Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 16, 2021): Reyd at hindi “rescue operation” ang ginawa ng PNP-Region 7 sa Lumad Bakwit School sa Cebu
PATNUBAY DE GUIASPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 16, 2021
Mahigpit na kaisa ng sambayanang Pilipino ang NDF-Southern Tagalog sa pagtuligsa at pagkundena sa ginawang pagsalakay at pang-aaresto ng Philippine National Police-Region 7 (PNP- Region7) sa mga mag-aaral na Lumad, kabilang ang kanilang mga guro at Datu (elders) sa isang retreat house na pag-aari ng Societas Verbas Divini (SVD) na nasa loob ng Talamban campus ng University of San Carlos (USC) sa Cebu City noong Pebrero 15, 2021. Pinalilitaw ng PNP na isa itong “rescue operation” para diumano iligtas ang mga menor de edad, na ayon sa hepe ng PNP na si General Debold “Mañanita” Sinas, mula sa kamay ng mga “rebeldeng komunista”. Inaakusahan ng PNP, kahit walang matibay na ebidensya, na ang “bakwit school” ng mga Lumad sa USC ay ginagawang rekrutment ng NPA ng mga menor de edad para sanaying “child warriors”.
Lubos na nakagagalit ang marahas na pag-atake ng PNP-Region 7 at ang ginawang pag-aresto sa mga inosenteng mag-aaral na mga Manobong Lumad na karamihan ay mga menor de edad dahil lamang sa mga walang batayang paratang at red-tagging. Sa inilabas na video, makikita at madidinig ang mga sigaw ng mga batang labis ang pagkatakot sa mga iwinawasiwas na mga baril at sa marahas na panghuhuli sa kanila ng mga operatiba ng PNP-Region 7. Iligal na pinaghuhuli ng mga pulis ang 19 na estudyante na pawang mga menor de edad, 3 na mag-aaral na higit sa 18 ang edad, 2 Datu (elders) at 2 boluntir na guro kabilang si Chad Booc na guro ng ALCADEV at kasama sa mga nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act of 2020. Si Chad Booc ay biktima rin ng red-tagging ng AFP at PNP.
Malinaw na iligal ang ginawang pang-aaresto ng PNP-Region 7 at ang walang pasintabing pag-atake at paglusob sa campus ng USC. Bukod sa kawalan ng mga mandamyento, walang ginawang koordinasyon o paunang paghingi man lamang ng pahintulot ang PNP- Region 7 sa mga pinuno ng USC at mga pari ng SVD. Animo mga nakaaangat sa batas ang mga pulis na maaaring basta na lamang lumusob sa campus ng USC, magsagawa ng panghahalughog at pagdadamputin ang mga mag-aaral, guro at datu nang wala man lang pinapakitang mga dokumento o papel. Sa ganitong pangyayari, ipinamalas muli ng PNP ang kalupitan at impyunidad na kulturang namamayani sa kanilang hanay na walang sinusunod na mga batas at proseso ng mga batas taliwas sa kanilang tungkulin bilang mga diumanong tagapagpatupad ng batas. Malinaw na tahasang nilabag ng PNP ang umiiral na batas ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) na RA 7610 ng 1992 na isang batas na nagbibigay ng ispesyal na proteksyon sa mga bata (below 18 years old) laban sa pang-aabuso, pagsasamantala at diskriminasyon. Ang batas na ito ay muling diniinan sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Sa magkasamang pahayag ng Diocese of Cebu, SVD Southern Philippines at USC, sinabi nila na walang dahilan at hindi kinakailangang iligtas ng mga kapulisan ang mga Lumad dahil ang presensya ng mga ito sa retreat house ay para sa kanilang kagalingan at kabutihan. Ayon pa sa pahayag, sa buong panahon na nasa retreat house ang mga Lumad, mahusay nilang inasikaso at inaruga ang mga ito batay sa kanilang mga pangangailangan at interes.
