumubuo sa iisang porsyento (1%) ng populasyon sa Pilipinas sa ilalim ng basbas ng imperyalismong US upang mag-agawan sa kapangyarihan at pandarambong sa bayan. Sa gayon, walang maaasahang saligang pagbabago ang sambayanang Pilipino anuman ang magiging resulta ng kasalukuyang nagaganap na kampanyahan sa reaksyunaryong eleksyong Mayo 2022.

Ganoonman, iginagalang ng LDGC-NPA-Mindoro ang mga mamamayang naglalagay pa ng maliit na pag-asa na may mabuting idudulot sa kanila ang nagaganap na reaksyunaryong eleksyon. Pinapayuhan namin silang gamitin ang pagkakataong ito upang gawin ang lahat ng pagsisikap upang labanan ang panunumbalik, pagpapanatili sa kapangyarihan ng mga mamamatay tao at magnanakaw na Marcos-Duterte-Arroyo – ang nangungunang pinakamasamang pamilya na kampon ng mga demonyong naghari at nagpahirap sa sambayanang Pilipino. Makatitiyak ang sambayanang Pilipino na sasamahan at susuportahan ng LDGC-NPA-Mindoro sa kanyang pakikibaka upang labanan ng buong giting ang maitim na hangaring makabalik at makapanatili sa kapangyarihan ang alyansang Marcos-Arroyo-Duterte.

Kung gaanong sukdol hanggang langit na kinamumuhian ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri ang NPA, wala namang pagsidlan ang pagmamahal at pagpapahalaga ng masa sa NPA. Sa bawat lugar na mapupuntahan ng NPA, mainit ang pagsalubong, mahigpit ang mga kamayan at masigla ang mga kamustahan dahil dumating ang tunay nilang Hukbo na higit pa sa kapatid at kapamilya ang turing – kasama sa tawanan, kasalo sa hirap, kabalikat sa mga problema, handang magsakripisyo kahit buhay ay ialay para sa kanila. Sa mga lugar na pansamantalang naiwanan ng NPA, nangungulila ang mamamayan at mataas ang kanilang kahingian na muling saklawin ng pagkilos ng NPA ang kanilang lugar. Batid nilang nakamit nila ang mga tagumpay sa ekonomya at pulitika sa tulong ng NPA at nababawi ang mga tagumpay na ito ng mga naghaharing uri at lokal na tirano kapag nawawala ang NPA sa kanilang lugar. Mulat ang mamamayan na walang kahit ano ang masa, kung wala ang bagong hukbong bayan! Pinatunayan sa kasaysayan na walang anumang tiranong kapangyarihan ang makasisira o makapuputol sa mabuting relasyon ng NPA at masa na pinanday ng mahabang kasaysayan ng matagalan at mahirap na pakikibaka.

Nakakamit ng NPA ang mga tagumpay dahil sa mahigpit na pagtangan sa taktikal na linyang militar ng Partido na ilunsad ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na umaani ng papalawak at papalalim na suportang masa. Ang digmang bayan na sa simula ay nagkakaanyo sa porma ng gerilyang pakikidigma ay di-magagaping sandata ng mamamayang rebolusyonaryo na napatunayan sa kasaysayan ng Rebolusyong Tsino (1935-1949) at Rebolusyong Byetnames (1945-1975) na nagtagumpay laban sa mga kaaway nilang imperyalismo, panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador at lokal na pasistang burukrata.

Nangangarap nang gising ang mga pasista at ang rehimeng US-Duterte sa hangarin nitong maghasik ng takot sa mga rebolusyonaryo at mamamayan sa Mindoro. Mahigpit na hawak ng NPA ang prinsipyong ang mamamayan ang magpagpasya sa pagtatagumpay ng anumang digmaan. Kabaliktaran, higit na itinaas ng mga krimen ng mga pasista laban sa mamamayan ang makauring pagkamuhi ng Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong mamamayan sa mga pasista’t kaaway sa uri. Lalung nasasapol ng LDGC-NPA-Mindoro ang kanyang natatanging halaga sa buhay ng mga Mindoreño at sambayanang Pilipino bilang pangunahing sandata nila upang kamtin ang rebolusyonaryong hustisya, parusahan ang mga pasistang salarin at palayain sila sa kahirapan, pagkabusabos at pagsasamantala. Lalung pag-iibayuhin ng LDGC-NPA-Mindoro ang kanyang dakilang misyon na ipagtanggol ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanan at isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.

