Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 19, 2021): 3-in-1Palawan: Salamangka ng monopolyong pandarambong ng mga imperyalista kasabwat ang mga taksil at tiranikong Duterte-Alvarez!
LEONA PARAGUASPOKESPERSON
NDF-PALAWAN
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 19, 2021
“Maghati para makapaghari” ang taktikang nuon pa man ay ginagamit ng mga imperyalistang mandarambong upang manakop ng bansa. Kung kaya’t malaking palaisipan sa mga Palawenyo ang magaganap na plebisito ng 3in1Palawan ngayong darating na Marso 13, 2021. Ang botong “Yes or No” ang magtatakda sa magiging husga upang hatiin ang isla ng Palawan bilang tatlong lalawigan. Ginawang sangkalan ng lokal na pamahalaan ang diumano’y pagpapabilis ng serbisyong panlipunan, kung kaya’t nuong 2019 ay ipinasang batas ang sinalamangkang RA11259 bilang solusyon dito. Daan din daw ito upang mapaunlad ang lalawigan.
Ang plebisito ang magseselyo ng paghahati subalit matindi ang alinlangan ng mga Palawenyo hinggil dito bunga ng mababaw na dahilan at hindi naman pagtugon nito sa tunay na problema sa Palawan. Hindi lang dahil sa pagiging inutil ng lokal na gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo, kundi na rin sa pagresolba ng tunay na suliraning nakakabagabag sa mamamamayan.
Bukod sa walang pangangailangan na hatiin ang Palawan, wala sa panahong pag-usapan ito. May mas malalaking problema sa Palawan na dapat na unahing pag-usapan, laanan ng panahon at solusyunan ng gubyerno, tulad ng:
1. Ligalig pa rin ang mamamayan sa pandemyang Covid-19 na may bago na ngang tuklas na variant nito. Nagpapapatuloy ang paglaganap ng sakit, at habang tumatagal ay nawawala na ang responsibilidad ng gubyerno kaugnay sa problemang pangkalusugan. Wala pa ring nailalatag na solusyon sa malalang epekto nito sa kabuhayan. Ang kawalan ng pagkakakitaan ay nagdudulot ng malawakang kagutuman sa mamamayan.
Kung talagang ipapauna ang pagpapahusay sa Palawan at kagalingan para sa mga Palawenyo, ang pagpapabakuna at libreng serbisyong pangkalusugan ang dapat ilagay sa unahan ng gubyerno at hindi maniubrang pulitikal ng pagkagahaman sa pwesto sa pamamagitan ng inilulusot na 3in1 Palawan na itinaon pa naman sa panahong gulong-gulo ang isip ng mga Palawenyo kung paano mairaraos ang kahirapang dulot ng pandemya.
2. Ang isyu ng West Philippine Sea (WPS) at ang garapalang pagyurak ng imperyalistang China sa soberanya at patrimonya ng Pilipinas ang usaping tila umurong ang dila at nagmistulang bulag at bingi si Jose Chavez Alvarez at mismong si Duterte. Harap-harapan nang niyuyurakan ang karapatan natin sa WPS subalit bahag talaga ang buntot ng mga ito sa China. Sa katunayan ay tila nagbabarako sa pagbabanta nito na papuputukan ang sinumang papasok anila sa itinuturing nilang teritoryo, kung kaya’t walang takot na hinaharas ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Palawenyo sa WPS.
Kung kinabukasan ng mamamayang Palawenyo at mahusay na serbisyong panlipunan ang uunahing adyenda, higit na kailangan din nating ipagtanggol ang karapatan sa West Philippine Sea para pakinabangan ito hindi ng mga dayuhan kundi ng mamamayang Palawenyo. May pangmatagalang ganansya sa pagtitiyak natin sa teritoryo ng Palawan o ng ating bansa.
3. Ang pananatili ng base militar ng imperyalistang US sa bahagi ng Ulugan Bay sa Puerto Princesa City. Kung tutuusin naman, walang malinaw na pakinabang ang mamamayang Palawenyo sa base militar ng US. Mas pinakikinabangan pa nila ang Palawan at mga pasilidad nito sa isinasagawang mga ehersisyong militar.
Ang ganitong kalagayan ay lalong naglilinaw sa sagad-sa-butong paghalik nina Duterte at Alvarez sa paanan ng kanilang among imperyalistang US at China. Ang nasa likod ng walang kahihiyang paghahati sa teritetoryo ng Palawan ay upang patigasin ang sari-sariling kontrol at paghahari ng iba’t ibang paksyon ng lokal na naghaharing-uri sa Palawan para maluwag na madambong ang yaman nito. Kapalit din ng pagiging sunod-sunuran sa kagustuhan ng mga imperyalista ay ang makapanatili sa kapangyarihan at mailuklok pa ang sarili at pamilya ng mga Alvarez mismo at mga alipores upang magpakabundat pa sa yamang makukurakot pa, na sana ay para sa taumbayan.
Walang anumang magiging pakinabang ang mamamayang Palawenyo sa 3in1Palawan. Binubuksan lamang nito ang paghahati sa Palawan para pagharian ng iba’t ibang naghaharing paksyon habang sinosolo ni Alvarez ang malaking pakinabang sa dambong na yaman. Higit pa, pinagwawatak-watak nito ang pagkakabuo ng malakas na pagtutol at paglaban ng mamamayan sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. Ang hati-hating Palawan ay magiging bulnerable sa ibayong dayuhang panghihimasok at pandarambong sa likas na yaman nito. Ang 3in1Palawan ay “giveaway o regalo” lamang sa nagriribalang US at China na naghahangad na dambungin ang yaman ng Palawan!
Tutulan ang 3in1Palawan, igiit ang karapatan sa WPS!
Palayasin ang imperyalistang Kano at China sa Palawan!
Bakuna at libreng serbisyong pangkalusugan, hindi 3in1Palawan!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
https://cpp.ph/statements/3-in-1palawan-salamangka-ng-monopolyong-pandarambong-ng-mga-imperyalista-kasabwat-ang-mga-taksil-at-tiranikong-duterte-alvarez/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.