Thursday, March 31, 2022

CPP/NDF-Palawan: Ipagbunyi ang pagpupunyagi ng NPA kasama ng nakikibakang mamamayan sa gitna ng napakatinding krisis at walang-tigil na pasismo ng rehimeng US-Duterte laban sa mga Palaweño at sa buong sambayanang Pilipino!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 29, 2022): Ipagbunyi ang pagpupunyagi ng NPA kasama ng nakikibakang mamamayan sa gitna ng napakatinding krisis at walang-tigil na pasismo ng rehimeng US-Duterte laban sa mga Palaweño at sa buong sambayanang Pilipino! (Celebrate the efforts of the NPA with the struggling people in the midst of the intense crisis and relentless fascism of the US-Duterte regime against the Palaweños and the entire Filipino people!)



Leona Paragua
Spokesperson
NDF-Palawan
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

March 29, 2022

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinaaabot ng National Democratic Front – Palawan (NDF-Palawan) sa New People’s Army (NPA) sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag. Ibinibigay rin natin ang pulang saludo para sa mga kumander at mga mandirigma ng NPA na matapang at matatag na nagpunyagi at nakibaka sa harap ng malupit na kontra-rebolusyunaryong atake ng pasista at teroristang rehimeng US-Duterte.

Ginagawaran naman ng NDF-Palawan ng pinakamataas na parangal ang mga dakilang martir na sina Bonifacio “Ka Boywan/Nato” Magramo, Charity “Ka Rise” Diño, Ma. Andrea “Ka Naya” Rosal, Noli “Ka Selnon/Lines” Siasico, Rona Jane “Ka Orya/Lemon” Manalo, Antonio Molina, Jay-ar “Ka RG” Sento, Justine Ella “Ka Pia” Vargas, Nelyn “Ka Aldin” Dabdab Emon at Remil “Ka Azumi” Padilla Rodriguez, at ang lahat ng mga martir ng rebolusyong Pilipino. Walang pag-iimbot nilang inialay ang kanilang kaisa-isang buhay alang-alang sa paglilingkod sa mga Palaweño at sa buong sambayanang Pilipino. Sila ang mga huwarang nakaukit na sa kasaysayan at puso ng bawat rebolusyunaryo at ng mamamayan. Patuloy silang magiging maningning na inspirasyon sa laksa-laksang mamamayang nakikibaka tungo sa pambansang paglaya.

Labis ding pinasasalamatan ng NDF-Palawan ang lahat ng kapamilya at kaanak ng mga Pulang mandirigma ng NPA, at ang masang inaapi’t pinagsasamantalahan, sa kanilang patuloy na suporta sa armadong pakikibaka at sa buong rebolusyunaryong kilusan. Batid nila ang kahalagahan ng armadong pakikibaka bilang pinakamahalagang sangkap sa pagpapabagsak ng reaksyunaryong estadong pinamumunuan ng mga mapagsamantalang uri. Ang kanilang pakikiisa at pagtulong sa pagsusulong ng digmang bayan ay isang balon ng lakas para sa pagpapatuloy hanggang sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino.

Sa limampu’t tatlong taong paglilingkod ng NPA, nanatili itong matatag at matapang sa pagharap sa papatinding atake ng mersenaryong AFP-PNP. Walang ni anumang makabago o malalakas na mga kagamitang militar ng kaaway ang nakapagpabagsak sa determinasyon ng Hukbo ng mamamayan. Matatag nitong pinanghawakan ang mga prinsipyo ng pakikidigmang gerilya kaya’t magiting nitong napangibabawan ang naglalakihan at masinsing mga operasyon. Hindi natitinag ang Pulang hukbo kahit sa harap ng napakatinding psywar ng estado sa panahon ng rehimeng US-Duterte. Patuloy itong magsisilbi sa interes ng pinakamamahal nitong masa.

Buong loob ring pinangunahan ng NPA, sa absolutong pamumuno at gabay ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang pagsusulong ng digmang bayan sa kanayunan. Walang humpay itong naglunsad ng mga kampanya para sa rebolusyong agraryo upang tulungan ang mga maralitang magsasaka. Masikhay at determinado itong nagmulat, nag-organisa, at nagmobilisa ng mamamayan para ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan. Hindi rin ito nag-atubiling tulungan ang lahat ng masa sa kahit anong paraan–pagtuturo, panggagamot, pagtulong sa kabuhayan, pagsawata ng kriminalidad at iba pa. Nagpursigi rin itong makapagpalawak ng mga base at sonang gerilya sa kanayunan, maging sa mga laylayan padikit ng kalunsuran, para maabot ang mas malawak na mamamayan, sa gitna ng walang habas na terorismo ng AFP-PNP. At sa bawat lugar na naabot ng NPA, napatunayan ang labis na pagkasabik ng mamamayan at umaapaw na suporta nito sa kanyang Pulang Hukbo.