Nabanggit din sa kanilang pahayag na ang mga dinampot ng PNP na 26 ay kabilang sa 42 mag-aaral, limang mga guro at tatlong community leaders na lumahok sa modular schooling activity noong March 2020 sa ilalim ng Bakwit School Program ng Save Our Schools (SOS) Network. Ang proyektong Bakwit School Program ng SOS na kanilang tinaguyod ay mula sa inisyatiba ng Archdiocese of Cebu-Commission on Social Advocacies. Nagtapos ang modular schooling noong April 3, 2020 at pabalik na sana sa kani-kanilang mga komunidad ang mga estudyante, dangan nga lamang at inabutan na ng lockdown dahil sa Covid-19, dagdag pa nila.
Sa buong panahon ng lockdown, ayon sa kanilang pahayag, ang SVD ang sumagot sa pang araw-araw na mga pangangailangan ng mga Lumad at hinayaan silang gamitin ang ilang pasilidad ng retreat house para sa kanilang libangan. Anila, matapos magkaroon ng pagluwag sa umiiral na lockdown, may 4 na mag-aaral na ang nakauwi sa kanilang tirahan at ang iba pa ay nasa proseso na ng pag-aayos para sa pagbalik sa Mindanao nang biglaang salakayin ng PNP-Region 7 ang kampus ng USC na kinaroroonan ng mga Lumad.
Minsan pang pinatunayan ang kawalang habag at kalupitan ng PNP na pati ang mga menor na edad na tinaguriang “bakwit” na mag-aaral ay kanilang gagambalain at pagmamalupitan matapos na paratangang nagsasanay bilang mga susunod na mga mandirigma ng NPA. Kabaligtaran ito ng ginagawang pag-aaruga sa mga kabataang Lumad ng Bakwit School Program ng Diocese of Cebu at ang pagkakanlong sa kanila ng USC. Lalong tumindi ang kalupitang ito ng PNP simula nang maluklok sa kapangyarihan ang uhaw sa dugo at berdugong si General Debold “Mañanita” Sinas na malakas ang loob na gumawa ng mga karumal-dumal na krimen laban sa mamamayan dahil alam niyang siya’y suportado at protektado ng basbas ng pasistang si Duterte.
Samantala, mariing pinabulaan ng DSWD Cebu ang paratang ng PNP na ang mga batang Lumad ay nagsasanay bilang mga child warriors ng NPA. Sa isinagawang interbyu ng DSWD sa mga batang nasa kanilang kustodiya (matapos ang mga ito ay pag-aarestuhin), pagsusulat, pagbabasa at pakukuwenta ang kanila lamang pinag-aaralan sa loob ng bakwit school program at hindi sila sinasanay bilang mga batang mandirigma.
Ang mga estudyanteng Lumad kasama ang kanilang mga guro, magulang at lider ng kanilang pamayanan ay nagtungo sa Cebu upang maipagpatuloy ang naunsyaming pag-aaral ng mga bata matapos wasakin ng AFP at sapilitang ipasara ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga paaralan sa Mindanao. Maling pinaratangan ng pasistang rehimeng US-Duterte na ginagamit ang mga nasabing paaralan ng Lumad bilang recruitment ground ng NPA. Kung matatandaan, nagbanta pa nuon si Duterte na kanyang bobombahin ang mga paaralan ng Lumad sa Mindanao dahil sa paratang na ito.
Magpapatuloy at lalo pang titindi ang ganitong mga kalupitan, terorismo at paglabag ng AFP at PNP sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Kailangan ng taumbayan na buong giting na makibaka para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte at hakbang-hakbang na likhain ang malakas na kilusang masa na nagtataguyod at nagsusulong ng mga demokratikong interes at kahilingan ng sambayanang Pilipino.
Kasabay nito ang maramihang pagsapi sa rebolusyonaryong kilusang lihim at NPA para lumahok sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan (MDB). Ito ang tanging solusyon para makamtan ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganaan. Layon ng DRB na ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino na pinaghaharian ng mga malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa, mga burukrta kapitalista at ng amo nilang imperyalistang US. ###
https://cpp.ph/statements/reyd-at-hindi-rescue-operation-ang-ginawa-ng-pnp-region-7-sa-lumad-bakwit-school-sa-cebu/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.