Sa pakikipaggitgitan at paglaban sa mga mersenaryo’t pasistang kaaway, lalung natututo ng maraming taktika at pamamaraan ang NPA sa pagharap at paggapi sa mga kalaban. Sa masipag, matiyaga at maingat na paraan, matalas na pinag-aaralan ang bawat galaw ng kaaway. Nagiging bihasa sa taktikang gerilya ang hukbong bayan–kumikilos na hindi nakikita ng kaaway, tumatawa at nagsasalita na hindi naririnig ng kaaway. Nagiging mapagmatyag at matalas sa pagtaya sa kilos ng kaaway—nagpaparamdan sa Silangan kapag nasa Kanluran ang kaaway, nagpaparamdam sa Kanluran kapag nasa Silangan ang kaaway. Maalam na inaaral at kinakabisa ang batayang prinsipyo ng gerilyang pakikidigma—umaatras kung umaatake ang kaaway; hinaharas ang nagkakampong kaaway; umaatake kung umaatras ang kaaway. Higit sa lahat, mahigpit na nakikipagkaisa at hindi humihiwalay ang hukbong bayan sa masa nitong pinaglilingkuran.

Sa kalaunan, aagawin kung hindi man ay wawasakin ng NPA at rebolusyonaryong mamamayan ang mga makabagong armas ng kaaway upang ipahawak ito sa mamamayan mamamayan at gamitin sa rebolusyonaryong pagtatanggol at paglaban. Mula sa 9 na ripleng awtomatik na pinagsimulang armas ng NPA noong Marso 29, 1969, napagpunyagian ng NPA na kumpiskahin ang libu-libong armas mula mismo sa AFP-PNP. Ipinagmamalaki ng NPA na ang kanyang mahigit sa siyamnapung porsyento ng libu-libong armas ngayon ay nagmula mismo sa mga kinumpiskang armas sa AFP-PNP. Ito ay dahil sa naisapraktika ng NPA ang dictum ng pakikidigmang gerilya na magpalakas pangunahin sa pamamagitan ng paglaban, sa paglulunsad pangunahin ng mga batayang taktikal na opensiba upang kunin ang armas at mga kagamitang militar ng kaaway, lipulin ang kayang lipuling mahihinang parte ng kaaway, planado at kalkuladong patamaan ang mga estratehikong bahagi nito (komunikasyon, paniktik, lohistika, rekurso at kagamitan) kasabay ng malaganap na suplementaryong atritibong aksyong militar, at mga operasyong partisano sa mga syudad at malalaking sentrong bayan. Sa ganito, anumang makabagong armas mayroon ang kaaway, nakatitiyak na magkakaroon din ang NPA sa mga darating na araw. Magkakapit-bisig ang masa at NPA na determinadong pangibabawan ang lahat ng sakripisyo gaanuman kahirap upang isulong ang rebolusyon, biguin ang imbing layunin ng pasista, terorista at tiranong rehimeng Duterte na durugin ang rebolusyonaryong pwersa.

Sa okasyon ng ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, isinusumpa ng LDGC-NPA-Mindoro na gagampanan ang dakilang tungkuling ibagsak at lalabanan ang alyansang Marcos-Arroyo-Duterte at isusulong hanggang tagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Gagawin ito ng NPA nang may buong kasiyahan, determinasyon at kagalakang iaalay ang lakas, talino at buhay sa paglilingkod sa bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan sa Mindoro!
Isakdal at pagbayarin ang pasista, kriminal, terorista at tiranong rehimeng Duterte at kanyang mga alipures sa kanilang utang na dugo at makahayop na paglabag sa pantaong karapatan!
Isulong ang pakikidigmang gerilya!
Digmang Bayan Sagot sa Terorismo ng Estado at Tanging Lunas sa Kahirapan!

https://cpp.ph/statements/patibayin-ang-pagkakaisa-ng-masa-at-bagong-hukbong-bayan-bigwasan-ang-terorismo-ng-estado-isulong-ang-digmang-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.