Sa isla ng Palawan, nakapagpunyagi rin ang NPA. Higit itong naging matingkad sa nakaraang taon at mga nahuhuling sandali ng rehimeng US-Duterte. Kapit-bisig na hinarap ng NPA at ng mga Palaweño ang napakatinding pasismo ng estado laban sa rebolusyunaryong kilusan at sa hanay ng mamamayang lumalaban para sa kanilang karapatan. Hindi natinag ang NPA-Palawan sa mersenaryong mga atake ng AFP at PNP, sa pangunguna ng Western Command (WESCOM) at PNP-MIMAROPA. Mahusay itong nakapagmaniobra sa gitna ng mga Focused Military Operations (FMO), sa tulong ng masa, upang makapagpreserba at makapagpalakas muli para sa patuloy na pagtataguyod ng armadong pakikibaka. Kahit ang mga pekeng pagpapasuko ng NPA at matinding black props laban sa Pulang Hukbo ay hindi umubra upang mawasak ang NPA sa isla. Hindi ito naging mabisa upang sirain ang magandang relasyon at tiwala ng masa sa kanyang Hukbo. Ginabayan rin ng NPA ang mga Palaweño sa matatag nitong pagharap nagpapatuloy na Retooled Community Support Program (RCSP) sa iba’t ibang mga baryo na naghahasik ng teror at panlilinlang sa mga komunidad. Nakapaglunsad pa ang Pulang Hukbo sa isla ng opensiba laban sa mga pwersa ng 3rd Marine Battalion Landing Team (MBLT-3) na isa sa nagpapatupad ng FMO at RCSP.

Nariyan rin at laging handang tumulong ang NPA sa mamamayan ng Palawan sa gitna ng krisis dulot ng nagpapatuloy na pandemyang COVID-19 at giyerang Russia-Ukraine, pagbubukas muli ng mga mapanirang minahan, at ang malubhang epekto ng kalamidad sa isla. Pinangunahan ng Hukbo sa mga kabundukan ang pagtuturo ng mga pamamaraan upang makaiwas sa COVID-19 at ang kampanya sa pagpapabakuna. Naging guro rin ang Pulang Hukbo ng mga kabataang nahirapan sa blended learning. Naging kaisa rin ang NPA sa paglaban sa mga mapanirang minahan. Makailang ulit na nitong pinarusahan ang ilang malalaking kumpanya ng mina sa isla. Hindi rin iniwan ng Pulang Hukbo ang mga Palaweño sa panahon ng pananalasa ng bagyong Odette.

Noon hanggang ngayon, natatangi ang buong pusong paglilingkod ng NPA sa mamamayan. Kaya naman, hindi kailanman magmamaliw ang suporta at pagmamahal ng sambayanan sa kanyang Pulang Hukbo. Patuloy itong makakapagpalaki at makakapagpalakas sa paglipas ng panahon, sa pamumuno ng Partido. Ang tumitinding krisis sa bansa at pagpapahirap sa sambayanan dulot ng imperyalismo at ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ang siya ring magtutulak sa paglakas ng NPA at ng buong rebolusyunaryong kilusan. Hindi kailanman titigil ang NPA na magpunyagi at magkamit ng mga tagumpay sa harap ng matitinding kahirapan at sakripisyo, hanggang sa makamit ng buong rebolusyunaryong kilusan at ng mamamayan ang tiyak na tagumpay.

Mabuhay ang ika-53 Anibersaryo ng New People’s Army!

Mabuhay ang Communist Party of the Philippines!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!

https://cpp.ph/statements/ipagbunyi-ang-pagpupunyagi-ng-npa-kasama-ng-nakikibakang-mamamayan-sa-gitna-ng-napakatinding-krisis-at-walang-tigil-na-pasismo-ng-rehimeng-us-duterte-laban-sa-mga-palaweno-at-sa-buong-sambayanang-pili/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.