Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 21, 2021): Palabigasan ng militar ang programang pambarangay ng NTF-ELCAC
Share and help us bring this article to more readers.
Tulad ng E-CLIP, “balik-baril” at iba pang programang pangkontra-insurhensya, tiyak pakikinabangan ng mga upisyal ng militar ang inilaang ₱16.4 bilyong pondo sa Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ang programang ito ay hitik ng mga pagkakataon para sa korapsyon sa porma ng mga kikbak mula sa mga proyektong imprastruktura sa liblib na mga sityo at barangay.
Ipinagmamalaki ng NTF-ELCAC na “ilalayo” ng BDP ang mga magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ilalaan diumano ang pondo nito sa konstruksyon ng mga daanan, pagtatayo ng eskwelahan, patubig at sentrong pangkalusugan, at programang sanitasyon at reporestasyon. Napakarami nang ganitong mga proyekto sa nagdaang mga rehimen na walang saligang binago sa buhay ng masa. Ang mga proyektong ito ay lumilikha lamang ng ilusyon ng pagbabago dahil hindi nito tinutugunan ang malawakang kahirapan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala na ibinubunsod ng kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka. Tulad ng naunang mga programa rito, walang dalang pagbabago sa saligang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan ang BDP.
Mas litaw sa BDP ang daloy ng korapsyon. Ang pinakamalaking bahagi ng pondo nito ay nakalaan sa Davao City na mayroong 82 barangay na nakapaloob sa programa. Sumunod dito ang Bukidnon, Davao de Oro, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Iloilo, Misamis Oriental at North Cotabato. Lahat nang ito ay nasa Mindanao, bukod sa Iloilo. Halos kalahati ng pondo ng BDP ay paghahatian lamang ng dalawang rehiyon—Rehiyon 11 at Rehiyon 13. Ang matitira ay paghahatian ng 12 rehiyon.
Ang mga barangay na paglalaanan ng pondo ay “malinis” na umano sa impluwensya ng BHB. Pero kung titingnan ang datos, mula 2020, mayroong hindi bababa sa 100 armadong engkwentro na naganap sa mga barangay na tinukoy ng NTF-ELCAC.
Ang ₱20-milyong alokasyon kada barangay ay nabunyag na pamamahagi lamang ng pantay na kikbak sa mga lokal na upisyal. Pinasisinungalingan nito ang pahayag ng NTF-ELCAC na nakabatay ang kanilang listahan sa pangangailangan ng mga barangay samantalang tiyak na magkakaiba ang pangangailangan ng bawat isa. Gayundin, magkakaiba ang populasyon ng mga ito. Resulta nito, mayroong malaking agwat sa distribusyon ng pondo ng BDP mula ₱457 kada residente sa pinakamalaking barangay hanggang ₱181,818 sa pinakamaliit na barangay.
Para ipagtanggol ang programa, iginiit ng NTF-ELCAC na ang mga proyekto ay mula sa masusing pag-aaral at multisektoral na mga konsultasyon. Pero mismong si Sara Duterte, meyor ng Davao City, ang napilitang magsabing hindi siya kinonsulta kaugnay sa mga proyekto. Ginawa niya ang pagtanggi matapos makwestyon ang ₱1.64-bilyong alokasyon sa kanyang syudad, na 40% sa ₱4.3 bilyong nakalaan sa buong rehiyon ng Davao. Malinaw ang pagsapaw ng NTF-ELCAC sa burukrasyang sibil at mga lokal na upisyal.
Kalokohan ang pahayag ng NTF-ELCAC na 15% ng pondo ng BDP ay ilalaan sa pagtatayo ng mga eskwelahan (₱3 milyon kada barangay). Kung titingnan ang datos ng Department of Education, 216 sa 822 barangay na nasa listahan ang mayroon nang paaralan.
Sa Rehiyon 11, kung saan nabigay na ang unang bugso ng ₱4.3 bilyong pondo para sa BDP, 89 sa mga barangay dito ay mayroon nang paaralan. Kabilang dito ang siyam na paaralan sa Malabog, Davao City; anim na paaralan sa Colosas, Davao City; tiglimang paaralan sa Barangay Kingking, Pantukan, at mga barangay ng Tamugan at Malamba sa Davao City; at apat na paaralan sa Suawan, Davao City. Dagdag pa, sa naturang listahan ng mga barangay sa Rehiyon 11, mayroong 13 barangay na may hindi bababa sa tigatlong paaralan; 18 barangay na mayroong tigalawang paaralan, at 52 barangay na may tig-isang paaralan.
Sa 82 barangay na kabilang sa BDP sa Davao City, 70 (o 85%) ay mayroon nang paaralan, kung saan may 65 barangay na mayroong isa hanggang tatlong paaralan, at apat na barangay na mayroong hanggang dalawang paaralan at isang barangay na mayroong siyam na paaralan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2021/02/21/palabigasan-ng-militar-ang-programang-pambarangay-ng-ntf-elcac/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.