Sunday, February 21, 2021

Tagalog News: Pito pang miyembro ng BIFF sumuko sa militar

From the Philippine Information Agency (Feb 21, 2020): Tagalog News: Pito pang miyembro ng BIFF sumuko sa militar (By PIA Cotabato City)

PHOTO: DPAO-6ID, PA

LUNGSOD NG COTABATO, Peb. 21 (PIA) -- Pito pang mga miyembro ng rebeldeng grupo na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nag-ooperate sa Maguindanao ang nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan.

Ito ay matapos silang sumuko sa 2nd Mechanized Infantry Battalion (2MIB) sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang sa nabanggit na probinsya. Itinurn-over din ng mga sumukong rebelde ang isang 60mm mortar, isang Cal .50 Sniper rifle, isang 5.56mm M16A1 rifle, isang M1 Garand Cal .30, at isang M1 Garand Cal .30 converted to M14 rifle.

Binigyang-diin ni 2MIB Commanding Officer Lt. Col. Omar Orozco na ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde ay isang patunay aniya na naniniwala sila sa kapayapaang inaalok ng pamahalaan.

Inalala naman ng isa sa mga sumukong rebelde ang kanyang naging karanasan sa grupo. Aniya, pagod, gutom, at hirap ang kanyang dinanas kaya naisip nito, kasama ng anim pang kasamahan, na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.

Samantala, sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (JTFC) Commander Maj. General Juvymax Uy na ang patuloy na pagsuko ng BIFF ay resulta ng ‘AGILA-HAVEN’ o Anak na may GInintuang LAyunin upang Hintuan Ang Violent Extremism Ngayon na programa ng JTFC kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao.

Simula noong Seytembre 7, 2020, nasa kabuuang 78 mga BIFF na ang sumuko at nagbalik ng kanilang armas sa pamahalaan. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from DPAO-6ID).

https://pia.gov.ph/news/articles/1067389

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.